Part 1 - Chapter 27 (1 of 2)

1.2K 148 0
                                    

Jeruel

Wala akong maisip isulat. Nakatitig lang ako sa blankong papel na nakapatong sa mesa ko. Pinaggagawa kami ni G. Gonzal ng resolusyon para sa bagong taon. Kailangang binubuo ng hindi bababa sa tatlong talata at hindi bababa sa limandaang salita.

Madali lang yun kung tutuusin. Kayang kaya kong tapusin sa loob ng labinglimang minuto. Kaya lang, magulong magulo ang isip ko kung kaya hindi ko alam kung paano ako magsisimula.

Nakakailang subjects na rin kami. Parang normal na normal lang ang buhay para sa lahat. Masyadong normal kung kaya parang hindi nila napapansin ang mga pangyayari sa paligid nila.

Gumising ako kanina nang maaga, gaya ng dati. Unang araw kasi ng klase para sa taong ito. Tulad ng nakagawian, inihanda ko, hindi lang ang sariling pangangailangan, kundi ang para rin kina Jiselle at Jaron. Buti na lang at sila Julianna at Joash ay panghapon sa elementary school. Hindi ko na sila kailangang asikasuhin.

Habang naglalakad kami papasok, nagiimagine ako. Ano kaya kung bigla naming makasabay si Benjie? Papansinin niya kaya kami? Papansinin niya kaya ako? Ano kayang unang una naming paguusapan sa school? Pipilitin niya kaya akong magpaliwanag? Tatanungin niya kaya ako kung bakit ko siya iniwasan noong bago kami magbakasyon? Sasabihin kaya niya sa akin na hinintay niya ako noong Pasko? Namiss kaya niya ako? Kakausapin man lang kaya niya ako? Ang dami kong tanong. Hindi ko akalaing wala kahit isa doon ang masasagot.

Dahil hayun, ang upuan sa tabi ni Paul. Bakante. Bakit hindi siya pumasok? Anong nangyari?

Nabulabog kaming lahat nang biglang may sumilip na estudyante sa bintana. Humahangos at parang natataranta.

"Sir... excuse... me po... Si Ma'am... Teja... da po?"

"Wala dito. Baka may klase. Wala ba sa faculty?"

Umiling ang bata.

"Ano bang nangyari?"

Hindi na nakasagot ang bata dahil kasunod na niya si Ma'am Tere. "Sir, excuse me lang, are you missing a student?"

"Dalawa lang po, Maam. Yung isa, si Raymundo nasa Hong Kong pa. Nagpaalam daw po ang parents kay Ma'am Myrna. Bukas pa po daw ang balik sa Philippines."

"That I know of. Nagnotify yung parents niya. Sino pa yung isa?"

"Si Arevalo po. Absent."

Bumuntong hininga si Ma'am Tere. "I should have known. Malamang siya na nga yun. I got a call na may King student daw na nakikipagbugbugan doon sa court, with a Martinian."

Nagulat kaming lahat. Pero iba ang gulat ko. Si Benjie?

Nakikipagbugbugan sa estudyante ng St. Martin Montessori? Pero bakit? Anong nangyari?

"Inutusan ko na si Mr. Ramirez, since hindi natin pwedeng paalisin ang guard ng school at wala namang klase si Sir. Thank you Sir, just carry on with your class. I just checked, and I knew it. Intact din kasi ang third year eh."

Lumakad na palayo si Ma'am Tere at ipinatuloy na sa amin ni Sir ang ginagawa namin. Paano ko pa magagawa ito? Lalong gumulo ang isip ko.

At hindi nagkamali ng hula ang lahat. Dahil bandang lunch time, napadaan ako sa office at naroon, duguan ang labi at halos hindi maidilat ang mata, kasama ang lola niya, si Benjie. Naroon din si Mr. Ramirez at ilang mga guro na hindi taga St. John King. Anong ginawa ni Benjie? Bakit pumasok siya sa ganoong gulo?

Two RoadsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon