Part 1 - Chapter 23

1.3K 160 16
                                    

Benjamin

Anong ginagawa mo kapag magkasabay na dumating sa’yo ang good news at ang bad news? Ako, ewan ko. Sa totoo lang, ngayon nga lang ako namroblema ng ganito. Dati kasi, icecelebrate ko ang good news, at babalewalain ko lang ang bad news. Dati yun, noong sarili ko lang ang iniisip ko.

Pero dahil iba na ngayon, bigla kong kinailangang maging mature para magawa ko ng tama. Hindi ko kayang masaktan siya. Kailangan kong magawa ‘to ng tama.

December na. Kailan lang ikinukwento ko sa’yo na gusto kong hilahin ang mga araw para dumating na ang buwan na ito. Iyon yung mga panahong tamad na tamad pa ‘kong pumasok. Parang ang tagal tagal na. Napakarami nang nangyari.

Mas masaya kami ni Jerry kesa kahapon. Mas mahal ko siya kesa kahapon. Ang dami na naming nabuong planong magkasama. Ang dami naming nais gawin. Ang lagi ngang sinasabi sa akin ni Jerry,

“We have a lifetime ahead of us. We’ve got a lifetime to share.”

Ang sarap isipin. Ang Paskong darating ang unang Pasko na sabik akong sumapit hindi dahil sa mga matatanggap kong regalo, kundi dahil sa taong makakasama kong ipagdiwang iyon. Hindi na ako makapaghintay.

Malapit na ang Christmas Vacation at puro preparasyon na lang sa nalalapit na Christmas program ang inaatupag namin sa school. Tapos na kami sa lahat ng exam at requirements at konting konti na lang, bakasyon na.

Tapos na ang third quarter at ipinaskil na ni Ma’am Tejada ang resulta sa bulletin board.

Tulad ng dati, ako ang pinatingin ni Jerry dahil kinakabahan daw siya. Naiwan siya sa hallway at ako lang ang pumasok sa classroom.

Dati, ang una kong tinitingnan ay kung sino ang Top 1 at Top 2. Mas big deal sa akin kung si Jerry pa rin ba o si Paul na ang pinakamataas. Pero ngayon ay nagulo ang atensyon ko nang bigla akong hilahin ni Marcus.

“Benj! Top 7 ka! Ang galing mo Pre!”

“Talaga?” Hindi ako makapaniwala. Dali dali akong lumapit at totoo nga. Nakita ko ang pangalan ko sa ikapitong pwesto.

7. Arevelo, Benjamin Kim 90.49

Line of 9? Diyos ko. Hihimatayin ang Lola ko pag nalaman ‘to. First time to sa buong kasaysayan ng buhay estudyante ko. 51 kaming magkakaklase. Pang pito ako? Naungusan ko pa yung ibang mga kaklase kong matatalino tulad nila Daphne at Miguel.

Tuwang tuwa ako pero bigla kong naalala si Jerry. Oo nga pala. Pang ilan ang mahal ko?

Kung kanina ay hihimatayin ang Lola ko, ngayon, parang gusto ko, ako ang himatayin. Nanlamig ang buong katawan ko. Parang biglang sumama ang panahon at umulan ng yelo sa Pilipinas.

Totoo ba ang nakikita ko?
1. Alejandro, Paul John Lopez 96.03
2. Santillan, Jeruel James Diaz 95.81

Ang bigat bigat ng mga hakbang ko nang lumabas ako ng classroom. Agad akong sinalubong ni Jerry ng ngiti.

“Ano?”

“Maliit lang ang agwat niyo, Jerry.”

Ngumiti siya at mahinang sinuntok ang braso ko.

“Ayan ka na naman ha. Nagbibiro ka na naman.”

Umiling ako. Siguro inaasahan ni Jerry na bigla akong tatawa o ano. Dahil dun, napawi din ang ngiti sa mga labi niya.

“Gaano kaliit?”

“.22.”

Tumangu tango si Jerry. “Maliit nga lang. Sayang, natalo ako ni Paul ng .22.”

Two RoadsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon