Kabanata 10

55 4 0
                                        

GRASIA

“Bakit kasi ang ang lakas ng boses mo kanina Susan?” mahinahon lang ang boses ni Ate Vicky pero ramdam ko ang pagka-irita nito. Nakanguso lang si Ate Susan sa tabi ko at nagsusumiksik.

“At Vicks! Hindi ko naman alam na umuwi na pala si Sir Linnus!” sagot niya. “Hindi ba sabi niya gabi raw ang uwi niya!”

Nagulat talaga kaming tatlo dahil sa biglaang pag-uwi ni Sir Linnus. Ang habilin niya kasi sa amin na gabi na siya uuwi. Wala rin kasi si Ma'am Shirley at Sir Xin ngayon sa mansyon.

“Tingnan mo na ang nangyari? Narinig ka ni Sir Linnus! Ano na ang gagawin natin ngayon?” si Ate Vicky.

“Sorry na... Ate Vicks...” ani Ate Susan. “Hihingi rin ako ng tawad kay Sir Linnus.”

Napabuntonghininga lang siya sa tabi ko. Tahimik lang din naman ako sa tabi niya. Wala naman kasi akong ma-suggest na gagawin naming tatlo. Baka bigla kaming sisantehen at palayasin nang sabay-sabay.

Tumayo ako at nagtungo sa aming single door na ref. Kinuha ko ang isang supot na may lamang cheese cake at choco milk drink. May isang supot pa akong kinuha. Pa-box ang lagayan nito at may kalakihan.

Kinuha ko rin ang plastic bag na may lamang cup noodles para kay Mana. Paborito niya kasi ang mga iyon kaya naisipan ko siyang bilhan.

Nabili ko ito nang mamalengke kami ni Ate Vicky kanina. Mayroon pa kasi akong natirang pera roon sa in-advance ko. Tapos naisipan ko si Sir Linnus na bilhan nito para sa mga gamot na binigay niya sa akin.

“Ate Vicks... Lalabas po muna ako,” ani ko habang bitbit ang mga supot.

Tumango lang siya sa akin kaya naman dumiretso na akong labas sa aming quarter. Naabutan ko naman na palabas ng mansyon si Sir Linnus kaya hinabol ko pa siya.

“Sir Linnus!” hingal na hingal kong utas nang maabutan siya. Lumingon lang siya sa akin at tila ba nagtataka.

“Saan po kayo pupunta?” tanong ko.

Kumunot ang noo niya. “Why?”

“A-ay, wala po Sir may ibibigay lang po ako sa iyo!” iniabot ko ang ang isang supot sa kaniya. Tumingin lang siya nang pabalik-balik mula sa akin at sa supot.

“Maraming salamat po roon sa mga gamot, tanggapin niyo na po ito.” Pinilit kong ibigay sa kaniya ang supot at saka tuluyan na akong lumabas ng mansyon.

Paglabas ko ay dumiretso na ako sa kabilang mansyon. Pinapasok naman ako ng guard dahil sinabihan na sila ni Madam Helena at Sir Xico na puwede akong pumunta sa mansyon nila.

“Salamat po.”

Dumiretso lang din ako sa gilid ng kanilang mansyon. Dahil naroon ang daan papuntang dirty kitchen at kusina. Pagpasok ko ay naroon sila Mana at Ate Budang. Si Mana naghuhugas ng plato. Si Ate Budang nagpupunas ng mga hanging cabinet.

“Grasia!” tawag ni Ate Budang nang makita ako. Napalingon din si Mana sa akin.

“Hello Ate Budang!” bati ko.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong naman ni Mana. “Wala ka bang trabaho at nagagawa mong mangapit-mansyon?”

Natawa naman ako. “May mangapit-mansyon pala Mana?”

“H'wag mo akong tinatawanan Grasia, seryoso akong nagtatanong sa'yo!”

“Weh?” pang-aasar ko. Kahit gan'yanin niya pa ako. Alam kong bati na kami. Siya ba naman ang magpadala ng pagkain para sa akin nang dis-oras ng gabi.

Inilapag ko ang mga dala ko sa lamesa. Saka ako tumalon sa likod niya at bumabu.

“Grasia! Ang mga kasu-kasuan ko! Akala mo ba bata ka pa rin hanggang ngayon?! Ang bigat-bigat mo na kaya!”

Humagikhik ako. “Mana, bata pa kaya ako! Basta, bati na tayo ha! Sorry na ulit! May dala akong pagkain para sa'yo!”

“Hindi mo ako madadala sa mga pagkain mo Grasia...” Saka siya sumipat sa akin. “Ano ba 'yang mga dala mo?”

Hindi ko na ulit napigilan ang malakas na pagtawa. Bumaba na ako sa likod niya at kinuha ang isang plastic bag.

“Charaaaaan! Mga cup noodles saka ilang paborito mong pampaganda na nabibili sa palengke!”

“Wowww!” ani Ate Budang. “Sana all naman Mana! Bigyan mo kami niyan ni Baby ha!”

“Asa ka Budang!” asik ni Mana kay Ate Budang.

Tiningnan na ni Mana ang laman noong plastic bag. Cup noodles, GiV soap, Mena (cream), bulak at maxi-peel.

“Salamat Grasia,” ani Mana. “Wala na rin akong pambili ng mga ganito dahil pinadala ko na kay Tantan.”

“Ano ka ba Mana, mas marami ka pa ngang naibigay sa akin simula bata pa lang ako.”

“Ano ba 'yan?! Maxi-peel? Mana makaluma ka talaga? Uso na ngayon mga products na pang-skincare!” entra ni Ate Budang.

“Hoy Budang, h'wag kang mangialam! Ine-endorse 'to ng idol ko na si Marian Rivera!” ganting sigaw naman ni Mana. Natawa na lang ako sa pagtatalo nilang dalawa.

“Wow! Cake ba 'to Grasia?” napalingon kami nang sabay ni Mana kay Ate Budang. Nanlaki naman ang mata ko at mabilis na kinuha ang naiwan na supot sa mesa.

“Ay nako Ate Budang! Hindi 'yan para sa iyo!” napalakas tuloy ang boses ko.

“Talaga naman Budang, pagdating talaga sa pagkain ang lakas ng radar mo,” kumento ni Mana.

“Grabe naman kayo sa akin!” angal ni Ate Budang.

“N-next time na lang Ate Budang, ililibre ko rin kayo ni Ate Baby!” sambit ko.

Napangiti lang ako ng hilaw. Baka kasi magtampo pa siya sa amin. Hindi naman sa pinagdadamutan ko siya. 'Yung huling supot kasi... Para kay Chen.

“Talaga? Mabuti ka pa, si Mana nga hindi kami nililibre eh.” Umirap naman ito kay Mana.

“Hoy Budang! Anong hindi? Nahiya naman ako ah. Ako nga palagi nanlilibre sa ating tatlo.”

“Tama na po 'yan, sa susunod sabay-sabay tayong mag day-off tapos kain tayo sa labas,” ani ko. “Isama na rin po natin si Ate Susan at Ate Vicks!”

“Mabuti pa nga,” sabi naman ni Mana.

“Mana, Budang.” Nilingon namin si Ate Baby na bagong dating. “Meryenda raw para sa mga Señorito.”

Napatingin ako sa orasan ng kusina. Masyado yata akong nagtagal dito. Kailangan ko na rin bumalik sa kabilang mansyon.

“Mana... Babalik na rin po ako sa kabila,” saad ko. “Pakibigay na lang po ito kay Chen ha.” Saka ko iniabot ang supot sa kaniya.

“Ha? Bakit hindi na lang ikaw ang magbigay?” tanong niya.

Umiling agad ako. “May gagawin pa ako Mana eh, saka kailangan ko na agad bumalik sa kabila.”

Gusto ko man na ako mismo ang magbigay sa personal. Pero... Ayoko. Nahihiya ako sa kaniya. Pagkatapos nang ginawa ko, wala na akong mukhang maihaharap sa best friend ko.

* * *

CaptivatedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon