Part 1 - Chapter 28

1.2K 155 2
                                    

Jeruel

Sa isang buong buwan ng January, mabibilang sa daliri ang mga araw na ipinasok ni Benjie sa school. Gustung gusto ko siyang kumustahin dahil pakiramdam ko, ako ang dahilan ng pagkakaganoon niya, pero sa tuwing susubukan ko, ibang Benjie ang nakikita ko. Para bang hindi ko kilala. Parang hindi siya yung Benjie na naging bestfriend ko, na minahal ko, na minamahal ko pa rin hanggang ngayon.

Hindi maglipat linggo, may gulo siyang kinasasangkutan. Nagpapakita na ang mga guro ng pagsuko sa kanya. Unti unti na rin siyang nilalayuan ng mga kaklase ko. Bihira ko siyang marinig magsalita. At madalas, matalim ang mga tingin niya at nakatulala. Pero kahit kailan, hindi niya ako kinausap, o tiningnan man lamang.

Mabilis na natapos ang January at nangangalahati na kami sa February. JS Prom na namin. Ako at si Daphne ang ginawang emcee. Dahil doon, nagvolunteer ulit si Alfie na ayusan ako.

Nagrent si Nanay ng damit na isusuot ko. Itim na suit at pantalon, dilaw na longsleeves. Itim na kurbata. Binilhan ako ni Tatay ng bagong sapatos na balat. Regalo na daw niya sa akin. Yun na rin daw ang gagamitin ko sa graduation.

Umattend si Benjie ng JS. Lahat halos ay parang hindi kampante na nasa paligid siya. Maging ako. Kung dati ay hindi nakakaapekto sa akin si Benjie, ngayon, sobra sobra.

Nag-aalala ako sa kanya. Lagi akong natatakot. Hindi para sa sarili ko, kundi para sa kanya. Ayoko nang marinig pang nasasangkot siya sa gulo. Lagi na lang akong nasasaktan para sa kanya. Alam ko, sa likod ng matalim niyang mga tingin, naroon pa rin ang totoong Benjie na nakilala ko. Hindi ko lang alam bakit kailangan niyang itago ulit.

Nasasaktan ako. Nasasaktan ako dahil wala akong magawa. Nasasaktan akong isipin na ako ang posibleng dahilan bakit siya nagkakaganun.

"OK lang sa'yo kung ako ang mauunang magsayaw kay Daph?" tinanong ko yung boyfriend ni Daphne mula sa third year. "Emcee daw kasi ang mauuna. Mamaya naman, sa'yo na siya. Wag mong hahayaang may magsayaw na iba."

Tumawa ako at ganun din ang ginawa ng kausap ko. "Sige lang Tol. Hindi naman ito ang first time na magsasayaw kayong dalawa."

Oo nga pala. Yun nga pala yung talent namin ni Daphne sa pageant.

Napatingin ako kay Benjie. Ang sama ng tingin niya sa akin.

Lumakad na kami ni Daphne papunta sa dance floor.

Hinawakan ko siya sa kamay at siya mismo ang naglagay ng mga kamay ko sa bewang niya. Pagkatapos ay ipinatong niya ang dalawa niyang kamay sa balikat ko.

"You look good Jeruel."

"Thanks. Ikaw din."

Nagulat ako, bagamat apat na taon ko nang kaklase si Daphne at nakasama ko na siya sa pageant, hindi pa talaga kami nagusap, kahit kailan. Siguro, dahil inisip kong masyado siyang maganda at baka supladahan lang niya ako. Dahil doon, hindi talaga kami naging close.

"I can't believe gagraduate na tayo."

Napangiti ako. Kasabay ng tugtog na King and Queen of Hearts, napatingin ako sa magandang mga mata. Iilan lang ang babaeng nagagandahan ako. At isa na si Daphne dun.

"You know what? I like you, Jeruel."

Natigilan ako. Tumingin lang ako sa mga mata niya.

"Lalo pag ngumingiti ka."

"What's this, Daphne?" Hindi ko alam kung narinig niya ako. Dahil mas malakas nang di hamak ang dagundong ng dibdib ko kesa sa boses ko.

"Wala lang. Siguro I think this is the right time to admit it. Tutal, gagraduate na tayo in a month's time. I just like you. First Year pa lang tayo. You are a man every girl would dream of. I thought you should know. Para kasing hindi mo alam. And that's what makes you loveable all the more."

"But Daphne, may boyfriend ka, di ba?"

"Apparently."

"Why bother to tell me all this?".

"I just don't want to regret it one day that I didn't tell you anything."

"But it won't change anything."

"Sure won't. may boyfriend ako eh. At buti na lang, may boyfriend ako. Kundi, what a shame na basted ako sayo."

Tumawa siya. Lalo siyang gumanda sa ginawa niya. Dahil doon ay natawa na rin ako.

"It's just that I don't think my heart would belong to any girl as of the moment."

"I understand that, Jeruel. I don't expect. Sabi mo nga, may boyfriend ako. Sorry ha? Please don't think of me na aggressive, dahil sa umamin ako sa'yo. I just wanted to make myself known to you after all this time."

"I appreciate it."

Natapos ang kanta at lumapit na sa amin ang boyfriend ni Daphne. Wala na ako sa mood magsayaw dahil kaninang kanina pa ako nakatayo bilang emcee. Umupo ako sa pwesto ng mga Seniors nang mapansin kong nasa tapat ko si Benjie at nakatingin sa akin.

Pakiramdam ko, lahat ng tao sa paligid namin, naglaho bigla. Namiss ko ang singkit na mga matang iyon, na nakatingin sa akin nang deretso. Namiss ko ang mga labing iyon, na kapag nakatikom ay nagpapalakas lalo ng dating niya. Namimiss ko na si Benjie. Ang gwapo gwapo niya ngayon sa puti niyang suit at pulang polo.

Oo nga pala. Birthday niya ngayon. Kaya siguro pula ang polo niya. 16 years old na siya. Binatang binata na.

Hindi ko pa man siya nangingitian nang biglang magkaroon ng ingay. Tatlong lalaki ang humahangos na lumapit kay Benjie kasunod ng dalawang security guard.

Nakilala ko ang mga lalaki. Sila Andrew, Kenneth at Chino. Kapwa nakasando at nakashorts. Halatang mga galing sa pagtulog dahil sa ayos ng mga buhok. Anong ginagawa nila dito?

“Ano pong nangyayari?" tanong ni Mr. Ramirez sa mga guard.

"Sir, mga outsider po. Sinabi na naming hindi pwedeng pumasok, tumakbo pa rin sila. Halikayo sa labas."

Akto na sanang hihilahin ng guard si Chino sa braso nang biglang sumigaw ang gwapong binata nang malakas.

"Teka nga! Hindi kami pumunta dito para sa baduy niyong prom o ano man! Benj, ang lola mo!"

Biglang napatayo si Benjie sa upuan. "Anong nangyari?"

Two RoadsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon