Kabanata 15

686 41 24
                                    

Evangeline Laverde

NAGISING AKO sa dampa kung saan kami nagtago ni Rafael. Hinahabol ko ang sariling hininga nang bumangon sa kama at dagling hinanap ng mga mata ko ang taong ilang araw nang binabagabag ang isipan ko.

Ngunit wala siya.

Inikot ko na ang buong lugar at nang 'di ko siya mamataan kahit saan, nagtungo na lang ako sa kanilang mansiyon kung saan nagkakagulo ang mga tao sa labas.

Kakabog-kabog ang dibdib ko nang lapitan ko sila, may mga mangilan-ngilan ding guardia civil ang nagmamanman sa paligid at nakapalibot sa kanilang tahanan.

At dahil wala pa sa sarili, hindi ko agad na-digest ang nangyayari. Nilapitan ko ang isang babaeng may hawak na abaniko at kinalabit siya. "Excuse me---uh, magandang umaga, ano'ng nangyayari dito?" tanong ko.

"Isang babae raw ang muntikang pumatay sa isa sa mga Valiente," aniya.

"Ano?!" nawala ang antok ko sa katawan nang dahil sa sinabi niya.

Dumiretso ako sa bukana ng mansiyon at laking gulat ko nang tutukan ako ng baril ng dalawang guardia civil na nagbabantay sa malaking gate. Napaatras ako dahil doon.

"Papasukin n'yo ako! Tagapagsilbi nila ako rito!" reklamo ko at pilit na isiniksik ang katawan ko sa kanilang dalawa ngunit hindi sila nagpatinag.

"Koronel!" hiyaw ng isa pang guardia civil. Nakita ko na lang si Lucero na inaayos ang kuwelyo ng uniporme habang papalapit sa amin. "Siya ho ba ang babaeng tinutukoy mo?" sabay turo sa'kin ng guardia civil.

Pinasadahan ako ni Lucero ng tingin mula ulo hanggang paa. Nilingon niya ang tauhan. "Sí. Dalhin n'yo na siya sa bilangguan," aniya.

"ANO?!"

Lalong lumakas ang bulungan ng mga nakiki-usyoso sa paligid. Akmang lalapitan ko si Lucero pero pinigilan ako ng dalawang guardia civil at pinanood ko na lang siya na sumakay sa sariling kabayo saka umalis.

Isinakay ako sa kalesa at hindi na ako nakaalma lalo pa't panay ang pagtutok nila ng baril sa akin. Ilang minuto lang ang inabot at nasa bilangguan na kami kung saan samu't-saring mga tinig ng pagmamakaawa at pagtangis ang narinig ko mula sa mga bilanggo.

Nakagapos ang dalawang kamay ko sa harapan nang dalhin ako ng dalawang guardia civil sa dulong bahagi ng bilangguan. Kinatok nila ang isang pinto ng maliit na silid at nang bumukas iyon ay sumubsob ang mukha ko sa dibdib ni Lucero dahil itinulak ako ng dalawang hinayupak na nagtawanan pa.

Inayos ko agad ang sarili at isinara na ni Lucero ang pinto. Naupo siya sa silya na may mahabang mesa at saka humithit ng tobako.

"Nasaan si Rafael?" panguna kong tanong, "Ano'ng ginawa mo sa kaniya?!"

"Hindi ba't ako dapat ang nagtatanong sa'yo niyan?" buwelta niya. "Ano'ng ginawa mo sa kaniya?"

Napakurap ako. "A-Ano?"

"Bueno, kung magpapanggap ka na tila nakalimot at nawala ang alaala, natagpuan ko kaninang madaling araw si Rafael sa isang dampa na sumusuka ng dugo at halos hindi na makahinga sa paninikip ng dibdib. Batid ko na ikaw ang kasama niya dahil narinig ko ang pagputok ng isang baril kagabi at marahil ay doon kayong nagtago na dalawa," paliwanag niya. "Ngunit ang nakapagtataka ay wala ka sa lugar na 'yon nang maabutan ko siyang halos malalagutan na ng hininga."

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon