GRASIA
“Ma'am Grasia...” Napalingon naman ako nang tawagin ni Ate Jo. “Tumawag po 'yung sekretarya ni Sir Linnus, male-late raw po siya mamaya.”
“Nag-usap na kami kagabi na 'wag siyang mag-oovertime ngayon ah,” sagot ko.
“Eh, Ma'am... Alam niyo namang napaka-workaholic noon ni Sir Linnus.”
Bumuntonghininga naman ako. “Oh sige, Ate... Ikaw na muna ang bahalang umasikaso sa mga tumatawag ha.”
“Opo, Ma'am.”
Tumango lang ako at bumalik na sa ginagawa ko. Katulong ko naman si Deniz sa paghahanda ng mga pagkain. Ngayon kasi ang ika-pitong kaarawan ng aming bunso at unica hija na si Gray. Kahapon pa talaga ako busy, at ayoko naman magpaka-stress masyado dahil baka magmukhang haggard ako sa harap ng mga bisita.
Ipinaubaya ko na iyong mga tumatawag kay Ate Jo dahil wala talaga akong time. Iyong ibang mga pagkain na in-order kasi namin ay hindi ko na maaasikaso.
“Ma'am Grasia, ang sakit naman po noong kinu-kwento niyo,” sabi naman ni Deniz habang nagpupunas ng mga plato. “Ang hirap po pala talagang magmahal.”
Natawa naman ako bigla sa sinabi niya. Habang naghahanda kasi kami ng pagkain ay nagku-kuwento na lang ako tungkol sa naging buhay ko noon, para naman hindi kami mabagot pareho. At saka kapag may bakanteng oras kami ay ang pagku-kuwentuhan lang talaga ang ginagawa namin.
Isa akong full-time Mom at housewife ngayon. Wala naman akong mapag-abalahan kaya kinu-kwento ko kay Deniz iyong mga naging karanasan ko noon.
Nakikita ko kasi sa kaniya iyong sarili ko noong bata pa ako. Dahil bata pa siya at kailangan niya nang maayos na gabay ng isang magulang... Na wala na rin siya. Ay wala na akong ibang ginawa kun'di magbigay ng inspirasyon at aral sa kaniya. Naniniwala ako na malayo pa ang mararating niya kahit na nagtatrabaho siya rito sa bahay.
“Ano ka bang bata ka, h'wag kang matakot magmahal... ” Mahina ko naman siyang tinapik sa braso. “Ganoon lang talaga ang buhay... Lalo na pagdating sa pag-ibig. Wala namang bagay na hindi madaling gawin o hindi mahirap diba. Talagang may mga pagsubok sa atin na kailangan nating maranasan para matuto tayo sa buhay.
“Ako rin kasi noon... Naging gan'yan din ang pananaw ko. Pero dahil sa mga naranasan ko, natuto ako sa buhay... Tapos 'yung akala kong hindi ko kaya... Kaya ko pala!”
Ngumiti naman siya sa akin. “Tatandaan ko po 'yan, Ma'am. Sa totoo lang po, ang dami ko nang natututunan sa'yo.”
“Sus, ano ka bang bata ka.” Ngumiti rin ako sa kaniya. “Saka tandaan mo, bata ka pa. Seventeen ka lang diba? Halos kasing-edad mo lang 'yung panganay namin. Try mo rin mag-explore ng iba pang mga bagay.”
“Speaking of—Ma'am, bakit po ang sungit ng anak niyong 'yon? Hindi namana 'yung pagiging kalog mo?” nagulat naman ako sa tanong ni Deniz sa akin.
“Bakit? Inaaway ka ba ni Shan?”
“Po? Hindi naman po—”
“Mom?” napalingon naman kaming dalawa ni Deniz nang pumasok sa kusina si Shan. Halata sa mukha nito na kagigising lang. Hindi naman nakatakas sa akin ang pagsulyap niya kay Deniz.
“Oh? Bakit? May kailangan ka?” tanong ko. “Saka bakit hindi ka muna nagdamit bago ka bumaba rito?”
“Lolo Xinto contacted me,” tamad niyang sabi. “Dalhin ko raw muna si Gray roon sa mansyon nila, tapos sasabay na raw kami pagbalik dito.”
“Oh, tapos anong sinabi mo—”
“I told him that Gray is sleeping... Saka inaantok pa ako Mommy.” Nalaglag ang panga ko sa sinabi ng anak ko. Aba't may pinagmanahan talaga ang isang 'to.
Sinabihan pa ako... Tapos ganoon din pala ang isasagot niya sa lolo niya.
“Magagalit ang lolo mo sa'yo, pati na ang Daddy mo dahil sa ginagawa mo.” Bumagsak naman ang dalawa niyang balikat bago lumabas ng kusina.
Napailing-iling na lang ako dahil sa anak ko. Kahit kailan talaga ang isang 'yon.
“Nagpuyat na naman po 'yon kagabi, Ma'am... Dahil sa online games,” sambit naman ni Deniz sa tabi ko.
“Bakit mo alam?” nakangisi kong tanong. “Ikaw ha.”
“P-po?” napansin ko ang bigla niyang pagkahiya. “N-nakita ko lang po kasi, noong napadaan ako sa kwarto niya.”
“Asus!” hindi ko na napigilan ang pag-ngiti nang mapansin ang pagpula ng mukha nito.
“Pero Ma'am, may tanong po ako... Bakit niyo po pinili si Sir?”
“Ano ka ba? Shempre siya ang mahal ko.” Nakangiti kong sagot sa kaniya.
* * *
Bagsh*
Naramdaman ko ang mainit na likido na dumadaloy mula sa aking ulo. Hinawakan ko ito at dumikit sa kamay ko ang pulang-pula na dugo. Unti-unti na rin na nanlalabo ang aking paningin. Nagawi naman ang tingin ko sa lalaking walang malay sa tabi ko.
“Linnus?” pinilit kong lumapit sa kaniya at hinawakan ang kaniyang pulso. “H-huy, Linnus?”
Halos hindi ko na rin maramdaman ang pulso niya. Dumadaloy rin ang dugo mula sa kaniyang ulo... Pati sa kaniyang ilong. Tinanggal ko ang suot na seat belt at lumapit sa kaniya. Inuga-uga ko pa siya para magising pero wala. Wala talaga siyang malay, ayaw niyang gumising.
“Linnus!!!”
Napabangon ako bigla sa aking hinihigaan nang mapanaginipan ang aksidenteng iyon. Kaagad na tumulo ang aking luha matapos muling maging sariwa sa aking isipan ang mga nangyari. Kasalanan ko... Kasalanan ko kung bakit kami naaksidente ni Linnus.
Dahil sa akin... Dahil sa pagtakas ko, nadamay pa siya. At ngayong kritikal ang kalagayan niya ay halos hindi ko maatim na tingnan siya. O dalawin man lang siya sa ospital kung saan siya ngayon naka-confine.
Ilang buwan na ang nakalipas matapos siyang ma-comatose dahil sa akin. Ilang buwan ko na rin siyang hindi nakikita. Gusto kong humingi ng tawad sa kaniya. Kung hindi kasi ako nagpadalos-dalos at naging makasarili. At kung sana ay hindi ko na ring pinilit na umalis.
Kung sana... Sana ako na lang ang nakaranas ng paghihirap niyang iyon. Dahil kasalanan ko naman. Samantalang ako, nandito at buhay na buhay.
Napabuga ako ng hangin. Kailangan kong maging malakas. Kailangan kong harapin ang suliranin ko na iyon.
“Grasia?” nagbukas ang pintuan ng aking kwarto bago pa ako tuluyang makatayo. “Ayos na ba ang pakiramdam mo apo ko?”
Tumabi naman agad sa akin si Lola. Dahan-dahan niyang hinaplos ang aking buhok saka ngumiti. Ilang araw na kasi akong nilalagnat at ngayon lang umayos ang pakiramdam ko.
“Opo La, ayos na po ako,” sambit ko. Humarap naman ako sa kaniya. “La...”
“Ano iyon apo ko? Nagugutom ka ba? Anong gusto mong kainin?” sunod-sunod na tanong ni Lola.
“Ahm... Gusto ko po ng bibingka. Nami-miss ko na po talaga ang bibingka niyo.” Ngumuso naman ako saka mahigpit siyang niyakap.
“Iyon lang pala eh,” sagot naman ni Lola. “Kami na ang bahala ni Tantan sa request mong bibingka!”
Mahigpit ko lalong niyakap si Lola. Ang yakap niya ang nagbibigay sa akin ng kagaanan ng pakiramdam.
“Saka La... Puwede po ba akong lumuwas ngayon? Gusto ko lang po kasing ayusin ang mga pagkakamali ko.”
Ito na ang panahon para harapin ang mga tinakasan kong problema. Babalik ako ng Maynila...
At kailangan ko rin siyang balikan.
* * *
BINABASA MO ANG
Captivated
RomanceAt a young age, Grasia left her province and decided to work for her grandmother's medication. She became maid of a Filipino-Chinese family where she got a terrible experience during her first day of work. Hindi naging madali. Sobrang hirap. Si G...