"Faith? Hindi ka ba uuwi ngayon?" tanong ko kasi pansin kong hindi siya nag-aayos ng gamit niya.
"Hindi nalang muna siguro? Sa susunod nalang... Kailangan kong magtipid ng pamasahe dahil kakarampot at halos wala na nga akong maipon dahil bigay lang ako nang bigay kay Tatay."
Suminghap ako. Ayan na naman siya.
"Magtira ka rin para sa sarili mo. Ako nga, nagtatabi ako para sa pangangailangan ko dito."
Bumuntong hininga siya. "Gustuhin ko man pero kinukuha ni Tatay ang sweldo ko, Niana... At kung lalaban pa ako, alam mo naman kung anong nangyayari. Umiiwas ako sa gulo dahil ayokong magkaroon ulit ng gastos at sakit sa ulo," sagot niya.
Matalim ko siyang tinitigan. Nasa kuko lang din ang paningin niya na para bang malalim ang iniisip. Hindi ko na rin siya pinilit pa dahil alam kong importante rin sa kanya 'to. May mga sarili kaming pangarap para sa pamilya. Pareho lang kaming nagtataguyod para sa mga naiwan namin sa patag.
Nagpaalam na ako sa kanya bago ako pumasok sa loob ng mansyon para makapagpaalam kay Aling Kusing at Ma'am Rege.
Sakto ring nadatnan ko si Aries na abala sa cellphone niya at mag-isang nakaupo sa sofa.
"Hindi na masakit ang ulo mo?"
Napaangat ang tingin niya sa akin bago umiling. Nga lang, sinuyod niya ng tingin ang porma ko. Nailang tuloy ako...
"Aalis ka?"
"Uuwi ako. Babalik ako bukas," inayos ko pa ang long sleeves ko kasi nga hindi ako kumportable sa titig niya. Baka mamaya nilalait niya ang damit ko! Simpleng long sleeves at pantalon lang naman ang suot ko kasi uuwi lang naman ako sa amin.
"Si Faith?"
"Ah... Hindi muna siya uuwi ngayon." Nilingon ko ang kusina. "Kung may kailangan ka, tawagin mo lang siya."
Ibinaba niya ang cellphone niya at inilapag 'yon sa maliit na lamesa na nasa harapan niya.
"Commute?"
Tumango ako.
"Nasaan ang Mommy mo?" tanong ko kasi kailangan ko nang magpaalam. Ayokong abutin ng gabi sa byahe.
"She's in the library." sagot niya.
Hindi na rin ako nagtagal pa at agad na nagpaalam para dumiretso sa library. Hindi ko alam pero kahit na nakatalikod ako ay ramdam ko kung gaano kabigat ang tingin niya sa akin. May mali ata sa suot ko? Nababaduyan ba siya? Ganda kaya ng damit ko! Nabili ko lang 'to sa halaga na bente pesos.
Nang malagpasan na ang opisina ni Ma'am Rege, maingat kong binuksan ang pinto at dahan-dahang sumilip. Natanaw ko si Ma'am na abala sa kanyang makakapal na libro, seryosong seryoso sa binabasa.
"Niana?" tawag niya nang makita ako.
"Ma'am? Magpapaalam na po sana ako. Uuwi na muna ako pero sisiguraduhin ko pong maaga akong makakabalik bukas."
Binaba ni Ma'am Rege ang librong binabasa niya bago bumaling sa akin.
"Oh sige... Mag-ingat ka! Ikamusta mo ako sa pamilya mo."
"Sige po..." sagot ko bago yumuko bago sinirado ang pinto. Seryoso kong binalikan 'yung dinaanan ko kanina nang matanaw si Aries na nakatayo lang sa sala. Nasa relo ang atensyon niya at nang mapansin ako ay agad na iniangat ang tingin niya sa akin.
"May lakad si Sagi. Walang maghahatid sa iyo."
Umiling ako. "Okay lang Aries. Magpe-pedicab nalang ako—"
"Hatid na kita," sabay pakita niya sa susi ng kotse.
Nilagpasan niya ako at agad na lumabas patungong garahe. Hindi niya na hinintay ang sagot ko kaya kahit hindi ako sang-ayon sa gusto niyang mangyari, wala na akong nagawa. Ngumuso ako at tahimik na sumunod sa kanya.
BINABASA MO ANG
Yes, No, Maybe (Castillo Series #1)- PUBLISHED UNDER IMMAC PPH
RomanceWarning: Rated 18+. This story contains mature contents that clearly not suitable for young readers. When you think you're old enough to read this one then read at your own risk. Age. Social Status. Gap. Does it matter? Naniniwala si Niana Garcia n...
