Benjamin
May bago akong nalaman tungkol kay Jeruel. Di ba nabanggit ko na lagi ko siyang nakikita tuwing dumadaan ako sa kanila pag pauwi na ako sa amin? Araw araw yun. Mula nang bata pa ako. Kahit noong hindi ko pa siya kilala, dahil sa public school siya nag-aral ng elementary. Lagi ko siyang nakikita.
Nasubaybayan ko siya nang hindi niya alam. At kahit nagbinata na siya, tumangkad at lalong gumwapo, hindi nagbago yung nakasanayan na niyang gawin araw araw.
May mga pagkakataong napapadaan ako sa kanila, at siya ay nagwawalis ng bakuran, o di kaya ay nagpapakain ng mga alagang manok, o kaya ay tinutulungan magsampay ng damit ang nanay niya. Pero madalas, nakikita ko siya doon, sa may malaking mesa sa harap ng bahay nila, nag-aaral at gumagawa ng assignment.
Ang totoo, hindi ko alam kung paano niya nakakayanan yun. Buong maghapon na ngang nag-aaral sa school, tapos paguwi, aral ulit? Feeling ko sasabog ang utak ko kung ako yun. Eh sampung minuto nga lang yata na humarap ako sa libro ko, pakiramdam ko taon na ang nanakaw sa akin ng binasa ko.
Hindi niya alam na lagi ko siyang pinagmamasdan twing dumadaan ako. Ni hindi nga niya alam na dumadaan ako eh. Madalas pinagpaplanuhan siyang bwisitin ng mga katropa ko, pero lagi ko silang binabawalan.
"Wag si Santillan. Akin yan."
Noong isang araw, napadaan ulit kami sa tapat ng bahay nila. Galing kami sa covered court. Kami nila Chino, Kenneth, at Andrew. Naglaro kami ng basketball. Gaya ng dati, nakasubsob na naman si Jeruel sa pag-aaral.
"Hindi mo pa ba bwibwisitin si Boy Henyo, Benj?" tanong ni Andrew."
Hindi na ko nakasagot dahil saktong lumabas ng pinto si Aling Romina at hinawakan ang balikat ng panganay niya. Huminto ako para pakinggan ang usapan nila.
"Anak, ikaw na muna dito ha? Bantayan mo ang mga kapatid mo. Wag mong palalabasin, lalo na yang si Jaron. Hindi pa tapos sa assignment niya yan. Susunduin ko lang sila Julianna at Joash."
"Ako na lang po ang susundo sa kanila, Nay."
"Wag na, tutal may bibilhin rin ako, at kukunin ko rin yung bayad ni Aling Linda para sa paglalaba ko. Mag-aral ka na lang diyan, Jerry."
Bago ko pa namalayan ay bumungisngis na ng malakas si Chino. Dahil doon ay nalaman tuloy ni Jeruel na naroon kami at tumayo siya't tumingin samin. Pinagsalubong na naman niya ang kilay niya. Ang sama ng tingin niya sa amin, lalong lalo na sa akin. Kaya bigla kong binatukan si Chino at sinabihang tumahimik na. At naglakad na kami pauwi habang panay pa rin ang tawa ng tatlo.
Ako, napangiti na lang. Jerry pala kung tawagin siya sa kanila. Ang cute naman. Naalala ko tuloy yung paborito kong cartoons. Yung Tom and Jerry. Paborito ko iyon kasi galing kay Daddy yung mga VCD ko ng Tom and Jerry. At nakakatawa at nakakaaliw ang mga eksena sa cartoons na iyon. Bigla kong naisip na parang kami ni Jeruel sila Tom at Jerry. Ang pusang si Tom na siyang laging binubully si Jerry ay ako. At ang dagang si Jerry ay si Jeruel. Ang kabalintunaan ng kwento ay kahit na bully at mas malaking di hamak si Tom, ay lagi siyang natatalo ng mabilis at matalinong si Jerry. Parang kami. Ako ang bully, pero tiklop ako pagdating kay Jeruel.
Yun nga lang, sa cartoons na iyon, pagkatapos ng lahat ng rambulan, habulan, at away, magkaibigan sila Tom at Jerry. Iyon ang malabong mangyari sa aming dalawa ni Jeruel. Para kasing lagi na lang ang init init ng dugo niya sa akin.
Oo nga pala, hindi ko pa nakwento kung bakit mabilis nawala yung sama ng loob ko sa kanya pagkatapos niya akong paringgan tungkol sa philosophy ko last week.
Pagkatapos ng klase ng araw na iyon, umakyat ako sa fourth floor, kung saan naroon ang faculty room para puntahan si Mr. Ramirez dahil di ba sabi niya, gusto niya akong makausap?
BINABASA MO ANG
Two Roads
Teen FictionTwo young boys, two different lives, two hearts, one poignant story. 2013