Benjamin
Haay. Nakakaantok talaga. Ilang minuto na lang bago mag alas syete nang saktong dumating ako sa school. Kakaiba na agad ang tingin na sinalubong sa akin ni Manong Jaime, yung guard sa gate ng school. Palibhasa alam na alam na niya ang kalibre ko. Panong hindi? Eh mula nang mag-aral ako sa SJKA, siya na ang guard ng school. Ibig sabihin, alam niya lahat ng gulo at eskandalong kinasangkutan ko mula noong umpisa pa.
Hindi ko na lamang siya pinansin. Lalong hindi ko siya binati ng 'Good morning.' Lagi kasi kaming pinaaalalahanan ni Ma'am Tere na maging magalang sa kahit kanino at laging babatiin ang lahat ng empleyado ng school, hindi lamang ang mga teachers. Hmmm. Manigas sila. Magsasayang lang ako ng laway para batiin si Manong Jaime. Hindi naman kami close.
Pero ang ipinagtataka ko, siya lang yata ang hindi nagulat nang makita ako. Dahil pagkalagpas na pagkalagpas ko sa kanya, puro gulat nang mukha ang sumalubong sa akin. Mga estudyante mula sa Second Year at Third Year. Gulat na gulat sila na para bang isang multo yung nakita nilang pumasok sa gate. Siguro, talagang inaasahan na nilang hindi na nila makikita pa ang anino ko sa school. Hmmm. Sorry na lang sila. Pare-pareho naman naming hindi gusto ang presensya ng isa't isa.
Nang makabawi na sila sa pagkagulat ay tinuloy na nila ang kani-kanilang mga ginagawa. Wala akong narinig na kahit ano. Mabuti naman. Siguro, natatakot sila. Umakyat na 'ko sa third floor dahil naroon ang classroom ng Seniors at habang binabaybay ko ang may kataasan ding hagdan, parang uminit yung batok ko. Alam ko, lihim akong pinagtitinginan ng mga estudyante. Akala ko, kaya ko na. Akala ko ganoon na kakapal ang mukha ko. Nakakahiya pa rin pala. Lalo pa't alam ko kung bakit nila ako pinagtitinginan. Alam ko na dahil iyon sa lecheng video na kinunan ni Kenneth. Nakakahiyang isipin na posibleng lahat sila, alam na at nakita na ang lahat lahat sa akin. Wala na kong itatago pa. Sana hindi na lang ako nag-uniform at pumasok na lang ako ng hubo't hubad. Tutal wala naman nang pinagkaiba.
Pagpasok ko sa classroom ay ramdam ko agad ang kaibahan. Kahit wala namang pader sa pagitan ay parang hati sa dalawa ang grupo ng mga estudyante. Yung dating mga III-A, naroon, sa unahan at nananahimik. Lahat sila ay katulad ng mga nakakita sa akin sa gate. Gulat na gulat at parang nakakita ng multo. Uminit ang mukha ko dahil doon pero hindi ko sila pinansin. Taas noo akong pumasok at dinaanan ko silang lahat, at nagpunta ako sa bandang likuran, kung saan naroon naman ang dati kong mga kaklase, yung dating III-B at maingay na nagkukwentuhan, nagtatawanan, at naghaharutan.
Agad akong sinalubong ni Marcus, yung kaklase kong kilala ng lahat na feeling close at epal dahil akala yata lahat ay kaibigan niya at basta na lamang siya sumasama at nakikipagbiruan. Nagulat ako nang bigla niya kong akbayan at parang tuwang tuwa nang makita ako.
"Yeah, andito na si Idol! Ang tagal tagal na kitang gustong makausap para itanong kung... masarap ba si Marjo ha, Benj?"
Nakakabingi ang tawanan. 'Tong mga 'to talaga. Pagdating sa ganoong mga bagay, sadyang magagaling. Ewan ko pero parang hindi bumenta sa akin ang salubong na iyon ni Marcus kung kaya sa halip na sakyan ko ang ingay nila eh tinitigan ko siya ng matalim sabay sabing "Tigilan mo ko Marcus, umagang umaga ka."
Si Marcus, siguro dahil nagulat ay biglang bumitaw sa pagkakaakbay at tahimik lang na tumitig sa akin. Ganoon din yung iba ko pang mga kaklase. Siguro hindi sila sanay, o baka dahil takot din sila sa akin. Ewan. Sayang talaga at wala dito sina Andrew, Chino at Kenneth. Yung tatlong kupal na yun. Siguro sila, ang saya saya nila sa bago nilang school. May bago na naman silang paghahasikan ng lagim.
Pumwesto ako sa pinakalikod na upuan. Yung pinakamalapit sa bintana. Itinaas ko ang isa kong paa at iginala ko ang paningin ko sa paligid. Ikukundisyon ko na ang sarili ko na iyon ang magiging pwesto ko sa buong taon. Maganda kasi sa likod, mas madali kong magagawa ang mga gusto ko. Mas madaling kumain, matulog, at mangopya. Mas madaling mangtrip. Mas madaling makipagkwentuhan sa katabi na hindi agad mahahalata ng teacher.
BINABASA MO ANG
Two Roads
Teen FictionTwo young boys, two different lives, two hearts, one poignant story. 2013