Benjamin
Shoot. Ang lungkot palang maglaro ng basketball pag nagiisa ka. Lahat ng sama ng loob, lahat ng pangungulila, lahat ng pananabik, lahat ng pagmamahal na hindi ko kayang ipakita, hindi ko kayang sabihin, ibinuhos ko sa bolang hawak ko.
Tatlong araw na. Tatlong araw nang malabo ang lahat sa amin ni Jerry. Tatlong araw na siyang hindi nagpupunta sa amin para sa investigatory project namin. Ewan ko. Aaminin ko, umiiwas ako sa kanya. Pero nararamdaman ko na parang siya rin. Umiiwas din siya. Hindi ko maintindihan kung ano ba ang eksaktong nangyari. Basta ang alam ko lang, miss na miss ko na siya at parang habangbuhay na.
Kanina, sa English class, nagbatuhan sila ng linya ni Ma’am Tejada galing sa sikat na sikat na Romeo and Juliet. Sikat na sikat, pero wala akong alam kahit na isang linya. Ang galing nga ni Jerry eh. Parang natural na natural yung palitan nila ng linya ni Ma’am.
Pero kahit wala akong alam sa Romeo and Juliet, may parte ng batuhan nila ng linya na alam ko, hindi galing sa libro, kundi galing sa kanila mismo. Ewan ko, siguro ako itong in love kung kaya kung anu ano ang iniisip ko. Pero hindi eh. Kanina, habang dinedescribe ni Jerry bilang Romeo si Juliet, parang sa akin siya nakikipagusap. Ah ewan. Pinapaasa ko lang lalo ang sarili ko.
Ang sakit pala no? Maiinlove ka rin lang, sa bestfriend mo pa. At hindi lang basta bestfriend, lalaki pa. Nakakalungkot isipin na sa oras na malaman ni Jerry ang sikreto kong ito, dalawa agad ang mawawala sa akin. Mawawalan na ‘ko ng minamahal, mawawalan pa ‘ko ng kaibigan.
Ishinoot ko ulit ang bola. Tagaktak na ang pawis ko pero hindi pa rin ako tumitigil.
“Maybe you could use another player.”
Nagulat ako pero kilala ko ang boses. Si Sir Julius. Anong ginagawa niya sa court ng ganitong oras? Papadilim na ah.
Ngumiti si Sir nang hindi ako agad nakapagsalita.
“Galing ako sa school. May tinapos ako kaya ngayon lang ako nakalabas. And I saw you. Why are you alone?”Umiling ako. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa kanya.
“Then let me join you.”
Bago pa ‘ko nakahuma ay tinanggal na ni Sir ang suot niyang polo. Lumantad sa harapan ko ang malapad niyang balikat at matipunong dibdib. Maputi si Sir at makinis. Hindi ko naiwasang matulala sandali.
Dahil doon ay naagaw sa akin ni Sir ang bola at agad na naishoot iyon sa ring.
“I told you I’m good at this.” Nakangiti si Sir at muling ishinoot ang bola.
Huminto siya nang mapansing hindi ako kumikilos.
“You’re not in the mood, tama ba?”
Umiling lang ako.
“Then why are you here?”
Tumingin ako sa mga mata ni Sir. “Wala lang po.”
Hindi inalis ni Sir ang tingin niya sa akin at umupo siya sa bench na nasa bandang gilid ng court.
“You are unhappy. Aren’t you?”
“Sir?”
“Oh come on. Don’t tell me you still don’t trust me after all this time.”
“Hindi ko po alam ang sinasabi niyo, Sir.”
Tumangu tango si Sir. “So I take it mas kilala ko pa pala si Benjamin Arevalo kesa sa pagkakakilala niya sa sarili niya.”
Ilang sandali ding pinilit kong patatagin ang sarili ko. Tumitig ako sa mga mata niya. Pero nang magumpisa nang tumulo ang mga luha ko, wala akong nagawa kundi yumuko.
BINABASA MO ANG
Two Roads
Teen FictionTwo young boys, two different lives, two hearts, one poignant story. 2013