Kabanata 26

639 34 9
                                    

Evangeline Aurelia Laverde

MADIIN ANG pagkakahawak ko sa manibela habang bumubuhos ang malakas na ulan. Hindi ko matandaan kung bakit nandito ako sa loob ng isang sasakyan. Ang alam ko lang, nagkakagulo ang mga tao sa labas.

Nanginginig kong iniangat ang isa kong kamay para kapain ang mainit na likidong tumutulo sa sentido ko.

Dugo. Napakaraming dugo.

Walang kurap na tinignan ko ang kamay ko na nababalot ng dugo. Nabibingi na ako sa lakas ng ulan ngunit mas nabibingi ako sa lakas ng pagtibok ng aking puso.

Napaigtad ako sa babaeng humampas sa hood ng sasakyan. "Hoy! Bumaba ka riyan na babae ka!" bulyaw nito. Noong hindi ako tumalima, pinaghahampas niya ang bintana at paulit-ulit ako na sinilip mula sa loob.

Kahit nangangatal ang buong katawan, bumaba ako ng sasakyan para makita ang pinagkakaguluhan ng madla. Natutop ko ang bibig nang makita ko ang isang matandang lalaki na nakabulagta sa sahig. Duguan ang kaniyang katawan lalo na ang kaniyang mukha.

"'Wag na 'wag mong tatakbuhan 'yang matanda, kung ayaw mong ipakulong kita!"

"Nako, himas rehas ka, Neng!"

"Ka-babaeng tao, hindi maingat sa pagmamaneho."

"Tsk, tsk. Wala na. Bago pa umabot ang ambulansya, patay na ang matandang 'to. Kawawa naman."

Ilan lang 'yon sa mga narinig kong komento ng mga tao sa paligid ko. Pero hindi ako makakilos nang maayos. Hindi ako makagalaw. Tinatanggi kong paniwalaan na totoo itong nakikita ko.

Nananaginip ba ako? Bakit bumalik ako sa pangyayaring ito?

Sa lahat ng kinakatakutan kong balikan, dito ako dinala ng kapalaran--pabalik sa nakaraan na pilit kong tinatakasan.

At kung ito man ay isang pagkakataon para mabago ko ang pagkakamali ko, tatanggapin ko ito.

Naging bingi ako sa mga bintang na itinatapon sa akin. Nakatingin lang ako sa matandang lalaki na pinapalibutan nila. Sa kabila ng pangamba ko, sinikap ko ang lumuhod sa tabi niya para matiyak na buhay pa siya.

Una kong hinawakan ang pulso niya at sumunod naman ay idinikit ko ang tainga ko sa dibdib niya. Tumitibok pa ang puso niya.

"Miss, huwag mo na muna siyang lapitan. Tumawag naman na ako ng ambulansya.." babala ng isang lalaki sa'kin.

Kinapa ko ang bulsa ng matandang lalaki kung sakaling may laman iyong wallet o kahit na anong I.D para makatulong iyon sa pagkakakilanlan niya. Sa ganoong paraan, alam ko kung saan siya hahanapin at alam ko kung paano ko malalapitan ang pamilya niya.

Bahagya kong naramdaman ang paggalaw ng kamay niya kaya nabuhayan ako ng loob. Lalo kong nilapitan ang matanda at hinawakan siya sa pisngi ngunit isang lalaki ang humila sa'kin palayo sa kaniya.

Dulot ng panghihina, bumagsak ang katawan ko sa malamig na semento. Bumalik ang lalaking humila sa'kin papunta sa matanda at siya naman ang lumuhod sa tabi nito. Hindi ko siya makita gawa ng nakatalikod siya sa akin at mas dumadami ang pumapalibot sa kaawa-awang matanda na nabangga ko.

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon