Jeruel
"Good morning Manong Jaime."
Binati ko yung mabait na ginoo na siyang guard ng school na pinapasukan ko. Ganoon din ang ginawa nila Jiselle at Jaron."O, good morning din, Jeruel. Nakasimangot ka yata? May problema ba?"
"Naku wala po. Manong Jaime, tama po ba yung nakita ko? Si Arevalo, dito ulit?"
"Oo anak. Kadadaan lang niya. Akala ko pa naman magiging tahimik na ang school natin ngayong taon."
Napailing na lang ako. Pareho kami ng iniisip ni Manong Jaime. At sigurado ako, marami pang tulad namin ang nakakaramdam ng ganoon. Hindi ko lubos maisip bakit tinanggap ulit ang lalaking yun dito pagkatapos ng lahat.
"Sige po, Manong Jaime. Male-late na po kami. Wag po kayong papagutom ha?"
Inihatid ko na si Jaron sa classroom niya. Sa pinakababa ang mga First Year. Pagkatapos ay umakyat na kami ni Jiselle at siya naman ang inihatid ko ng tanaw habang papasok siya sa classroom niya sa second floor. Habang mag-isa kong binabaybay ang hagdan papunta sa third floor kung saan naroon ang classroom ng mga Fourth Year ay naisip ko na naman ang nakakainis na katotohanan na ang lider ng mga bully sa SJKA, naroon, at magiging kaklase ko. Hindi ko matanggap.
Dahil doon ay hindi ko napansin na masyado na palang seryoso ang mukha ko, hanggang sa sapitin ko yung pintuan namin.
"Hi Jeruel!" Malakas na bati ni Vanessa, isa sa mga kaibigan ko mula pa noong First Year. Dahil doon ay nagtinginan sa akin ang lahat ng naroon sa classroom.
Napansin ko, hati sa dalawang grupo ang klase. Para bang may invisible wall sa pagitan. Parang hindi pa rin pinagsasama ang dalawang section. Ang dating III-A, nasa unahan, at tahimik na nagkukwentuhan, samantalang ang mga dating III-B, naroon sa likod at panay ang harutan. Ang aga aga naman yata nilang magharutan? Kaya siguro pagdating sa pag-aaral wala na silang kalakas lakas.
Nginitian ko ang mga kaklase ko at muli akong tumingin sa likod, ngunit siniguro kong hindi na ko nakangiti. Tiningnan ko ang mga bagong pakikisamahan ko sa buong taon.
Hanggang dumako ang paningin ko sa lalaking nakaupo sa pinakalikuran at pinakadulong upuan malapit sa bintana. Nakataas pa ang paa na parang nasa bahay.
Parang nagulat siya nang makitang nakatingin ako. Bigla siyang umayos ng upo. Bakit, akala ba niya teacher ako? Nakakatawa. Hindi siguro niya ako kilala.
Bakit kaya may mga estudyanteng mas pinipili pang maupo sa likod ng classroom? Hindi ko maintindihan. Dahil ako, kahit kailan, hindi ko ginusto. Parang ang layo mo sa blackboard, ang layo mo sa teacher, ang layo mo sa lahat. May tendency na hindi mo maririnig ang sinasabi ng teacher mo lalo pa't malaki ang populasyon ng klase. Isa pa, kita mo ang lahat, at marami kang magiging dahilan para maalis ang atensyon mo sa pinagaaralan. Ayoko ng ganoon.
Kaya naman pinili ko yung upuang pinakamalapit sa aisle at sa teacher's table. Gusto ko yun para madaling kumopya sa blackboard at madali ring magtanong sa teacher kung may hindi maintindihan. Isa pa, gusto kong nakatalikod ako sa lahat. Wala akong pakialam kung gaano sila karami sa likod ko, basta ang focus ko, nasa unahan lang. At mabuti na rin na pinili ni Benjamin na umupo sa likod. At least, hindi ako madidistract sa mga pinaggagagawa niya.
Nagring na ang bell at pumasok na sa classroom ang mga kaklase ko. Ang dami pala namin. Bigla kong naramdaman ang init. Tila kulang yata ang electric fan sa dami ng gagamit ng classroom.
Maya maya ay pumasok na rin si Mrs. Tejada. Ang pinakapaborito kong teacher. Siya ang English teacher naming mga section A mula First Year hanggang Third Year at masasabi kong magaling siya. Ang dami dami kong natutunan sa kanya. At ngayon, kung tama ang narinig ko, siya ang magiging class adviser namin. Nakakaexcite. For sure magiging masaya ang buong taon namin.
BINABASA MO ANG
Two Roads
Teen FictionTwo young boys, two different lives, two hearts, one poignant story. 2013