(A/N: Tagalog translation for Spanish dialogs will be posted in the comments section. 😊 If you need the English translation, let me know in the comments as well.)
8 pm.
Nang matapos ang huling gawaing iniatas kay Klarissa ng punong katiwala ay agad siyang nagpalit ng mas malinis na damit at tumungo roon sa hardin. Diyes minutos na makalipas ang alas otso. Nahuli na siya sa usapan nilang oras kaya't hindi niya alam kung naroon pa ang katagpong lalaki o inakala na nitong hindi na siya makakarating.
Pagkayapak niya sa ilalim ng sinasabi nitong arko ng ubasan ay hinanap agad niya ang binata sa paligid. Tila wala namang tao na naroon. Tanging mga sinding lampara lamang sa gilid ng malaking bahay ang nakikita niyang nagsisipagilaw.
"Señorito?" Mahina niyang pagbabakasakali.
Pero wala paring tumutugon sa kanya. Bukod sa mga kuliglig na maligalig ay tahimik naman ang hardin na napapalibutan ng dilim. Bumuntong-hininga nalang tuloy siya't nagpalakad-lakad nang kaunti at sinilip ang mga kubli roong lagusan.
Nang mapagtantong hindi talaga niya mahahanap ang katagpuan ay tumalikod na siya't nagpasya nang bumalik sa mansyon. Ngunit hindi pa siya nakakagalaw ay bigla nalang may sumipol sa kanyang likuran at matuling kinuha ang kanyang atensyon.
"Narito ako..." bulong ng pamilyar na tinig mula sa mayabong na palumpon ng dahon.
"Señorito?"
Inakay naman agad siya ng liwanag ng lampara nito patungo sa tamang direksyon. Nang magkita na ang kanilang mga mata'y inaya rin siya sa senyas ng lalaki bilang imbita naman sa pagpasok. Dahan-dahan'y sinundan niya ang kinaroroonan ng binata at nang magsama na sila'y sabay nilang tinahak ang lugar na liblib kung saa'y naroon ang munti nilang paaralan.
"Bienvenida al aula del profesor Arturo," bati nito sa kanya nang ipinakita na ang lugar.
Napanganga't napangiti nalang siya sa nasaksihan. Mukhang pinaghandaan talaga ng lalaki ang ayos ng kanilang espasyo. Sa ilalim ng naglawitang mga ubas ay naglatag ito ng banig na may mga kumot at ilang unan. Sa gitna rin nito'y patung-patong ang ilang mga libro na sa pakiwari niya'y pagaaralan niya ngayong gabi. Hindi naman ganoong kadilim ang paligid. Naglagay din kasi ito ng mga lamparang isinabit pa sa balag upang magsilbing liwanag sa kanilang pagsasanay.
Napatakip tuloy siya ng bibig—kung hindi kasi'y baka kanina pa siya nakikita ni Arturo na nakanganga.
"... Bueno... maupo na ang mga estudyante! Magsisimula na tayo sa unang leksyon."
Natawa tuloy siya sa pagbibida nito ngunit sumunod din naman agad siya sa guro. Umupo siya ng mayumi sa banig at dumantay sa katabing unan. Sinundan naman siya roon ni Arturo at saka ito pumili ng isa sa mga libro na nakalatag sa sahig.
"Heto... unahin mo itong basahin," sabi ng binata sabay pasa ng aklat sa kanya.
Frases Básicas en Lengua Castellano: libro itong puno ng mga pangungusap at kasabihang Kastila na ang iba'y naririnig narin niya dati. Translado na ito sa wikang Tagalog sa pamamagitan ng mga tintang sulat sa blankong espasyo.
Kunot-noo tuloy siyang nagtanong sa kasama sa pagkakyuryoso sa binabasa.
"Sa inyo po ba ang mga sulat na ito?"
Tumango naman si Arturo.
"Hindi kasi madali ang makahanap ng buong libro na magkahalo ang parehong wika kaya... hayan. Para hindi ka mahirapan."
Binuklat-buklat pa niya ang lahat ng pahina at doo'y nalaman na ang buong aklat ay naisalin nga sa lengwaheng nakasanayan niya. Napatingala tuloy siya rito sa pagkamangha sa ginawa nitong pabor para sa kanya.
BINABASA MO ANG
Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]
RomanceFINAL BOOK OF FATED TO LOVE YOU SERIES. Sa ikatlo at huling yugto ng storya, patuloy kayang mangingibabaw ang lakas ng kapit ng pag-ibig? O magpaparaya ang tadhana sa hagupit ng mapaglarong sumpa? Alin ang magiging mas matimbang sa huli? Continuatio...