Jeruel
Ilang araw pagkatapos nun, bumuhos ang malakas na ulan. Ayoko talaga ng ulan, maging noong bata pa ako. Kapag kasi umuulan, madalas nawawalan kami ng pasok. Nalulungkot ako dati, dahil ayokong ayoko na mawalan ng pasok dahil ayokong hindi ako nag-aaral.
Signal number 2 sa lalawigan namin, kung kaya suspendido ang klase sa lahat ng antas. Hindi naman ganoon kalakas ang hangin, pero hindi tumitigil ang buhos ng ulan. Malungkot akong nakasilip sa bintana habang pinagmamasdan ko ang mga patak ng ulan sa mga halaman namin sa likod ng bahay.
Nakakalungkot dahil walang pasok. Nakakalungkot dahil hindi kami makakapagaral sa araw na iyon. Pero higit sa lahat, malungkot, kasi hindi ko kasama si Benjie. Kamusta kaya siya? Baka nanunuod siya ng VCD ng Tom and Jerry. O baka nagtatampisaw siya sa ulan kasama sila Chino at yung iba pa niyang mga kaibigan.
Maya-maya pay nabulabog kami dahil sa malakas na katok sa pintuan. Agad na tumayo si Jaron at binuksan iyon. At nagulat ako sa sinabi niya.
"Kuya Benjie!"
Dahil doon ay napalingon agad ako sa kinaroroonan ng pinto, at andun nga, nakasuot ng kapote, at may bitbit na stainless na lunch container na may tatlong layers, si Benjie. Ang bestfriend ko!
Tumayo ako at lumapit sa kanya. Ngiting ngiti siya at pati ang singkit niyang mga mata ay nakangiti rin.
"Anong ginagawa mo rito?" nakangiti ko ring tanong.
Lumapit si Nanay at bakas ang tanong sa mga mata.
"Good morning po. Nagluto po kasi si Lola ng sopas. Pinapunta po niya ako dito para bigyan kayo. Tamang tama po, bagay sa panahon."
Inabot ni Benjie kay Nanay ang stainless na baunan at ngumiti sa akin.
"Naku, salamat. Si Aling Consuelo, nagabala pa."
"Naku hindi po, marami po kasi talaga yung niluto niya. Isa pa, naalala ko po si Jerry. Paborito po kasi niya yan."
Lihim akong natuwa. Napakathoughtful naman ng bestfriend ko.
"Tuloy ka muna, Benjamin. Pasensya ka na sa bahay namin ha?"
"Naku, wala pong problema."
Isinalin ni Nanay ang sopas sa isang kaserola at agad na kinuha ni Jiselle ang baunan para hugasan. Inihain ang sopas at sinabayan ng tinapay na binili ni Jaron sa bakery. Pati si Benjie na siyang may dala ng sopas ay pinilit din naming kumain.
Nang matapos kami ay muling ngumiti sa akin si Benjie.
"May surpresa ako para sayo."Tumayo siya at tinungo ang pinto. Sumunod ako pati na rin ang mga kapatid ko. At nagulat ako. Hindi iisang bike lang ang nakaparada sa tapat ng bahay namin. Naroon, bukod sa kulay pula niyang bike, ang isang kasing laki pero kulay green na bike.
"Pinadalan kasi ako ni Daddy ng bago. Kaya naisip ko, ibibigay ko na lang sa bestfriend ko itong dati kong bike."
Gulat na gulat ako sa narinig. Pati ang mga kapatid ko ay nanlaki rin ang mga mata. "S-Seryoso ka, Benjie?"
"Oo naman! Bakit hindi? Aanhin ko ang dalawang bike? Hindi ko naman kayang sakyan sila parehas ng magkasabay."
Tumawa siya at nagulat ako na pati sila Jaron at Jiselle ay nakitawa rin.
"Kuya Benjie, pwede rin ba akong humiram kay Kuya Jerry?"
"Oo naman, Jaron. Tuturuan ka namin. Para pag nagkaroon ako ng isa pang bike, ikaw naman ang bibigyan ko."
"Yehey!"
"Paano naman ako?" si Jiselle.
"Ate, hindi bagay sa babae ang nagbabike. Panglalaki lang yun. Ang pangit pag nagbike ang babae. Nakabukaka kasi."
Natawa kami ni Benjie sa sinabi ni Jaron.
BINABASA MO ANG
Two Roads
Teen FictionTwo young boys, two different lives, two hearts, one poignant story. 2013