Part 1 - Chapter 26

1.2K 160 1
                                    

Benjamin

"Benjie! Benjie! Benjamin Arevalo, ano ba?"

Nagising ako sa malakas na sigaw na iyon ni Lola. Nananaginip pa ako eh. Kala ko totoo. Sa panaginip ko, magkasama kami, gaya ng dati. Masaya. Badtrip naman o. Si Lola talaga.

Hindi ako bumangon at muli akong pumikit. Dahil doon ay pumasok na si Lola sa kwarto ko.

"Benjie ano ba? Ilang tawag ba ang gagawin ko sayo? Anong oras na? Nagbakasyon ka lang, bumalik ka na naman sa dati mong gawi."

Pumalatak ako. "Lola naman. 5 minutes pa. Please? Bibilisan ko na lang ang pagligo ko." At bumalik ako sa pamamaluktot.

"Anong 5 minutes na nalalaman mo dyan? Kung kaya mong bumangon pagkatapos ng 5 minutes bakit hindi pa ngayon?"

Inalis ni Lola ang kumot na nakatakip sa katawan ko. Dahil doon ay napabalikwas ako ng bangon. Paano, brief lang ang suot ko.

"Lola naman eh!"

"Tumayo ka na dyan. Nakasalang na yung pampaligo mo. Luto na rin ang almusal. Bilisan mo at baka malate ka. Bagong taong bagong taon ganyan ka. Diyos ko kang bata ka. Paano na lang pag namatay na ako? Paano ka na? Hanggang ngayon kailangan ka pa ring bantayan nang bantayan. Akala ko pa naman nagbago ka na."

Napakamot na lang ako sa ulo. Lagi na lang. Tuwing may gusto siyang ipangaral sa akin, lagi niyang binabanggit ang kamatayan niya. Sino ba namang apo ang hindi susunod kapag ganun?

Haay. First day. Bakit ba ang bilis matapos ng bakasyon?

Bumangon na ako at naligo, nagbihis, kumain ng almusal. Nakakatamad. Nakakaantok. January na. Konting konti na lang, aalis na ako sa school. Titiisin ko na lang. Kahit sa totoo lang, wala naman akong dahilan pa para pumasok. Kung pwede nga lang, doon na lang ako lagi sa kwarto ko. Doon kasi, ligtas ako. Malayo ako sa mga bagay na masasaktan ako. Malayo ako sa kanya.

Makikita ko na siya. Handa na ba ako? Simula kasi nung araw na yun, hindi na kami nagkita. Parang nagkaintindihan na lang ang mga kaluluwa namin na hindi na kami pwedeng makipagkita pa sa isat isa.

Liliko na sana ako sa huling kalye kung saan naroon ang bahay nila Jerry at patungo ang daan sa school nang makita ko sila Andrew at Kenneth sa kabilang kalye na kuntodo nakasuot ng uniporme pero wala sa hitsurang may planong pumasok.

Literal na dalawang kalye ang nasa harapan ko ngayon, at literal na kailangan kong mamili. Tinatanong pa ba kung ano ang pipiliin ko? Syempre. Doon ako sa madali.

"Drew, Ken!"

"Uy, Benj!" si Kenneth.

"Magka-cutting kayo no?"

Tumawa si Andrew. "May bago ba dun? Ikaw? Parang hindi ito ang daan papunta sa St. John King ah."

Nakitawa na rin ako. "Nakakatamad eh."

Umakbay sa akin si Kenneth. "Welcome back kung ganun. Akala ko tuluyan ka nang inagaw ng mga libro sa amin eh."

"Libro?" si Andrew. "Baka kamo ni Boy Henyo."

"Tumigil nga kayong dalawa. At teka nga, saan ba tayo? At bakit wala si Chekwa?"

"Yun nga Benj eh. May reresbakan kami."

"Anong sabi mo Ken? Bakit?"

"Si Chino kasi. May nakilala doon sa kabilang baranggay. Ewan ko nga kung paano niya nakilala. Eh yun. Alam mo naman yung tropa natin, kung ano siya, di ba? Nagkayayaan yata sila. Inuman. Tapos sinabik lang si Chino. Inakit. Pinaniwalang may mangyayari sa kanila. Ang tangang Chino, naniwala naman. Yun pala, nanakawan lang siya. Kinuha yung ATM niya saka yung cellphone. Di pa nakuntento, nilagyan pa ng black eye si Chino at sinikmuraan. Tapos tinakot pa na ipagkakalat daw na bakla siya."

Nanginig ang buong katawan ko dahil sa sinabi ni Kenneth. Sinong walang hiya ang gagawa ng ganun kay Chino? At anong nangyari kay Chino? Anong nangyari sa katropa kong kinatatakutan ng marami dahil sa galing sa pakikipagbasag-ulo?

"Kumusta si Chino?"

"Ayun. Di makakapasok. Di pa halos maidilat ang mata dahil sa black eye. Eh kahit anong tanong ng mga magulang niya, ayaw sumagot. Eh kasi nga di ba, pag sinabi niya ang totoo mabubuking na bakla siya? Sa amin lang siya umamin kung anong nangyari. Buti nga kamo, nagpunta kami ni Ken sa kanila kahapon. Kawawa nga eh."

"Alam niyo kung sino at kung saan kayo pupunta?"

"Oo Benj. Sinabi niya sa amin ni Dudong kung saan nagaaral. Kilala ko yun. Noon pa ko naaangasan sa mukha nun eh."

Hinubad ko ang suot kong polo at itinira lang ang puting sando. Ibinalunbon ko ang polo at isinaksak sa loob ng bag ko. "Kung ganun, tara. Di lang black eye ang mapapala ng gagong yun."

Two RoadsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon