Part 1 - Chapter 15

1.6K 189 35
                                    

Benjamin

Sinong makapagsasabi na ang taong gaya ko, na halos buong buhay nang walang ginawang tama, ay papaboran ng Diyos nang sobra sobra? Naaalala mo pa noong araw na nagabot-abot ang dasal ko, mapunta lang sa akin si Jerry bilang partner ko sa I.P.? Dininig yun ni Papa God, at hindi lang basta iyon, inihatid niya sa akin si Jerry bilang regalo. Bilang kaibigan ko. Matalik na kaibigan.

Masarap palang magkaroon ng bestfriend. Alam mo yun, yung kaibigan mong makakasama mo sa paggawa ng tama at mabuti? Dati kasi, lahat ng naging tropa ko, tinuruan akong makipagbasag-ulo, mang-away, maging pasaway, magdala ng problema sa mga tao sa paligid ko. Ngayon, ibang iba na.

Sinong mag-aakala, na ang dating pagkailap ilap na si Jeruel James Santillan ay lagi ko nang kasama, araw araw, hindi lamang sa bahay namin tuwing alas singko ng hapon, kundi sa school na rin? Tuwang tuwa si Sir Julius nang malaman niya.

"Sabi ko na eh. Youre definitely not friends... yet."

Masarap pala sa pakiramdam yung mayroon kang pinahahalagahan, mayroon kang tinuturing na 'iyo', mayroon kang makakasama sa lahat ng lakad mo sa buhay. Kapag magkasama kami ni Jerry, wala akong ibang gustong gawin kundi protektahan siya at alagaan. Gusto ko laging iparamdam sa kanya na ligtas siya at hindi masasaktan ninuman. Gusto kong ipaalam sa kanya kung gaano ako nagpapasalamat na ibinigay siya sa akin ng Diyos, at gagawin ko ang lahat wag lang siyang bawiin.

Mabilis na lumipas ang dalawang buwan. August na. Kailan lang noong tamad na tamad pa kong pumasok sa school dahil ayoko pang matapos ang bakasyon. Ngayon ay lagi na kong ganado. Alam ko kasi, na naroon sa school, ang bestfriend ko, na laging may ngiting handang pagandahin ang bawat araw ako.

Natapos ang first quarter at ipinaskil sa bulletin board namin ang ranking naming mga Seniors. Dati, wala akong kapaki-pakialam. Dahil kahit ilan pa kami, laging ako ang nasa ilalim ng listahan. Ngayong nagsusumikap na ako, sa tulong ni rin ni Jerry, kahit papaano, may nasisilip akong pag-asa.

"Hindi ko kayang tingnan. Kinakabahan ako, Benjie. Ikaw na lang, tapos sabihin mo sa akin, ha?"

Ganoon nga ang ginawa ko. Habang nagkakagulo ang mga kaklase ko, nakisali na ako't tiningnan ang listahan ng ranking para sa first quarter.

Napangiti ako nang nakita ko ang unang dalawang numero.

1. Santillan, Jeruel James Diaz 92.87
2. Alejandro, Paul John Lopez 91.96

Dikit na dikit ang grades nila Jerry at Paul, pero ang mahalaga, si Jerry ang nanguna sa klase para sa first quarter. Hinanap ko ang pangalan ko. Sinimulan ko sa pinakababa at nakapagtataka dahil hindi ko kaagad nahanap. Bago yun. Ibig sabihin, wala ako sa pinakailalim ng listahan.

At nang makita ko ang pangalan ko, lalo akong natuwa.

27. Arevalo, Benjamin Kim 83.65

Hindi ko mapaniwalaan yun. Pang number 27 ako sa 51 na estudyante? At first time yun, na nagkaroon ako ng passing na average sa first quarter, at hindi lang basta passing, line of 8 pa!

Pinilit kong alisin ang saya sa mukha ko nang lumabas ako ng classroom. Naroon, at naghihintay sa hallway, si Jerry at parang tensyonadong tensyonado. Tumingin siya agad sa mga mata ko na para bang mababasa niya doon ang ranking niya. Ilang segundo rin akong nanahimik habang pinagmamasdan ko ang mga mata niyang punung puno ng determinasyon.

"Benjie! Ano ba? Papatayin mo naman ako sa nerbyos eh."

Umiling ako. "OK lang yun. Dikit ang grade niyo ni Paul. Hindi na rin masama."

"Top 1 siya?" Nakakapit na nang mahigpit si Jerry sa magkabilang balikat ko.

"92.87 yung Santillan, 91.96 yung Alejandro. Sino sa palagay mo ang Top 1?"

Two RoadsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon