Jeruel
Hangga't maaari, ayoko ng pagbabago. Lalong lalo na kung ang pagbabagong iyon ang siyang maglalagay sa akin sa ground na hindi stable.
Alam ko, wala sa lugar, pero hindi ko mapigilan ang sarili kong mainis kay Ms. Perez, na ngayon ay Mrs. Rivera na. Bakit ba kasi kailangan pa niyang magpakasal at mabuntis? Sana siya pa rin ang teacher namin sa TLE. Sana walang ganitong pagbabago. Sana hindi ko kailangang mangapa at magalala sa tayo ko sa bago naming teacher.
Ayoko sa bagong teacher. Iba ang istilo ni Mr. Ramirez at parang hindi katanggap tanggap. Masyado siyang mabait. Lagi siyang nakangiti. Parang hindi siya marunong magalit.
Siya lang ang teacher na tinatawag kami sa pangalan. Ayoko ng ganoon. Pakiramdam ko ay tinatrato niya kami na parang bata. Ipinaliwanag naman niya kung bakit. Sa first name daw niya tinatawag ang mga kaibigan niya. At kung ayaw ko, ibig sabihin, ayaw kong itrato niya ako bilang kaibigan.
Isa pang hindi ko gusto tungkol sa kanya, masyado siyang mabait kay Benjamin Arevalo. Hindi ba niya alam na hindi dapat itratong parang baby ang taong yun? Alam kaya niya ang reputasyon ni Benjamin at hindi tama na maging mabait siya dito? Nabanggit ko na noong nakaraan na mahalaga ang pressure sa buhay ng tao. Hindi matututo ang isang tao kung ngingitian mo at pakikitaan ng maganda kung hindi naman sila deserving.
Siguro, kaya ako nagaalala ay dahil halatang wala siyang alam sa reputasyon ng bawat estudyante sa St. John King. Nasanay ako na iba ang trato ng mga teachers sa aming mga dating section A, lalong lalo na sa aming dalawa ni Paul. Dapat lang, dahil pinaghirapan naman namin ang bagay na iyon. Samantalang si Mr. Ramirez, parang kung ano ang tingin niya kay Benjamin, yun din ang tingin niya sa aming lahat. At hindi ko yun matanggap.
Maprinsipyo akong tao, at napakarami kong pilosopiya. Hindi ako magiging ganito kalalim kung hindi ko nilagay ang mga pilosopiya ko sa paligid upang gabayan ako. Pero nang nagumpisa na kaming idiscuss ang mga pilosopiya namin, kinalimutan ko ang lahat nang mga oras na iyon. Parang walang natira sa akin kundi yung pagnanais kong maiparamdam sa Benjamin na iyon, at sa teacher namin na hindi ko sila gusto.
Ang pilosopiya ni Benjamin, ewan ko kung saan niya nadampot, dahil sigurado naman akong hindi niya totoong nararamdaman yung sinabi niya at nagiimbento lang siya, lahat daw ng tao ay deserving ng second chance.
Nakakatawa. Parang gusto niyang sabihin sa aming lahat na pagkatapos ng lahat ng ginawa niya, ng gulong dinala niya na dumungis sa pangalan ng school at ng mga estudyanteng nagaaral dito, dapat namin siyang pagbigyan muli.
Kaya naman nang ako ang tawagin ni Sir, hindi ako nagdalawang isip na kontrahin ang sinabi niya. Sabi ko, hindi ako naniniwala sa second chances.
Sinubukan ni Sir na ioutsmart ako, nakakainis mang isipin. Pero alam ko, naitawid ko nang maayos ang punto ko.
At nagtagumpay ako sa pinaplano ko, dahil ang bully, lumingon sa akin at tinanong ako kung pinatatamaan ko daw ba siya.At least nakaramdam siya di ba? Akala ko nga hindi niya mapapansin na siya ang tinutukoy ko. O baka masyado ko lang siyang inunderestimate? Tinitigan ko siya at tinanong ko kung tinamaan siya. Nakita kong napuno ng tensyon ang buong classroom. Siguro gulat na gulat sila dahil walang sinuman ang nagkaroon ng lakas ng loob na kalabanin si Benjamin, maliban kay Paul. Eh alam naman ng lahat na kaya nagagawa yun ni Paul ngayon ay dahil mas mataas ang ranggo niya kaysa kay Benjamin sa CAT. Dati nga ay todo iwas siya pag makakasalubong na niya si Benjamin. Mas maliit kasi siyang di hamak kung ikukumpara kay bully boy.
Dapat nilang maintindihan na hindi ako natatakot sa bully na iyon. Hindi ako kahit kailan natakot sa kanya. Tinitigan ko siya at hindi gumalaw ang mga mata ko. Kailangan niyang makita yun. Na hindi lahat kakaya-kayanin niya. Sayang at umawat si Sir.
BINABASA MO ANG
Two Roads
Teen FictionTwo young boys, two different lives, two hearts, one poignant story. 2013