Part 1 - Chapter 2

3.5K 209 21
                                    

Jeruel James Santillan

Tatlo ang dahilan ko kung bakit May palang, gustung gusto ko nang hilahin ang mga araw, at minamarkahan ko na ang kalendaryo namin. Una, gustung gusto ko ang June. Pangalawa, pinanganak ako sa buwang ito. At pangatlo, buwan ng pasukan ang June.

Kahapon, Linggo, nagcelebrate ako ng 15th birthday ko. Ipinagluto ako ni Nanay ng paborito ko - Menudo. Napakaespesyal kasi bihira lang magluto ng ganoon si Nanay. Magastos kasi ang mga rekado at sangkap at hindi kaya na iluto sa mga ordinaryong araw. Maliban doon ay mayroon ding spaghetti, fried chicken, salad, at minatamis na beans. Busog na busog kaming magkakapatid, ako, si Jiselle, si Jaron, si Julianna, at si Joash. Simple lang ang celebration na yun pero tumatak talaga sa puso ko. Sabi ni Tatay, binata na daw ako. Hindi na daw sila makapaghintay na umabot ako sa 20s at abutin ang lahat ng mga pangarap nila para sa akin.

Tandang tanda ko pa yung sinabi ni Nanay sa akin kahapon. "Jerry, anak, isang taon ka na lang sa high school. Galingan mo ha? Gusto ko, maging guro ka. Pangarap ng Lolo mo na magkaroon ng anak na guro pero wala sa amin ang nagkaroon ng pagkakataon na makatapos ng pag-aaral. Ikaw ang tutupad ng pangarap na iyon."

Tama si Nanay. Isang taon na lang. Hindi ko mapaniwalaan. Parang kailan lang noong inenroll niya ko sa St. John King Academy noong First Year High School pa lang ako. Ang bilis ng panahon. Fourth Year na ko ngayon.

Pagkatapos naming magcelebrate kahapon, inayos ko na ang mga gamit ko para sa eskwela ngayong araw. Sinigurado kong walang kulang sa pitong textbooks na binalutan ko na ng plastic noong pang nakaraang linggo. Buong ingat kong nilagay sa loob ng paper bag ng Bench yung mga libro. Niregaluhan kasi ako ng Ninong Manuel ko ng Bench na t-shirt para sa birthday ko, at tamang tama, mapapakinabangan ko yung paper bag. Chineck ko rin kung kumpleto na ang mga notebook, papel, ballpen at kung anu ano pa sa loob ng bag ko. Buti na lang at buo pa yung bag ko from last year, kasi hindi naman kakasya lahat ng gamit ko sa paper bag.

May natira pa si Jiselle na Kiwi sa sachet na binili niya sa tindahan kung kaya binigyan niya ako at nakatikim ang sapatos ko ng Kiwi kahit paano, at kahit ngayon man lang, nagmukhang bago yung sapatos ko. Iba kasi eh. First day of classes. Excited nga ako. Sa sobrang excited hindi ako halos nakatulog kagabi.

Teka, siguro nagtataka ka, kasi sa mga sinabi ko, mahahalata mo nang hindi mayaman ang pamilya ko. Pero sa private school ako nagaaral. Yung St. John King Academy lang kasi ang nagiisang school na may high school sa baranggay namin. Yung public high school, malayo. Kailangan pang sumakay ng isang tricycle at isang jeep. Wala namang binabayaran ang mga magulang ko sa SJKA, maliban sa miscellaneous fee. Scholar ako mula First Year hanggang sa kasalukuyan kung kaya yung tuition, pati na rin yung mga textbooks, libre lahat. Awa ng Diyos, nagawa ko namang imaintain yung nirerequire nilang grade para hindi mawala sa akin yung scholarship.

Tuwang tuwa nga sila Tatay at Nanay dahil mula First Year, consistent honor student ako. At hindi lang iyon, ako ang Top 1 sa klase. At ngayong Fourth Year na ako, parang mas bumigat ang pressure. Ito na ang huli kong pagkakataon para patunayan ang kakayahan ko. Sana hindi na masilat pa sa akin.

Sa totoo lang, hindi ako ganoon kakampante, dahil bagamat sa loob ng tatlong taon ay ako ang nanguna sa klase namin, may isa akong kaklase, si Paul John Alejandro, na halos dikit ang mga marka sa akin. Malaking palaisipan lagi sa mga guro at mga kaklase ko kung sino ba ang lalabas na mas mataas sa pagtatapos ng bawat klase, at nagkakataon lang na nauungusan ko lang siya ng ilang puntos. Pero si Paul ay matalino rin. At bukod pa roon, anak mayaman siya, at shareholder ang parents niya sa school, kung hindi ako nagkakamali. Sa impluwensyang mayroon si Paul, hindi ko maiwasang kabahan na baka isang araw, makuha na niya mula sa akin ang pinakamataas na karangalan.

Kung tutuusin, sakali mang matalo ako ni Paul, ako pa rin ang papangalawa, wala nang iba pa. Hindi na rin masama iyon. Pero isipin ko pa lang kung paano ko mabibigo ang mga magulang ko, hindi ko na magagawa pang magpabaya, kahit kaunti. Ngayong Fourth Year na ako, mas lalong titindi ang kompetisyon. Hindi ako papayag na magkaroon si Paul ng kahit katiting na pagkakataon upang talunin ako. Isang taon na lang. Magagawa ko ito. At ikararangal akong lalo ng mga magulang ko.

Maaga akong gumising at ginising ko na rin sila Jiselle at Jaron. Doon din kasi sila nagaaral sa SJKA. Second Year na si Jiselle at si Jaron naman ay First Year. Tulad ko, scholar din sila. Kung mayroon mang kayamanang maituturing ang mga magulang ko, iyon ay ang pagkakaroon nila ng mga anak na marurunong at masisipag mag-aral. Pagkatapos naming magalmusal ay sunud-sunod na kaming naligo at nagbihis. Tinulungan ko si Jaron na isuot ang polo niyang pinaglumaan ko. Napangiti pa nga ako kasi naalala ko noong ako pa ang nagsusuot ng polo kong iyon noong First Year pa ako. Ngayon si Jaron na. Biniro pa nga siya ni Nanay. "Jaron, dapat mag-Top 1 ka rin tulad ni Kuya Jerry mo, kasi suot mo yung polo niya." Ngumiti lang si Jaron, pero alam ko, sa likod ng determinadong ngiting iyon, naroon ang pressure. Sabagay, malaki naman ang naitutulong ng pressure sa buhay ng isang tao. Tulad na lamang ng naitulong nito sa akin.

At heto na, dinadama ko ang malamig na umaga habang binabagtas naming magkakapatid ang daan patungo sa school. Ang sarap sa pakiramdam. Pagkatapos ng lahat, maswerte pa rin kami dahil nakakapag-aral kami. Lagi kong naririnig kina Nanay at Tatay na iyon ang hindi nila naranasan noong panahon nila.

Ano kayang naghihintay sa akin sa school? May bago kayang mga teachers at classmates? Nakakaexcite. Balita ko, ngayong taon, pagsasamahin na raw ang dating III-A at III-B. Okay lang. Maliban sa medyo magsisikip sa classroom ay wala naman akong nakikitang masama doon.

Siguro tama lang na magkaroon ng chance na magbonding ang mga Seniors at magiging posible lang yun kung aalisin nila yung wall sa pagitan, at iyon nga yung sectioning. Isa pa, wala naman sa kanila ang palagay ko'y makakalaban namin ni Paul para sa Valedictory position kaya walang dapat ipag-alala.

Siguro, medyo maninibago lang ako, dahil may mga bagong pakikisamahan, lalo pa't alam na alam ko ang reputasyon ng mga taga III-B. Ang tatamad mag-aral at ang gagaspang ng ugali. Sana naman hindi sila makaapekto sakin.

Buti na lang talaga, bago pa man kami paghaluin ay nakick out na yung grupo ng mga pasaway na estudyante nitong February lang, pagkatapos ng JS Prom namin. Alam kong matitigas ang ulo nila at hindi sila mahilig mag-aral pero hindi ko akalaing magagawa nila ang bagay na iyon. Nagdala sila ng alak na isinalin nila sa bote ng Pepsi para hindi mahalata. At kinabukasan, imbes umuwi, dumeretso sila sa bahay ni Marjorie Morales, yung Muse ng III-B last year, at gumawa ng nakakapangilabot na eskandalo. Haay. Isipin ko pa lang kumukulo na ang dugo ko. Nakakaawa ang mga magulang nila. Hindi ko alam kung bakit hindi nila naiisip iyon. Lalong lalo na yung pinakapresko sa kanilang lahat. Yung apo ni Mrs. Arevalo, yung matandang nakatira sa pinakadulo ng baranggay namin. Benjamin ang pangalan ng apo niya at isa iyon sa nakick-out. Mabuti yun. Dahil ayoko sa kanya. Ayoko siyang maging kaklase. Wala siyang pagpapahalaga sa edukasyon, sa dangal, at kahihiyan. Hindi niya isinasaalang-alang ang sakripisyo ng Lola niya makapag-aral lamang siya. Hindi niya nakikita ang paghihirap ng mga guro, maturuan lamang siya nang maayos. At nang mabalitaan ko kung paano nagalit ang mga magulang ni Marjo, samantalang siya ay tila walang pakialam, lalo lamang akong nainis sa kanya.

Sabagay, bakit ko ba siya poproblemahin? Ang mahalaga, wala na siya at ang mga kabarkada niyang walang magawa kundi magpasakit ng ulo ng mga guro at mangbully sa mas mahihina at mas maliliit na estudyante kesa sa kanila sa SJKA. Pagkatapos ng lahat, napatunayan kong hindi totoo na nadadaan sa pera ang school na pinagaaralan ko.

"Kuya, hindi ba siya yung apo ni Aling Consuelo?" Binulabog ang pagmumuni-muni ko ng tanong na iyon ni Jiselle. "Akala ko ba nakick-out na siya sa school? Eh bakit ganoon pa rin yung suot niyang uniform?"

Para akong nahilo. Ilang metro mula sa harapan namin, ayun, at parang naglalakad sa buwan na parang inaantok pa yata, bago ang bag, bago ang sapatos, at bago ang uniform - pero uniform pa rin ng St. John King, si Benjamin Arevalo.

Paanong nangyari yon?

Two RoadsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon