Part 1 - Chapter 27 (2 of 2)

1.2K 166 2
                                    

Benjamin

Sa wakas, nandito na rin ako sa kwarto ko ulit. Akala ko hindi sila susuko hangga't hindi nila ako napapagsalita eh.

Namiss ko yun. Ngayon ko lang ulit nagawang makipagbasagan ng mukha nang ganoon. Parang lahat ng galit na kaya kong maramdaman, nailabas ko sa mga suntok ko sa mukha ng lalaking yun.

Buti na lang talaga dahil naabutan namin nila Kenneth at Andrew ang lalaking yun na kasama pa ang dalawa niyang kabarkada na nakatambay sa may tindahan. Hindi na kami nahirapan maghanap. Pare-pareho na lang kami. Oras ng klase, nasa kalye.

Niyaya namin sila ng suntukan. Pumayag naman. Sa court daw kami. Ang problema, sa court, madaling may makakakita sa amin. Baka takot silang mapatay namin sila kaya gusto nila doon. Pinagbigyan na namin.

Dahil kay Chino. Ireresbak namin si Chino.

OK na sana eh. Ineenjoy ko na ang pagpapasabog ng mukha. Ewan ko kung sinong epal ang humingi ng tulong at nagsumbong sa principal ng mga school namin. Basta ang alam ko lang, kung kailan binibigay ko na lahat ng kaya ko, mabugbog sarado ko lang yung lalaking yun, saka naman may biglang lumapit sa akin at hinila ako palayo.

“Benjamin, what the hell are you doing?"

Si Sir Julius. Di ba dapat nasa school siya? Paano niyang nalamang naroon ako? Kasunod nun ay pagdating ng kung sinu sinong usyoso, mga teacher, kung sino sino. Lahat naman walang alam sa nangyari. Lahat naman walang karapatang makialam. Gustung gusto ko silang pagmumurahin lahat at sabihang pabayaan kami.

Ang hitsura namin, maduming madumi, dahil kumapit ang putik sa mga suot namin. Punit punit ang pantalon ko at putol pa ang isang tirante ng sando ko. Putok ang labi ko at hindi ko maidilat ang isa kong mata. Mukha akong katawa tawa alam ko.

Ilang school yung pinuntahan namin. Una, sa St. Martin kung saan nagaaral yung lalaking binugbog namin at ang mga kabarkada niya. Pangalawa, sa Blessed Life Montessori kung saan nagaaral sila Andrew at Kenneth, at huli, sa St. John King, school ko.

Pero kahit saan kami dalhin, hindi kami umiimik. Tanging ang tatlong bugbog saradong lalaki ang salita nang salita. Kinukuha nila ang simpatya ng lahat. Ayaw naming magsalita. Kahit anong pilit nila. Siguro nagkakaintindihan kami na hindi kami magsasalita, para kay Chino. Kaya wag na wag lang mababanggit ng ungas na yun si Chino, kundi, wala akong pakialam kung sino pa ang kasama namin, papatayin ko talaga siya.

Maliban kay Sir Julius na hindi nagsasalita at nakatingin lang sa akin, naroon lahat halos ng teachers namin, lalong lalo na si Ma'am Tejada na halos mapatid na ang litid kakatanong.

May iba ring mga teachers doon na galing sa school ng mga ungas na tanong din ng tanong. Tang ina nilang lahat. Patayin na lang nila ako pero hindi ako magsasalita. Bahala sila.

Hindi pa sila nakuntento, ipinatawag pa nila si Lola. Pero kahit umiyak pa si Lola, hindi pa rin ako nagsalita. Sa huli, sumuko rin sila at pinauwi na kami. Magaundergo daw kami ng counseling. Leche. Pakialam ba nila sa buhay ko? Akala yata nila, dahil sa teachers sila, may karapatan na silang makialam.

Habang palabas kami, napatingin ako sa canteen. Naroon siya, si Jerry. Titig na titig ang hindi gumagalaw na mga mata sa akin. Alam rin pala niya. Mabuti yun. Dapat masanay na siya. Dahil simula sa araw na ito, ako na ulit si Benjamin na kinamuhian niya noon.

Kung iyon lang ang natatanging paraan para lumayo siya sa akin. Para hindi ako makagulo sa pagaaral niya. Para hindi ko masira ang mga pangarap niya.

Kung iyon lang ang paraan para hindi na ako lalong masaktan sa katotohanan na hindi na siya magiging akin.

Two RoadsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon