Benjamin
"Benj. Benj." mahinang sinabi ni Chino habang niyuyugyog ang katawan ko. Akala ko tuloy, hindi totoo at nananaginip lang ako.
"Benj, gising."
Totoo nga. Tinatawag nga ako ni Chino. Dahil doon ay nagising na ako.
Grabe, antok na antok pa ako. Paano, inabot kami ng madaling araw sa pagiinuman. Last na kasi, kaya sinulit na. Bakit kaya ang aga namang manggising nitong si Chino?
Pinilit kong idilat ang isa kong mata. Madilim pa sa kwarto ni Chino. Nakatayo siya sa gilid ng kama at pupungas pungas.
"Bakit, Chin?"
"Telephone, Benj. Sa living room." walang kaene-energy niyang sagot at pagkatapos ay ibinagsak ang katawan sa kama, sa tabi ko.
"Sino daw?" tanong ko.
Hindi sumagot si Chino. Tuluyan na akong dumilat at nakita kong tulog na siya ulit. Bumangon ako at bumaba sa kabilang side ng kama, kung saan sa lapag na sinapinan ng makapal na comforter ay natutulog naman sila Andrew at Kenneth. Tumingkayad pa ako habang dumadaan para hindi ko sila matapakan.
Hilong hilo ako habang binabaybay ang may kataasan ding hagdan ng bahay nila Chino. Dumeretso ako sa sala at umupo sa mahabang sofa kung saan sa mesita sa tabi ay naroon ang telepono na nakapatong ang receiver sa gilid.
"Hello?"
"Benjie ano ba?" bulyaw ng nasa kabilang linya. "Bakit ang tagal tagal?"
"Daddy?" tanong ko, kahit nabosesan ko naman na siya.
"At bakit parang kagigising mo lang? Ano ba?"
"Bakit ba?" iritable kong tanong. Tumayo ako dahil feeling ko ay makakatulog ako sa pagkakasalampak ko sa sofa nila Chino. "Ang aga aga pa nga. Hindi pa nga sumisikat ang araw oh. Pati tuloy si Chino na natutulog eh naabala mo pa."
"Aba, kasalanan ko pa ngayon?" tanong ni Daddy, halata sa boses na inis na inis. "Anong gusto mo pala? Mamaya ka pa kikilos? Malayo ang Maynila, Benjie. Byabyahe ka pa. Pag inabutan ka pa ng traffic, lalo na. Sinasabi ko na nga ba eh. Kaya ayoko sanang pumayag na magpaiwan ka pa eh. Isang araw na lang naman, hindi mo pa maiwanan 'yang mga kabarkada mo. Naku, pag ako talaga... Paguuntug-untugin ko talaga kayo ng mga kaibigan mo."
"Oo na." inis kong tugon. "Pupunta naman ako eh!"
"Kumilos ka na! 10AM ang flight natin, Benjie! Nakakahiya sa Tita Vangie mo. Umayos ka."
Tita. Hmmmp. Paano kong magiging Tita yung babaeng yun eh stepmother ko lang yun?
Evil stepmother.
"Oo na, kikilos na."
Hindi ko na hinintay ang sagot ni Daddy, ibinalik ko na ang receiver sa dialer ng telepono. Umupo ako ulit sa sofa dahil ang totoo, nahihilo pa rin talaga ako. Nawala sa isip ko na maaga nga pala ang flight namin papuntang Australia. Sana hindi ko dinamihan ang inom.
"Kakain ka na ba, Benjie?" tanong ni Ate Gemma na kasalukuyang nililinis yung mga kalat na naiwan namin sa pagiinuman nang nagdaang gabi. Bagamat hindi 'Sir' kung tawagin niya kami (tulad ng tawag niya sa Sir Chino niya), parang amo na rin kung ituring kami ng katulong nila Chino na iyon.
"Kape lang muna siguro." sagot ko. Akma nang bibitawan ni Ate Gemma ang walis kaya pinigilan ko. "Ako nang kukuha, 'Te. Magkakape na lang muna ako para makaligo na. Siguro, gising na yung tatlo pag tapos na ako."
At tama nga ang iniisip ko. Nang lumabas ako sa banyo (sa kwarto ni Chino), gising na sila at kasalukuyan nang itinutupi ni Kenneth ang pinaghigaan nila. Si Andrew naman, na gulo-gulo pa ang brown na buhok, ay tumalikod sa akin nang tumingin ako sa kanya at nagkunwaring nagiistretching.
BINABASA MO ANG
Two Roads
Teen FictionTwo young boys, two different lives, two hearts, one poignant story. 2013