Jeruel
Nagbunutan kung kaninong grupo ang unang magrereport. Malas lang dahil number 1 ang nabunot ko. Pinatahimik na ni G. Gonzal ang lahat at tinawag na ang representative ng unang grupo para magreport. Nakita kong sumulyap pa sa akin si Mariel at ang bully niyang kaharutan kanina bago nagtungo sa unahan.
Humalukipkip ako at bumuntong hininga. Sugal 'tong ginagawa ko. Alam ko na kapag hindi nila naiayos ang pagrereport nila, hila nila ang buong grupo at tiyak na mababang grade din ang makukuha ko. Kaya lang, talagang nakakainis ang ginawa nila kanina. Ewan ko ba. Bawat kilos na lang ng Benjamin na iyan, naiirita talaga ako.
"Magandang umaga, G. Gonzal at mga kamagaral. Ako si Mariel Fernandez at siya naman si Benjamin Arevalo, at kami ang representante ng unang grupo at napiling iulat ang paksang may kinalaman sa maikling talambuhay ng ating pambansang bayani, si Dr. Jose Rizal."
Siniko ni Mariel ang katabi niyang parang first time na tumayo sa unahan. Hindi malaman kung ipamumulsa ba ang mga kamay, o ilalagay sa likod, o ano. Tensyonado. Napapala niya. Kung siya ba, nagtino, hindi na sana hahantong sa ganito.
"Ah eh... Pinanganak siya noong ika-19 ng Hunyo, 1861 bilang pampitong anak nina Don Francisco Mercado Rizal at Doña Teodora Alonso Realonda at pinangalanang Jose Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda. Si Rizal ay isinilang sa pook ng Calamba, Laguna. Siya ay bininyagan noong ika-22 ng Hunyo, 1861 ni Padre Rufino Collantes, kura paroko ng Calamba nang mga panahong iyon. Ang mga kapatid ni Jose ay sina..."
Ang bilis niyang magsalita at parang hindi man lang humihinga. Ni minsan ay hindi siya tumingin sa amin at parang napako na ang mga mata niya sa visual aid na hirap na hirap namang sundan ni Mariel ng turo dahil sa bilis magsalita ni Benjamin.
"Nagkakalat sila, Jeruel." Nagulat ako nang maupo sa tabi ko si Vanessa. "Hindi ka ba naaawa?"
Natawa ako pero hininaan ko lang. "Bakit ako maaawa? Nakakaawa ba sila?"
“Kasi halatang kinakabahan eh. Lalo na si Benjamin."
"Dapat lang yun."
"Bakit ka ba ganyan?"
Nagulat ako sa tanong na iyon ni Vanessa. Kahit gustung gusto kong makinig sa report ng dalawa sa unahan para masalo ko kung saka-sakaling hindi na talaga nila kayanin, natuon ang atensyon ko sa sinasabi ng katabi ko.
"Anong problema? Di ba sumumpa na tayo long ago na hindi natin hahayaang maging parte ng mundo natin ang mga taong tamad mag-aral, matigas ang ulo, at puro problema lang ang dinadala sa school?"
"Oo nga. Pero parang extra hot naman yata ang dugo mo kay Benjamin."
"You're speaking nonsense Vanessa. Ganyan ako sa lahat ng dating III-B."
"Oh. Talaga lang? Kaya pala kanina lang eh binati mo pa yung grupo ng dating III-B na nakasalubong natin sa hallway. Nginitian mo pa sila. Kala mo hindi ko napapansin? Hindi mo naman dinedeadma si Benjamin eh. Nagiging mean ka na sa kanya. And it's not very Jeruel Santillan anymore. Hindi naman kasi ganoon yung promise natin."
Hindi ako agad nakasagot sa sinabing yun ni Vanessa. Napatingin na lang ako sa kanya ng ilang segundo. Oo nga, may punto siya. Parang masyado na yata akong lumagpas sa boundary ko. May pangako kasi kami dati na hindi kami magiging friendly sa mga tipo ni Benjamin, yung mga tamad mag-aral, laging gumagawa ng gulo, at lumalabag sa rules. Pero hindi ko napansin na hindi ganoon ang ginagawa ko nitong mga nakakaraan. Nagiging masama na ako kay Benjamin.
"Akala mo, hindi ko napapansin? Siya lang ang bukod tanging hindi mo tinatawag sa pangalan niya. Ano bang meron sa kanya at parang ang init init ng dugo mo?"
BINABASA MO ANG
Two Roads
Teen FictionTwo young boys, two different lives, two hearts, one poignant story. 2013