Part 1 - Chapter 12

1.7K 200 15
                                    

Jeruel

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko noong hapong iyon. Siguro, masyado lang akong naging masaya dahil napaiyak ko si Mrs. Tejada sa tuwa nang iinterpret ko sa klase yung tula ni Robert Frost na 'The Road Not Taken' kaya siguro pansamantala kong nakalimutan na ang taong kasama kong nagbabasa ng nagkakapalang mga Physics books ay ang taong kinaiinisan ko nang sobra sobra.

Tinanong ako ni Benjamin kung paano ko raw nagagawa yung ginawa ko sa English class. Dahil doon ay tinuruan ko siya kung paano yung sinasabing reading between the lines. Ewan ko, masyadong naging mabilis ang mga pangyayari, at bago ko pa namalayan, nakikipagtawanan na pala ako sa kanya.

Nakakahiya. Baka isipin niya ang dali dali kong mapalambot. Baka isipin niya gawa gawa ko lang yung pagiging istrikto ko sa kanya. Buti na lang at nakabawi ako agad. Muli kong dinampot yung binabasa kong libro at hindi ko na siya kinausap ulit. Naubos ang oras namin, pero wala pa rin kaming nabuong plano. Pero OK lang, maging ako naman ay hindi rin makabuo ng plano sa isip ko. So naiintindihan ko siya.

Gaya ng nakaraan, pinilit niyang ihatid ako. Sinabi pa niyang kailangan daw niya akong protektahan dahil ayaw niyang mawalan ng partner sa investigatory project. Hindi ko alam kung totoo yun o ano, pero ang hindi ko maintindihan ay parang nalungkot ako sa sinabi niya.

Bakit Jeruel James? Anong gusto mong maging dahilan niya? Bakit, magkaibigan ba kayo? Hindi naman di ba? At ikaw mismo ang ayaw na maging kaibigan siya. So anong problema mo ngayon?

At yun, OK na ko ulit.

Kinabukasan, oras ng recess, bumaba na ko sa canteen kasama si Norman. Tulad ng dati, isang mangkok ng sopas, isang tinapay, at mineral water ang binili ko. Ewan ko, pero sarap na sarap talaga ako sa lasa ng gatas sa sabaw ng sopas, at kung paano nito pinaiinit ang tyan ko.

Inabot ko kay Ate Carmen yung bayad ko at nagulat ako nang hindi niya tanggapin.

“Bayad na yan.”

"Ho? Eh ngayon pa lang po ako nagbabayad ah."

"Bayad na nga. May nagiwan ng pera dito. Sabi, kahit ano daw ang bilhin mo, ibawas ko na lang don."

Mas lalo akong nagulat. "Sino naman po ang gagawa nun?"

"Ayaw pasabi eh."

"Si Ate Carmen pa nga."

"Ay naku, Jeruel, sige na, marami pang nakapila."

Wala na kong nagawa kundi umalis sa unahan bitbit ang tray ng pagkain ko na hindi ko naman binayaran pero bayad na raw. Panay ang tanong ni Norman, pero dahil wala akong alam, hindi ko rin siya masagot.

"Hindi ko to kakainin."

"Pwede ba, Jeruel? Wag ka ngang maarte. Buti nga, may nanlilibre sayo eh."

Natigilan ako. Libre? Oo nga pala. May isang taong nangako sa aking ililibre ako. Siya kaya ang nagbayad ng mga ito?

Pagkatapos naming kumain ay umakyat na kaming muli sa third floor. Plano kong kausapin si Benjamin para sabihing wag nang gagawin yun ulit pero naunahan ako ng pagkailang nang makita kong maingay siyang nakikipagkwentuhan sa dati niyang mga kaklase sa likuran ng classroom. Dumeretso na lang ako sa upuan ko nang mapansin kong may maliit na paper bag na nakapatong doon.

Kinuha ko yun at kunot-noong binuksan. Nagulat ako sa laman. Isang mug na puti na may design sa harapan na Jerry Mouse.

"Ano na naman yan? Si Norman, nang mapansin ang hawak hawak ko."

Nagkibit balikat na lang ako. "Hindi ko alam, nakita ko na lang basta sa upuan ko."

"Patingin nga." Bago pa ko nakatanggi ay naagaw na ni Norman sa akin yung tasa. Dahil nasa unahan ko ang upuan niya, tumayo na lang ako sa likuran niya habang tinitingnan niya ang masayang mukha ng brown na daga sa harapan ng tasa.

Two RoadsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon