Chapter 22

611 43 0
                                    

Binuksan ni Gideon Baltazar ang pintuan ng kuwarto na pinagtataguan niya. May hawak itong isang supot ng pagkain at bote ng tubig na binili niya sa malapit na karinderya.

Nang makapasok ay isinara at ni-lock niya agad ang pinto. Ang kuwarto ay maliit lang. May nag-iisang higaan sa gilid, isang lamesa sa tabi nito at isang lumang upuan.

Sa sahig ay nagkalat ang konting kagamitan niya. Ma-swerte na siya at nakahanap siya ng matutuluyan habang tinutugis siya ng mga nang-ambush sa kanyang boss.

Si Andros Rodrigo na lang ang kanyang pag-asa ngunit kapag gumalaw siya ay lalong mas madali siya nilang mahahanap.

Napaupo siya sa gilid ng kanyang higaan at napayuko. Naglabas ito ng mabigat na hangin.

'Pagod na ako magtago...'

Maya-maya, gulat na lamang ni Gideon nang may kumatok sa kanyang pintuan. Agad siyang naalerto.

Maingat niyang pinulot ang baril sa sahig at ibinulsa ang kanyang cellphone. Pinulot niya muna ang bote ng alak na nasa lamesa para pamalo bago maingat na lumapit sa pinto.

Sumilip siya sa maliit na butas. Namilog ang kanyang mga mata nang makitang may tatlong lalaking nag-aabang sa kanya. May nakatayo sa mismong harapan ng pinto, naninigarilyo pa ang isa habang ang isa naman ay nakasandal sa tapat na pader.

'Tauhan ng mga Navarro!'

Dali-daling sumuot si Gideon sa ilalim ng kanyang higaan. Binuksan niya ang maliit na pinto doon at maingat na bumaba. Tinungo niya ang masikip na daan sa ilalim ng mga bahay-bahay. Itinuro sa kanya iyon ng may-ari ng maliit na kuwartong iyon. Ginagamit ito ng mga taga doon bilang daan at taguan.

Mabilis ang takbo ni Gideon hanggang sa nagbukas ito ng isa pang pinto sa taas. Lumabas siya doon at nakarating siya sa isang kusina.

Ipinagpapasalamat na lang niya na walang tao. Lumabas siya sa bahay na iyon ngunit tama namang may isa pang tauhan ng pamilya Navarro ang nakasalubong niya. Nakilala ito ni Gideon dahil nakita na niya ito sa gabi ng ambush.

"Hoy!" sigaw ng lalaki.

Tumingin naman sa paligid si Gideon at nakitang mag-isa lang ito.

Nagsalubong ang dalawa at nagsimulang magpalitan ng suntok. Nang makarinig ng ingay ang mga taga-doon ay dali-dali silang nagsara ng kani-kanilang bintana at itinago ang mga anak at kapamilya.

Sinubukan siya ulit suntukin ng lalaki sa mukha ngunit naunahan niya itong suntukin sa tiyan. "Agh!" Sinipa ito ni Gideon bago dinaganan.

Nanaig ang galit ni Gideon kaya't buong lakas na pinagsusuntok niya ang lalaking tauhan ng Navarro. Kahit gusto pa niyang pahirapan ang lalaki, alam niyang may iba pang naghahabol sa kanya.

Kaya't inilabas na lamang niya ang baril, ikinasa at walang emosyong binaril ang lalaki sa ulo.

Hinabol ni Gideon ang kanyang hininga bago umalis doon. Nagsimula ulit itong tumakbo sa masikip na daan kung saan may nagkakalapit na bahay nang marinig ang mga humahabol sa kanya.

"Habulin niyo!" May kalayuan na si Gideon pero narinig niyang sigaw iyon ng isa. Alam niyang nahanap na nila ang patay na kasamahan nila.

Tumatakbo pa rin si Gideon nang makarinig siya ng mga putok ng baril. Napamura sa kanyang isip ang lalaki dahil naabutan siya ng dalawa.

Lumiko si Gideon sa ibang direksyon at sinubukang maghanap ng matataguan. Sunod sunod ang kanyang pagmura sa kanyang isipan dahil wala siyang mahanap na lugar. Nakasara lahat ng mga pinto dahil alam nilang may habulang nagaganap dito sa labas.

Nerium oleander: The Deadly FlowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon