12

6.4K 184 4
                                    

  
  
  
   
NAGISING si Aria sa matinding sakit ng ulo. Sinubukan niyang bumangon ngunit umiikot ang paligid niya kaya nanatili lamang siyang nakahiga.Tinawag na lamang niya sa Devanie.

"Devanie..."

Ilang sandali lamang ay bumukas ang pinto ng silid at iniluwa si Devanie.

"Ayos lang po ba kayo, Miss Aria?"

Nag-aalala itong lumapit sa kanya. Sapo niya ang ulo dahil pakiramdam niya umiikot ito.

"Masakit ang ulo ko. Ano bang nangyari kagabi? Nasaan ako?" Gusto niya sanang tingnan at suriin ang buong silid ngunit nahihilo siya. Ang tanging alam lamang niya ay wala siya sa dati niyang silid sa condo.

"Narito po kayo sa mansion ni Sir Helius. Dito na po kayo titira simula ngayon. Medyo naparami po ang nainom ninyo nina Miss Hera kagabi kaya po nalasing kayo. Ipaghahanda ko po kayo ng masarap na almusal at tsaa para gumanda ang pakiramdam ninyo. Ihahatid ko po ba dito sa silid o sa dining area na po kayo kakain kasabay ni Sir Helius?"

Naglahong bigla ang nararamdaman niyang sakit ng ulo nang marinig ang pangalang Helius. Napalitan ang nararamdaman niya ng kaba.

"Ahmm.. sina Hera ba saan kumain?" Kailangan niyang maging maingat sa kinikilos lalo na at kasama lamang niya sa bahay si Charity na ex-girlfriend ng Helius na 'yon.

"Nasa pool po sila ngayon kumakain. Maaga po silang nagswimming para daw mawala ang pagkalasing nila. Gusto niyo po ba sumabay sa kanila?"

Bumangon siya at sumilip sa bintana ng silid kung saan natanaw niya ang malawak na mga swimming pool. May tatlong swimming siyang natatanaw. Ang isa ay napakalaki at may diving board habang ang dalawa naman ay jacuzzi. Nakita niya roon sina Hera, Therese, Penelope at naroon din si Charity.

Makita pa lang si Charity parang ayaw na niyang lumabas ng silid. Ayaw niya sa lahat ay nakikipagbangayan kaya siya na ang iiwas sa gulo. Narito lang naman siya dahil sa pera kaya sana makapili na ang Helius na 'yon ng kanyang mapapangasawa maliban sa kanya.

"Sa dining area na lang ako kakain. Maliligo lang ako."

Tumango lamang si Devanie saka siya iniwan. Nagtungo naman kaagad siya sa banyo para maligo. Mabilis lamang siyang naligo dahil alam niyang naghihintay si Devanie ngunit sa pagbibihis yata siya matatagalan. Nang pumasok siya sa walk-in closet para magbihis ay tumambad sa kanya ang napakaraming klase ng mga damit.

"Wow, extension ba ito ng SM? Parang nasa department store ako ah." Mangha niyang kinuha ang isang dress at inilapat sa katawan at humarap sa salamin. "Ang ganda."

Naghanap siya ng damit na angkop niyang suotin ngunit wala yata pambahay sa mga damit na naroon kaya naman isang maxi dress na may floral design na lang ang isinuot niya. Ankle length iyon kaya swak na swak sa panlasa niya sa damit.

Nang makontento na sa kanyang suot na damit ay bumaba na siya para kumain. Nasa hagdan pa lamang siya ay amoy na amoy na niya ang sinangag at itlog na niluluto ni Devanie.

Nagtungo siya sa kusina para puntahan si Devanie ngunit napahinto siya ng makita ito sa dining area at naghahanda ng mga gagamitin sa pagkain.

"Alam na alam mo na talaga ang guso kong almusal," wika niya rito. "Pero sana ikaw na nagluto at hindi mo na pinaluto sa katulong. Mas gusto ko ang luto mo eh."

Nakangiti niyang wika rito ngunit tipid lamang na ngumiti si Devanie. Nagtaka siya kaya lumapit siya rito at tinulungan ito sa ginagawa. Napansin niya na dalawang pinggan ang nasa mesa.

"Sasabayan mo akong kumain, Dev?"

"Hindi po, Miss Aria." Bakit biglang napakagalang naman makipag-usap ni Devanie?

His ObsessionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon