Kabanata 32

857 35 48
                                    

Almost 12k words para sa chapter na ito kaya sana po ay magustuhan niyo! Maraming salamat sa mga naghihintay at tumatangkilik sa bawat kabanata ng Amor Prohibido.❤️

-Nicole Anne

••••

Rafael Leonel Valiente

MAG-ISA akong umuwi sa bayan ng San Marquina. Hindi ko maunawaan, ngunit tila inaasahan ko na ang muling pagkawala ni Evangeline.

"Kanina ka pa umiinom, Paeng, nakatitiyak ka ba na maayos lang ang iyong kalagayan?" tanong ni Rosa na inilapag ang panibagong bote ng alak na binili ko.

"Hangga't nakakapagsalita ako, hindi mo kailangang mabahala, Rosa," paliwanag ko. Hindi na lang niya ako pinansin at inabala ang iba pang mga panauhin sa loob ng Panciteria. Samantala, dumako ang atensiyon ko kay Vicentio na masama ang pagkakatingin sa'kin habang hinihilot ang sentido gamit ang kanang kamay.

"Wala tayong masasagot na katanungan sa paglalango ng alak, Paeng." Sita ni Vicentio.

"Ako pa talaga ang papangaralan mo ukol sa pag-inom, Intio," sinalinan ko siya ng isang baso, "uminom tayo, amigo."

"Iinom ako kapag nasagot mo na ang aking katanungan," inusog niya ang baso palayo sa kaniya, "ano ba talaga ang nangyari sa inyo ni Evangeline?"

"Masiyadong komplikado, Intio. Hindi mo maiintindihan, sapagkat maging ako ay hindi ito maunawaan."

Inilapit ni Vicentio ang silya sa akin. "Ganito na lang, maaari mo namang ibulong sa akin kung masiyadong masagwa ang suliranin mo ngayon. Halimbawa, kung aksidente mong nabuntis si Evangeline‒"

"Loko!" binatukan ko siya kaya nagtinginan ang ilang tao sa amin, "hindi ukol doon ang "suliranin" na pinagdaraanan ko. Basta, hangga't kaya ko pang kimkimin, hindi ko muna sasabihin sa'yo."

Inayos ni Vicentio ang buhok na nagulo. "Ako'y nag-aalala lamang para sa'yo. Noong matanggap ko ang iyong liham na kailangan mo ng kaibigan, kagyat akong nagtungo sa nakakayamot na bayang ito."

"Ano ang ibig mong sabihin, Intio?"

"Kun'di ba naman hangal ang ilang guwardiya sibil dito, hinarangan nila ako sa bukana ng San Marquina at pinagbintangan na isang espiya," itinuro niya ang mukha habang napapailing, "sa hitsura kong ito? Espiya? Que imposible!"

Natawa ako saka, muling sumimsim sa iniinom na alak. "At ano ang sinabi mo sa kanila?"

""Mga tanga! Isa akong De la Vega!" hiyaw ng aking kaibigan habang nakataas pa ang isang kamay. Muling napatingin ang mga tao sa'ming paligid na batid kong hinuhusgahan na kami. "Hindi yata nila batid ang yaman at impluwensiya ng aming pamilya. Ayon nga lang, naroon din ang pamilya Montemayor na siyang aming katunggali."

"Huwag mo masiyadong nilululong ang iyong sarili sa pakikipagtunggali sa pamilyang yaon," tugon ko. "Batid naman natin na hindi ka mananalo kay Don Montemayor."

"Sandali, inilalayo mo na yata ang usapan," inakbayan ako ni Vicentio, "ano ba talaga ang nangyayari sa'yo, kaibigan?"

"Maraming salamat sa pagsama sa akin ngayon, Intio," tumindig na ako't iniayos ang sarili. "Wala ka mang nakuhang kasagutan sa akin, pinapahalagahan ko ang iyong pagpunta rito," hinanap ng mga mata ko si Rosa. "Rosa, halika muna rito." Pagyaya ko.

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon