Benjamin
Sa buong panahon kong nagaral sa St. John King, ngayon lang ako nakaranas magreport. Ang nakakatawa pa, hindi teacher ang nagutos sa aking magreport, kundi ang kaklase kong mas kinakatakutan ko pa kesa sa kahit kaninong teacher.
Hindi ko alam kung paano ko nakayanan. Todo todo ang nerbyos na naramdaman ko habang nagsasalita ako sa unahan. Pero maniwala ka, wala akong pakialam sa sasabihin ni Sir Gonzal. Hindi ako sa komento niya natatakot, kundi doon, sa lalaking nakahulikipkip at nakaupo sa likuran habang salubong ang kilay.
Hay. Hindi ko talaga maintindihan. Bakit ganoon na lang ang epekto ni Jeruel sa akin? Sino ba siya para maging ganito katindi ang pagkagusto kong wag siyang biguin? Sino ba siya para sa unang pagkakataon sa buhay ko, pilitin ko ang sarili kong ibigay ang lahat ng makakaya ko sa isang report lang na hindi ko man lang naisip dati na seseryosohin ko kahit kailan?
Ang alam ko lang, ginawa ko kung ano ang sa palagay ko ay magagawa ko. Hindi pa rin nasiyahan si Sir. Paano pa si Jeruel? Pero nang binawi ni Sir ang sinabi niya, at sinabing magaling daw ako, hindi ko napigil ang sarili kong matuwa.
Nilingon ko si Jeruel at nginitian. Tumingin lang siya sa akin pero napansin kong gumalaw ang mga mata niya. At least di ba? Kasi dati hindi talaga gumagalaw ang mga mata niya pag tumitingin siya sa akin. Muntik ko na ngang isiping isa siyang robot eh. Hehehe.
Sa Physics time naman ay inannounce na agad ni Sir Medina na may gagawin kaming investigatory project. Noong Third Year, bumili lang kami ni Andrew ng dishwashing liquid sa bayan at isinalin namin sa boteng walang pangalan at hindi na namin naipasa iyon dahil nga nakick-out na kami. Ginamit na lang ni Lola na panglinis ng CR yung dishwashing liquid. Wala daw kasi siyang tiwala na safe daw yun gamitin sa mga plato.
Ngayong taon, parang seryosong seryoso na ang lahat ng bagay, at aaminin ko, bigla akong kinabahan para sa I.P. naming iyon. Bigla akong napaisip kung ano ang gagawin ko at ng magiging partner ko.
At isa pa iyon. Sino kaya ang magiging partner ko? Bago ko pa man natanong si Sir ay nasagot na niya agad. May inilabas siyang isang kahon at ipinatong sa mesa niya. Magbubunutan daw.
Ayos! Ibig sabihin, may pag-asang mapartner ako sa matalino. At kung suswertehin pa, may pag-asang maging partner ko ang sino man kina Paul at Jeruel. Oo, hambog si Paul at saksakan ng yabang, pero may pakinabang naman siya sa bagay na iyon. Siguradong gagawin niya ang lahat para hindi siya maungusan ni Jeruel kaya naman pag kay Corps Commander ka napartner, para ka nang nakasandal sa pader.
Pero syempre, kung ako ang papipiliin, mas gusto kong maging partner si Jeruel. Hindi ko alam ang eksaktong advantage pag sa kanya ako napunta at hindi kay Paul, pero alam ko, magiging masaya ako nang sobra pag si Jeruel ang nakapartner ko.
Sabi ni Sir, mula daw sa araw na ito, lagi na dapat magkasama ang magiging magpartner. Pag si Jeruel ang nakapartner ko, baka naman iyon na ang pagkakataon ko para maging magkaibigan na kami.
Si Paul o si Jeruel. Kahit sino. Kung 50 silang lahat ng kaklase ko at si Paul o si Jeruel lang ang gusto ko, ibig sabihin, may 4 percent ako na chance para matupad yung gusto ko.
Bumunot na si Sir. Unang una niyang nabunot si Paul. Habang binubunot niya ang magiging partner ni bansot ay tahimik akong nagwiwish na sana ako na lang.
Shit. Si Vanessa. Ang daya. Pareho silang matalino ni Paul. Nagreklamo tuloy ang isa kong kaklase. Pero kinontra siya ni Sir. Hindi nila naiintindihan kaming hindi ganoon kagagaling. Hindi dahil gusto lang naming kumapit sa matatag kaya gusto naming makapartner ang matatalino, kundi dahil mas tumataas ang tiwala namin sa sarili namin na may pag-asa kaming makagawa ng mas maganda pa kesa sa kaya lang abutin ng isip namin.
BINABASA MO ANG
Two Roads
Teen FictionTwo young boys, two different lives, two hearts, one poignant story. 2013