Kabanata 23

46 4 0
                                        

GRASIA

“Aaaaaaahhh!!” kanina ko pa binabatukan ang sarili ko. Hindi kasi maalis sa isip ko iyong nangyari kagabi.

Hindi iyon totoo! Alam ko na nanaginip lang ako kagabi! Nakakainis naman kasi si Linnus puro pang-aasar na lang ang ginawa sa akin. Kahit na wala siyang sabihin alam ko na ang mga kilos at ngiti niya.

“Arghhhh!!” napasigaw lalo ako sa sobrang inis.

“Grasia... May problema ka ba?” napalingon naman ako kay Ate Vicky na kapapasok lang ng kusina. “Kanina ka pa gan'yan ah, ayos ka lang ba?”

Malakas akong bumuntonghining saka siya sinalubong at kinuha ang mga dala niyang mga hugasin.

“Ako na po ang maghuhugas, wala na po akong gagawin Ate Vicks,” sambit ko.

Tumango lamang siya. “Sige, ikaw na muna ang bahala r'yan. May iniutos din kasi sa akin si Ma'am Shirley.”

Umalis na siya sa harapan ko at lumabas ng kusina. Maayos kong isinalansan ang mga plato para mahugasan ko na ang mga ito.

Hindi Grasia. Panaginip lang iyon!

H'wag kang magpapadala sa mga kinikilos ni Linnus, pinagtitripan ka lang ng isang 'yon.

“Ahhhh! Bakit kasi parang totoo?! Arghhh! Nakakabanas naman!”

“Ang alin parang totoo? Bakit ka naman nababanas?”

“Ay! Anak ng— ano ba Linnus? Basta-basta ka na lang nagsasalita d'yan?!” napaatras pa ako nang makita siya sa likuran ko.

Ngumisi naman siya sa akin. “What are you doing?”

“Naghuhugas ng plato, nakikita mo naman diba—”

Bigla siyang lumapit sa akin at walang habas akong pinausod sa isang tabi. “I'm gonna help you.”

Nalaglag ang panga ko sa sinabi niya. Siya maghuhugas ng plato? Pinanood ko naman siyang magsuot ng gloves na 'yung ginagamit panghugas sa plato.

“Hoy Linnus! Marunong ka bang maghugas ng plato ha?” pagtataray ko. “At saka h'wag mo na nga akong guluhin dito. May trabaho ka pa diba?”

“Wala akong pasok ngayon Grasia, rest day,” sagot niya.

“Oh? Rest day niyo pala eh, magpahinga—”

“Ayaw ko,” agap niyang sagot habang hinahawhawan na ang mga plato. Napailing na lang ako saka pumwesto na rin para matulungan siya.

“Ewan ko sa'yo Linnus, kung anu-ano trip mo sa buhay,” sambit ko. Kinuha ko na ang dishwashing liquid para ako ang tiga-sabon ng mga nahahawhawan niya.

“Gala tayo mamaya,” sambit niya. Napalingon naman agad ako sa sinabi niya.

“Ha?”

“Hangganda mo, Grasia,” mabilis siyang sumagot saka ngumisi.

Aba, siraulo 'to ah!

“Gagala saan?” tanong ko naman habang nagsasabon ng plato. “At bakit?”

“Basta, tapusin na natin lahat ng mga gagawin mo para mabilis tayong matapos,” aniya pa.

“Ano bang sinasabi mo Linnus?” tumabingi pa ang ulo ko para makita ang mukha niya. Nakangisi pa rin siya hanggang ngayon. Ano kayang trip nito ngayon?

“Tutulungan na kita para mabilis matapos.”

Hindi na ako sumagot at hinayaan na lang siya. Tahimik lang kaming dalawa habang naghuhugas ng plato. Siya ang tiga-hawhaw tapos ibinibigay niya sa akin ang sasabunin. Nang matapos siya ay saka niya naman kinuha ang mga nasabon na at saka isa-isa itong binanlawan. In fairness, marunong nga siya maghugas.

Nang matapos kong magsabon ay saka ko na siya tinulungan sa pagbabanlaw. Inulit pa namin ng isang beses ang pagbanlaw sa mga hugasin.

“Ayos na ang dalawang beses?” tanong ko. Tumango naman siya at saka isinalansan ang mga hugasin sa tabi.

Hindi naman ganoon katapang iyong dishwashing liquid para kumapit sa mga plato. Kaya dalawang beses lang kami nagbanlaw. 

“Ahh! Linnus!” isang malakas na wisik ng tubig ang tumama sa mukha ko. Nakangisi lang si Linnus sa akin habang nakaamba ulit na patamaan ako ng tubig.

“Ah, iyan pala ang gusto mo ha!” binuksan ko ang gripo saka isinahod ang kamay ko. Pagkatapos magkaroon ng tubig ang kamay ko saka ko naman ipinatama kay Linnus.

“Grasia! Ang daya mo! Dalawang kamay gamit mo!” umikot na siya ng lamesa para mailagan ang mga iwiniwisik kong tubig.

“Ikaw ang nagsimula eh, tapos ngayon magrereklamo ka!” tumatawa na ako dahil sa reaksyon niya. Basang-basa na rin ang suot niyang sando dahil sa tubig.

“Ahhh!!” napatili naman ako nang makalapit ulit siya sa lababo at makakuha ng tubig. Kumuha pa siya ng pitsel para mas marami ang maipapatama sa akin.

“Akala mo huh! Hindi mo ako matatalo Grasia!” sigaw niya pagkatapos ay tumawa nang malakas.

Dahil isa rin akong palaban at hindi nagpapatalo. Kumuha rin ako ng pitsel at pinuno ito. “Humanda ka na Linnus, maliligo ka nang maaga ngayon!”

Hindi maipinta ang reaksyon ni Linnus nang isang tirahan ko isinaboy sa kaniya ang isang pitsel ng tubig. Sumakto pa sa mukha niya ang tubig pababa sa kaniyang damit at suot na jogging pants. Hanggang baba ay basang-basa pati ang sahig ay naglalati na rin.

Ngumuso naman siya sa akin. “Ang daya mo Grasia, ako gamit lang kamay pangwisik. Tapos ikaw isang sabuyan? Grabe ka naman.”

Natawa na lang ako nang magpaawa pa ang mukha niya. Sa unang pagkakataon, narinig ko siyang magsalita na tunog chinese. Hindi ko na mapigilan ang pagtawa.

“Hindi bagay sa'yo Linnus, hindi ka cute—”

“I know I'm not cute but I'm handsome and... sexy,” aniya na ikinalaglag ng panga ko.

“Ang hangin mo rin Linnus!”

Hindi nga nagkakalayo na magpinsan sila ni Chen!

“Ah...” Napalingon kaming dalawa ni Linnus sa bagong pasok sa kusina. Si Ate Susan, napapailing na lang sa aming dalawa. Gawa ng ang sahig ay basang-basa na rin, pati kami ni Linnus.

“Ah... Kaya pala... Kaya pala ang lungkot ko kapag naghuhugas ng plato kailangan pala may ka-partner,” sambit ni Ate Susan. Natawa naman kami ni Linnus.

“Ano ka ba Ate Su, sasamahan din kita maghugas minsan,” ani ko.

Napairap naman siya sa ere. “Hay nako, mga bata kayo! Magbihis na kayo at baka magkasakit pa kayo sa ginagawa niyo, ako na ang maglilinis dito.”

Alam kong hindi naman siya galit. Kaya nagpaalam na kami ni Linnus para makapagbihis ng damit.

“May ipinadala pala ako kay Ate Vicky na paper bags kanina, iyon na lang ang suotin mo Grasia para makaalis na rin tayo,” sambit ni Linnus nang makalabas kami ng kusina.

“Ha—bakit binigyan mo ako ng damit?”

“Ang assuming mo, lahat kayo binigyan ko. Hindi lang ikaw, pati si Ate Vicky at Ate Susan mayroon din,” aniya saka ngumisi.

Tumaas ang gilid ng labi ko. “Tsk. Saan ba muna tayo pupunta?”

“Secret,” sagot niya na ikinangiwi ko.

* * *

CaptivatedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon