Chapter 1

916 19 1
                                    

"Ano? Sama ka sa akin?"

Sinamaan ko ng tingin si Faith dahil kanina pa siya parang lintang nakadikit sa akin. Kanina pa siya nandito at siguradong manggugulo na naman siya tungkol sa paghahanap ng trabaho sa Digos. Guguluhin niya na naman ang utak ko.

"Tigilan mo nga ako... baka mamaya, maloko na naman tayo. Makikita mo na talaga," banta ko sa kanya. Nanggigigil pa rin kasi ako sa kanya kapag naalala ko ang pinaggagawa niya sa akin noon. Sa inis ko ay baka mabato ko 'to sa kanya ang nililinisang repolyo. Alam ko naman na 'di niya sinasadya pero nakakapikon pa rin.

Ngumuso lang siya at mas hinarap ako ngayon.

"Niana naman... Maniwala ka na kasing wala talaga akong ideya do'n! Naloko lang din ako," paliwanag niya.

Siyempre, hindi ko rin naman siya masisisi. Alam kong naloko lang din siya. Pareho lang naman kami ng gustong makaraos sa buhay. Kaya lang pareho kaming ang dali lang maloko.

"Totoo na talaga 'to! Promise... mas legit pa sa future mo," dugtong niya.

Sinamaan ko siya ng tingin. Ayaw niya talaga akong tigilan.

"Ano ba kasi iyan ha? At kanina mo pa ako gustong ipasok diyan?"

"Trabaho nga! Naghahanap sila ng katulong. Okay lang daw kahit highschool graduate! Pasok na pasok tayo!"

Pinunasan ko 'yung kamay ko at hinablot ang papel na kanina niya pa hinahawakan. Kumunot ang noo ko dahil puro Ingles naman ang linggwaheng ginamit. Kaunti lang ang naiintindihan namin. Basta, ang sigurado ay naghahanap sila ng katulong.

"Malaking sahod oh!" turo pa ni Faith sa nakasaad na sahod. Napaisip tuloy ako.

Castillo...

"Pamilyar sa akin ang apilyedo. Castillo ng Digos ba 'yan?" tanong ko.

"Oo kaya legit na legit 'yan! Naghahanap sila ngayon dahil mukhang magre-retire na 'yong iba nilang kasambahay na halos ilang taon na nagse-serbisyo sa kanila. Kitams? Ganoon siguro sila kabait dahil maraming katulong nagtatagal at umaabot ng ilang taon ang naninilbihan sa kanila," aligaga na siya sa pangungumbinse sa akin.

Ibinalik ko sa kanya ang papel.

"Sige na, Niana! Chance na natin 'to, kailangan mo ng pera di'ba? Mag ka-college na 'yan si Gelo kaya dapat may pera ka para sa pang matrikula niya at pambayad ng mga projects! Kailangan ko rin ng pambayad sa gamot ni Tatay. Alam mo na... Baka sa ilalim na ako ng lupa ipapatapon kapag wala na akong maiabot sa kaniya," sabi niya.

"Pag-iisipan ko muna."

Tinampal niya ako.

"Huwag ka nang mag-isip! Kailangan natin ng pera, 'di ba?"

Pinagdilatan ko siya ng mata kasi hayan na naman po siya sa padalos-dalos niya.

Napakamot siya sa ulo niya bago ako tinampal ulit. "Tawagan mo ako ha! Teka lang... Balik muna ako sa bahay, dadaanan kita mamaya!"

Napabuntong-hininga nalang akong napaupo sa kawayang upuan. Napatingala ako sa kalangitan at mukhang magsisimula na naman atang umiyak. Niligpit ko na agad 'yung trapal bago pa ito tuluyang maabutan ng ulan.

Mukhang kailangan ko na ata talagang maghanap ng trabahong may malaking sahod. Lumalaki na ang mga kapatid ko kaya mas madami na rin kaming gastos. Mula sa pagkain at sa pag-aaral nila. Kailangan ko ring makapag-ipon para kahit papaano ay may madukot man lang kung sakaling may emergency. Tumatanda na pareho sila Nanay kaya kailangan kong makatabi kahit kaunti para sa medical funds nila.

Hinubad ko pareho ang gloves ko at pumasok sa loob ng bahay. Agad kong naramdaman ang lamig kaya nagdesisyon akong mag kape.

Hay naku! Kaya nahihirapan din akong maghanap ng trabaho dahil ayokong mawalay sa pamilya ko. Pero dahil mahirap nga lang, wala naman akong choice kasi kung paiiralin ko 'yung emosyon ko, hala, edi baon na kami panigurado sa utang ngayon. Dalawampu't anim na taon na akong nakatapak sa lupa ng Kapatagan kaya ang hirap sa akin na umalis dito. Dito na ako lumaki. Dito na ako nagkamalay pero dahil sa kakulangan ng pera, kailangan kong bumaba para makatulong sa pamilya.

Yes, No, Maybe (Castillo Series #1)-  PUBLISHED UNDER IMMAC PPHTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon