Kabanata 19

44 4 0
                                    

GRASIA

Lumabas ako ng mansyon bitbit ang dalawang sako ng mga basura. Ilang araw matapos kaming maglinis ng buong mansyon. Isang damukal na kalat na naman ang naipon sa loob at labas.

Iniwan ko muna sa tabi ang dalawang sako dahil mamaya pa ang oras ng daan noong truck na nangongolekta ng basura. Sakto naman na may lumabas din sa kabilang mansyon. Nasilayan ko si Ate Budang na may dala ring sako ng basura.

“Ate Budang!” tawag ko na ikinalingon niya.

“Uy, Grasia! Ikaw pala,” aniya habang maayos na iniwan ang sako sa tabi ng kanilang gate. Tumawid naman ako ng kalsada at tinahak ang puwesto niya.

“Kumusta na kayo Ate? Si Mana? Hindi na ako nakakapunta r'yan,” sabi ko saka isinuksok ang dalawang kamay sa bulsa ng aking uniporme. “Ang dami kasi naming trabahuin araw-araw.”

“Ayos lang naman kami palagi rito,” sagot naman niya. “Hindi mo kami kailangan alalahanin Grasia.” Ngumiti naman siya at gano'n din ako sa kaniya.

“Ikaw ba? Kayo nila Susan at Ate Vicky?” tanong niya naman.

“Ayos lang din Ate, pero iyon nga marami talaga kaming ginagawa. Pero nakapagpapahinga naman kami nang maayos pagkatapos maglinis,” paliwanag ko.

“Edi okay naman pala,” aniya “Mamaya dalhan ko na lang kayo meryenda, nagluto kasi kami nila Mana ng bibingka!”

Nanlaki ang mata ko. “Wow! Ang tagal ko ng hindi nakakatikim no'n ah!”

“Mamaya dadalhan namin kayo,” sambit niya.

“Ahm... Nand'yan po ba si Chen Ate Budang?” tanong ko. Napalingon naman si Ate Budang sa mansyon na pinapasukan nila.

“Ay, si Chen ba? Wala siya rito eh, araw-araw na kasi 'yon umaalis,” aniya. “Simula noong dumating na 'yung soon to be fiancé niya, palagi na silang busy... Inaasikaso 'yung engagement nila.” Dagdag niya pa.

Tumango-tango naman ako. “Ah, kaya pala,” sambit ko na lang.

Kaya pala hindi ko na rin siya nakikita. Kahit magparamdam man lang siya sa akin. Hindi niya nga ako tinetext eh. Kasi busy siya at kasama 'yung soon to be fiancé niya—soon?! Ibig sabihin hindi pa sila engaged?!

“Ah, sige po Ate Budang... Una na po ako, kailangan ko na po ulit magtrabaho sa loob.” Paalam ko.

Nang makapagpaalam na kami sa isa't isa ay dumiretso pasok na ako sa loob ng mansyon ng mga amo ko. Nalilito pa rin ako kung ano ba ang tamang itatawag ko sa magkatapat na mansyon... Eh, parehas kasi silang mansyon ng mga Chua?

Ah, tatawagin ko na lang na mansyon no. 1 'yung sa mga amo ko. Kasi mas matandang Chua naman si Sir Xin kay Sir Xico, kaya mansyon no. 2 na lang 'yung sa kabila.

“Grasia!” kaagad akong napalingon sa taas dahil sa pagtawag ni Ate Susan. Kapapasok ko pa lang ng mansyon at siya naman ay pababa ng hagdan.

Nagmamadali akong sinalubong siya. “Oh, Ate Su? Bakit?”

“Nako Grasia! Si Sir Linnus, inaapoy ng lagnat! Ayaw magpadala sa ospital!”

Nanlaki ang aking mga mata at kaagad kaming dumiretso sa taas at tinungo namin ang kwarto ni Sir Linnus. Naabutan namin siyang nakatalukbong ng kaniyang kumot.

“Grasia, tatawagin ko lang si Ate Vicky ha! Ikaw muna rito!” saka ako iniwan ni Ate Susan na nag-iisa sa loob ng kwarto ng amo ko.

“Linnus? Ayos ka lang ba?” tanong ko. Hinawakan ko pa ang kumot at mahina siyang inalog.

Wala si Sir Xin at Ma'am Shirley ngayon. Ano bang gagawin namin? Alam ko naman na walang pakialam si Ma'am Shirley kay Linnus. Hindi ko naman alam ang relasyon ni Sir Xin sa anak niya.

Hinila ko nang bahagya ang kumot niya para makita ko ang mukha niya. Namumula pa ito nang pagmasdan ko na payapa siyang nakapikit.

Idinampi ko ang aking palad sa kaniyang noo. “Linnus, sobrang init mo... Kailan pa ang lagnat mo? Uminom ka na ba ng gamot?” sunod-sunod na tanong ko.

Wala akong nakuhang sagot sa kaniya. Kagabi pa siguro siya may lagnat? Bakit hindi man lang siya nagpadala sa ospital o kaya uminom ng gamot?

“Nilalamig ka ba?” tanong ko pa. Napansin ko kasi na malamig sa loob ng kaniyang kwarto dahil nakabukas ang aircon. Hindi pa rin siya sumasagot mahimbing yata ang tulog niya.

“Grasia!” napalingon naman ako sa bagong dating na si Ate Susan. May dala siyang isang plangganita ng tubig at bimpo. “Ikaw na muna r'yan, kailangan ko tulungan si Ate Vicky sa baba.

“Tumawag pala ako sa kabilang mansyon, ang sabi eh... Hindi raw nagpapadala sa ospital si Sir Linnus.” Dagdag pa niya.

Tumango na lang ako sa kaniya at kinuha ang dala niya. Alam kong busy si Ate Vicky dahil may inuutos sa kaniya si Ma'am Shirley. Wala na naman akong gagawin kaya mas mabuting ako na muna rito.

“Sige Ate, ako na ang bahala,” ani ko.

Nang lumabas na ulit ng kwarto si Ate Susan ay bumalik na ako sa tabi ng kama ni Linnus. Inilapag ko ang plangganita sa katabing table at pinatay ko muna ang aircon.

“Pinatay ko na muna ang aircon para pagpawisan ka,” ani ko. Nagsasalita pa rin ako kahit walang makuhang sagot.

Para mawala ang init sa buong katawan niya ay pupunasan ko na lang siya. Hinila ko pababa ang makapal na kumot na nakabalot sa kaniya.

“Ay! Pusang gala!” utas ko nang matanggal ang kumot. “Ano ka ba naman Linnus? May sakit ka na lahat-lahat, naka-topless ka pa rin?”

Napailing na lang ako nang makita na nakasuot lang siya ng pajama at walang damit. Ayos na siguro ito dahil pupunasan ko naman ang katawan niya?

Kinuha ko na ang plangganita at bimpo. Idinampi ko muna ang aking kamay sa tubig para matantsa kung sakto lang ang lamig nito. Saka ko inilubog ang bimpo at inahon pagkatapos ay piniga.

Inuna ko munang punasan ang namumula niyang mukha. Dahil siguro iyon sa nararamdaman niyang init. Napatigil ako sa pagpupunas nang bigla siyang gumalaw. Pinagmasdan ko naman ang mukha niya.

Ang inosente niyang tingnan... Kung hindi ko lang siguro siya nakita noon na—basta. Ang kinis ng balat niya, ang kapal ng mga kilay, pati ang pilikmata niya ang ganda-ganda. Ang tangos ng ilong, pati ang natural na mapupula niyang labi at hubog na hubog din ang kaniyang panga.

Ang gwapo rin pala ni Linnus, in fairness. Nasa dugo na rin yata nila 'yon kasi gwapo rin ang mga pinsan niyang sina Chen at Hino.

“Alam mo Linnus, ang gwapo mo rin pala, kaso bakit babaero ka?” natawa na lang ako. “Kung hindi lang sana kita noon napanood ng live baka maging cru—”

“G-grasia?”

* * *

CaptivatedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon