Kabanata 27

48 4 0
                                        

GRASIA

“Saan ka naman pupunta, Grasia?” tanong ni Mana sa akin. Maaga kasi akong nagbihis ng damit na gagamitin ko mamaya sa party dahil nga magkikita kami ni Chen. Sampung minuto nalang bago mag-ala sais ng gabi. Gusto ko kasing mas mauna kay Chen doon dahil kinakabahan talaga ako.

“Kikitain ko lang po si Chen, Mana,” sambit ko. Nagtaka naman ang mukha niya dahil sa paalam ko. “May sasabihin lang daw po siya sa akin.”

Hindi na umalma si Mana sa pagpapaalam ko. Pero bago pa ako umalis ay nagsalita siyang muli.

“Grasia... Bumalik ka rito bago mag-alas otso, para sabay-sabay na tayong pupunta ng venue.”

“Opo, Mana.”

...

Ilang minuto lang ang inabot bago ako nakarating sa pinakahuling cottage ng resort. Madilim ang loob ng cottage dahil nakapatay ang ilaw. Kinapa ko ang cellphone ko sa bulsa para may magamit na flashlight, pero wala ito. Nakalimutan ko yata roon sa kama ko. Wala na akong choice kaya dumiretso na ako sa cottage kahit madilim. Kahit mag-aalasais palang ng gabi ay madilim na rin talaga at kanina pa lumubog ang araw.

“Ay, anak ng—” isang mahigpit na yakap ang sumalubong sa akin pagpasok. Isang pamilyar na pabango ang nanuot sa aking ilong. “C-chen?”

Tumagal ng ilan pang sandali ang pagyakap niya sa akin bago siya kumalas. “Dumating ka, Grasia.”

“Hmm... Bakit akala mo ba hindi ako makakarating?” tanging ang liwanag lang ng buwan ang siyang nagbibigay ng kaunting liwanag sa loob ng cottage.

Parang coincidence palagi ang ganito naming sitwasyon... Tuwing madilim, walang ilaw... Nand'yan ang buwan para magbigay liwanag sa amin. Kitang-kita ko ang mga matang matagal ko ng hindi nasisilayan. Ang mga mata ni Chen na sa tuwing matatapatan ng liwanag ng buwan ay talagang nakakamangha.

“Grasia...” panimula niya. Hinawakan niya ako sa kamay bago inalalayan na makaupo. Matapos noon ay siya naman ang umupo sa harapan ko. Ipinatong niya ang kaniyang dalawang kamay sa mesa at dahan-dahan pang napahilamos sa mukha.

“Bakit Chen? Ano ba 'yung sasabihin mo sa akin?” naguguluhan na rin ako sa kinikilos niya.

“Grasia... H'wag kang magagalit sa akin pagkatapos mong marinig ang lahat... Please, promise me,” sambit niya at humarap sa akin diretso sa mata.

“Ang alin ba? Sige sabihin mo na,” ani ko. “Hindi ako magagalit sa'yo bestfriend kahit ano pa 'yan.”

Humugot siya nang malalim na paghinga bago umayos ng upo. Pinagsalikop niya ang dalawa niyang kamay sa mesa bago magsalita.

“Grasia... Mahal kita.” Isang nakakabinging katahimikan ang bumalot sa aming dalawa. Pagkatapos niyang sabihin iyon ay parang may bumara sa lalamunan ko at hindi ko magawang magsalita. Ang kaninang pakiramdam ko na kabado ay mas lalong dumoble matapos marinig ang sinabi niya.

“Grasia... Gusto kong malaman mo na mahal na mahal kita. Hindi ko man ma-explain sa'yo nang maayos pero isang araw na-realize ko na mahal na kita. And I don't want you to get hurt that's why I let you with Linnus.

“Sorry kung hindi ko nasabi sa'yo agad... That I have a girlfriend and a soon to be fiancé...” Nakatitig lang ako sa kaniya habang nagsasalita. Para akong napipi dahil sa mga sinasabi niya.

“I'm trapped with my own promises to Cass. At dahil sa mga pangakong iyon na kailangan kong panindigan... Hindi ko magawang maging masaya. I know its too late to tell you... But I really love you.

“Sa tuwing makikita kita na kasama ang pinsan ko. Durog na durog ang puso ko, Grasia. Sa tuwing nakikita kita na masaya sa kaniya, kinakain na ako ng selos. Sa tuwing wala akong magawa para makasama ka, para na akong nalulunod sa lungkot, naiinggit ako kay Linnus.

“Kasi... Nakakasama ka niya, tapos ako hindi kita makasama kasi may responsibilidad na ako kay Cass. Parang ang childish lang diba? Pero iyon talaga ang totoo, Grasia. You got my attention, noong una palang kitang makita. Tinamaan yata ako sa'yo, grabe ang pagpana ni kupido. Sapul na sapul eh.

“Kahit kailan, hindi kita itinuring na bestfriend lang. Isa kang espesyal na tao sa puso ko. Pero... Ito na siguro ang huli, Grasia. Pipilitin kong kalimutan ka.

“Kahit na mahirap... Kahit unti-unti. Pero sana hayaan mo akong mahalin ka pa rin hangga't nandito pa.” Dahan-dahan niyang itinuro ng daliri ang kaniyang dibdib.

“Makita lang kitang masaya, masaya na rin ako. Gusto ko na maging masaya ka kasama si Linnus. Pero gusto kong maging selfish Grasia. Gusto ko na akin ka lang. Gusto ko na sa akin ka magiging masaya. Gusto ko na ako lang din ang mamahalin mo. Gustuhin ko man talikuran ang lahat para sa'yo. Pero alam kong magagalit ka lang sa akin. Sorry, Grasia. Sorry sa lahat-lahat.”

Sa mumunting liwanag na pumapasok sa loob ng cottage. Nakikita ko ang paglandas ng mga luha ni Chen. Umiiyak siya. Umiiyak siya na tahimik lang. Sabi nila, mas masakit daw iyong nararamdaman ng taong umiiyak ng tahimik lang. Mas masakit kaysa sa pag-iyak mo nang malakas. Wala man ako sa katayuan niya pero ramdam na ramdam ko ang sakit.

Nangapa ako ng sasabihin ko. Hindi rin ako makapag-react sa mga sinasabi niya. Parang sa isang iglap lang ay nasabi niya ang mga iyon sa akin.

“C-Chen... Sorry rin.” Ngumiti ako ng pilit sa harapan niya. “Kasi sa ating dalawa... Ako yata ang magiging selfish.” Napakunot naman ang noo niya dahil sa sinabi ko.

“What do you mean, Grasia?”

Bumuntonghininga ako. “Ako naman... Ako naman sana ang pakinggan mo. Tama ka, magagalit lang ako sa'yo kung tatalikuran mo lang si Cass at ang magiging anak mo para sa akin. Dapat panagutan mo siya... Kawawa naman kasi 'yung baby, kung wala siyang ama na kakagisnan. Hindi ba?”

“Grasia? Why are you crying?” napagtanto ko bigla na umiiyak na rin pala ako. Pinahid ko agad ang luhang naglandas sa pisngi ko.

“Oo, sa tuwing kasama ko si Linnus masaya ako. Pero hanggang doon nalang 'yon. Kasi alam mo ba na mas masaya ako kapag kasama ka? Mas panatag ako sa tuwing ikaw ang kasama ko... Na safe ako sa'yo Chen. Dahil ipinaparamdam mo sa akin lahat 'yon... Na espesyal ako sa'yo.”

“Grasia—”

“Sorry rin Chen,” sambit ko. “Alam kong sa dami nang iniisip mo. Hindi mo na natanong sa akin kung ano ba ang sagot ko sa nararamdaman mo. Pero parang hindi ko na kailangan pang sabihin sa'yo. Kasi mali. Maling-mali na.” Maling-mali na sabihin ko rin sa'yo na mahal din kita.

“Grasia naman... Kaya kong gawin ang lahat para sa'yo. Sabihin mo lang sa akin, hindi ko na itutuloy ang engagement. Aalis na agad tayo sa lugar na 'to.” Hinawakan niya na ako sa kamay at tila ba nagmamakaawa.

“Chen, hindi solusyon ang pagtakas sa problema. Ang dapat mong gawin ay harapin ito. Satingin mo ba magiging masaya ako... Tayo? Kung gagawin mo iyon?” parang may kirot sa dibdib ko nang sabihin ko iyon. “Piliin mo ang tama, Chen.”

Bumitaw na ako sa pagkakahawak niya at tumalikod. Sunod-sunod na naglandas ang luha sa aking pisngi. Kaagad ko iyong pinunasan at humarap ulit sa kaniya.

“Sige na, Chen. Magpapaalam na ako. Baka hinahanap ka na rin doon. Congrats ulit sa engagement niyo. Maging masaya ka Chen, iyon na lang ang hiling ko.”

Mabilis akong lumabas ng cottage at tumakbo. Kahit nahihirapan ako sa pagtakbo dahil buhanginan ang tinatapakan ko. Pinilit ko pa rin na makaalis sa lugar na iyon. Pumunta ako sa isang CR at pumasok sa isang cubicle. Pinigilan ko ang pag-iyak ko na baka may iba pang makarinig sa akin, tinakpan ko ang bibig ko. Bawat pagpigil sa hikbi na gustong-gustong lumabas sa bibig ko ay siya ring pagkirot ng puso ko.

Bakit? Bakit ganito? Ang sakit-sakit.

Agad akong napatayo at nagbuga ng hangin. Lumabas agad ako ng cubicle at naghilamos. Humarap naman ako sa salamin at napagtanto ang hitsura ko. Baka kanina pa ako hinahanap ni Mana. Pagkatapos ay lumabas na ako ng CR. Sa isang banda kung saan naroon ang banyo ng mga lalaki. May narinig akong nagsisigawan.

Ano ba 'yan Grasia, ganito na nga ang nangyayari sa'yo paiiralin mo pa rin pagiging chismosa mo?

Hindi na ako lumapit at nag-aksaya pa ng panahon para makaalis. Pero ang nagpatigil sa akin bigla ay nang malinaw kong marinig ang boses nila... Bakit sila nagtatalo?

Si Linnus at Ma'am Cassy.

* * *

CaptivatedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon