Jeruel
Parang pinagsisisihan ko na hindi ko kinausap si Benjamin tungkol sa mga surpresa niya sa akin. Gusto ko lang malaman kung ano ang dahilan niya bakit niya ginawa ang mga iyon.
Tahimik kaming naghahapunan at parang wala ako sa sarili habang minamasdan ko ang nakangiting brown na daga sa tasa na nasa harapan ko nang biglang may sinabi si Jiselle.
"Nay, mabait po pala yung apo ni Aling Consuelo."
Pare-pareho kami ng naging reaksyon. Nagulat. Ako, si Tatay, at si Nanay.
"Anong sabi mo, anak?"
"Mabait po pala si Kuya Benjie, Nay."
"Paano mo namang nasabi?" takang tanong ko.
"Kasi kanina, habang hinihintay ka namin sa tapat ng room ni Jaron, may isang third year na lumapit sa amin at biglang kinuha yung sumbrero ni Jaron."
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. "Sinong may gawa nun?"
"Hindi ko alam, Kuya, basta third year. Tapos nung kinukuha ko na, ang gusto, makipagsapakan daw si Jaron sa kanya, eh ang laki laki niya."
"Tapos, anong nangayari?" hindi nakatiis ay nagtanong na rin si Tatay.
"Ayun po, biglang dumating si Kuya Benjie at hinamon niya yung lalaki. Yung lalaki, biglang natakot. Binalik yung sumbrero ni Jaron, tapos tumakbo nang mabilis."
Tumatawa pa si Jiselle habang nagkukwento.
"Sigurado ba kayong hindi na uulit yung lalaking yun?"
"Hindi na po Nay. Halata naman pong natakot kay Kuya Benjie eh. Mabait po pala yun. Kasi, binigyan pa niya si Jaron ng sumbrero."
Dali-daling tumayo si Jaron at pumunta sa sala. Pagbalik niya ay dala na niya ang pulang sumbrerong tinutukoy ni Jiselle na nanggaling kay Benjamin.
"Baka naman may kapalit yan?"
"Wala po, Nay. Talagang binigay niya po sa akin. Tapos inihatid pa niya kami ni Ate pauwi. Sabi pa niya ang pogi ko daw po. Kamukha ko daw po si Kuya Jerry."
Tumawa bigla si Tatay. "Naku, kaya naman pala nababaitan, nasabihang pogi."
"Sabi pa po niya, gayahin daw po ni Jaron si Kuya Jerry. Kasi si Kuya Jerry daw po, matapang, hindi takot sa mga siga."
"Anak, ano sa palagay mo? May pinaplano kaya yung apo ni Aling Consuelo sa mga kapatid mo?"
Umiling ako. "Hindi ko po alam, Nay. Kasi maging sa akin, parang ang bait bait din niya. Kung tutuusin, kahit kailan, hindi naman siya naging salbahe sa akin."
"Pero kahit na. Alam natin ang reputasyon ng batang yun. Magingat ka pa rin, Jerry. Lalo ikaw, laging ikaw ang kasama ng batang yun."
Hindi na lang ako kumibo. Baka isa pa sigurong dahilan kung bakit mainit ang dugo ko kay Benjamin ay dahil masyadong nafeed ni Nanay ang isip ko ng mga paniniwala niya. Bilang partner ni Benjamin sa I.P., maiintindihan ko pa bakit niya ako ginagawan ng mabuti. Pero nang yung mga kapatid ko na ang gawan niya ng mabuti, ibang usapan na yun. Baka tama si Vanessa. He can't be that bad.
At lalo kong napatunayan yun pagsapit ng Lunes. Nag-assign si Paul ng mga class officers na magbabantay sa mga cleaners para masigurong ginagawa nila ang task nila.
Dalawa kaming nakaschedule pag Monday. Ako, at si Jennifer Cortez, dating III-B at class treasurer namin.
Nagulat na lang ako nang marinig ko ang malakas na boses ni Paul na nagmumula sa school ground.
BINABASA MO ANG
Two Roads
Teen FictionTwo young boys, two different lives, two hearts, one poignant story. 2013