Episode 11: The Beginning of a Curse (Part 1)

409 11 7
                                    

Barrio Dalisay, Pueblo Balayan.
2 de la mañana.

"Inay, kay aga niyo naman hong gumising."

Napuna agad ni Klarissa ang papalapit na ina habang siya'y nakatayo't nagpupuno ng tapayan ng tubig sa batalan. Magsisimula na sana siyang magsaing para sa umagahan ngunit mabilis palang napansin ng ina ang paggising niya ng sobrang aga. Ang nais kasi niya'y bago man lang siya yumaon patungong ilaya ay maiwanan niyang may pagkain ang hapag ng kanyang pamilya. Mapagsilbihan man lang niya ang mga ito sa huling pagkakataon.

Agad naman siyang sinamahan ng ginang sa pwesto't kinuha ang takureng nakataob sa banggera.

"Di pa ho natilaok ang mga manok. Manumbalik na po muna kayo sa pagtulog," hiling niya sa kasama.

"Hindi na," tutol naman ni Aling Edna na nagpapanimula na ng apoy sa lutuan, "Hindi rin naman ako makapagpahinga nang maigi. Pababaunan na lamang kita ng almusal sa daan."

"Huwag na po, Inay," sagot agad niya sa inang namumungay pa ang mata, "Mapapagod lamang ho kayo. Baka ho parating narin si Itay, kami'y liliban narin nang maaga."

"Kahit kape man lang, Issang... upang may mainit na bagay sa iyong tiyan."

Hindi na niya talaga napigilan ang nanay sa nais nitong gawin. Pinuno na agad nito ang takure't inihanda ang tubig nitong paiinitin. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng lungkot at pangungulila kahit naririto pa siya sa bahay. Marupok pa naman ang kanyang puso sa ganitong paghihiwalay ngunit heto't nasa kalagitnaan na talaga siya ng napipintong paglisan.

Ngayon na kasi nakatakda ang pag-alis niya't pagsisimula ng bagong trabaho sa ilaya. Natanggap siya bilang katiwala sa Hacienda de las Rosas Silvestres kung saa'y kasalukuyan ding nagsasaka ang kanyang ama. Doon na muna siya mamamalagi. Bagama't hindi naman ganoong kalayuan ang hacienda sa kanilang barrio ay mawawalay parin siya sa kanyang pamilya na kailanma'y hindi pa niya naiiwan nang mahigit isang araw. Ilang gabi na nga siyang nalulungkot kaya't ang aga niyang gumigising.

Ngumiti si Klarissa at yumakap sa likuran ng magulang na katatapos lamang gatungan ang siga.

"Salamat po.... Kapag may sapat na po akong pera, ibibili ko kayo ng bagong alampay."

Napaikot tuloy si Aling Edna at humarap sa naglalambing na supling.

"Hindi ko naman hinihiling sa'yo ang magbigay ng materyal na bagay, anak," anitong humaplos pa sa pisngi niya. "Ang tanging nais ko lamang ay ang bumalik ka sa amin nang malusog at maligaya. Kayong dalawa ng iyong ama."

"Alam ko po iyon. Pangangalagaan ko po ang aking sarili. Lagi ko rin pong sisilipin ang kalagayan ni Itay," pangako naman niya.

Ngunit malalim ang naging kasunod na pagbuntong-hininga ng ginang. Tahimik muna nitong tinakpan ang takure at saka ito ipinatong sa apoy na nabuo.

"Kung bakit ba kasi nais ninyo pang manilbihan sa mga dayuhan na iyan. Mahirap silang mapagkatiwalaan," panimula na ng ina sa araw-araw nitong di pagsangayon. 

"... Hindi ka ba maaaring makahanap ng ibang trabaho? Kailangan mo ba talagang magpatuloy, Klarissa?"

Tumango naman siya habang kumukuha ng dalawang tasa para sa inumin.

"Maganda ho kasi ang pasahod ng pamilya ng Cabeza. Kung maisasantabi ko ang malaking porsiyento ng aking kita ay maipapagamot na po natin si Jose. May pag-asa na po siyang muling makakita."

Agad namang kinuha ng ginang ang kanyang mga kamay at kapagdaka'y pinagharap sila sa isa't isa.

"Napakabait mo talagang sadya, anak ko," usal ni Aling Edna na marahang hinimas ang taban. "Hindi ko alam ang aking gagawin kung wala ka. Mag-iingat kang mabuti, ha? Ipangako mo ito, maaari ba?"

Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon