Kabanata 29

774 37 26
                                    


•••••

Evangeline Aurelia Laverde

Gusto ko nang magpakain sa lupa nang mga sandaling ito.

Napatingin sa akin si Lucero, at napatingin naman ako kay Rafael. Pare-parehas kaming walang maibulalas na salita.

Iniwas ni Lucero ang kamay na hawak ni Cristina. "Hindi sa akin 'yang dinadala mo," mapait niyang bigkas.

Tinapunan ko siya ng masamang tingin. Hindi ako makapaniwala na magagawa niyang sabihin iyon.

"Ginoong Lucero, ikaw lamang ang nakasama ko noong—"

Nilapitan ni Lucero si Cristina. "Naririnig mo ba ang sarili mo, Cristina? Batid ko ang ginagawa ko noong gabing iyon, kaya tiyak ako na wala akong kinalaman kung anuman 'yang kalagayan mo ngayon."

Noong kumurap si Cristina, tumulo ang luha sa kaniyang pisngi. "Nagagawa mo lamang sabihin iyan 'pagkat nandito si Evangeline." Mariin niyang tugon.

"Huwag mong idadawit ang taong walang kinalaman sa kamalian mo." Ani Lucero.

"May katotohanan naman ang aking pahayag. Noong gabi na may nangyari sa atin, batid ko na si Evangeline ang nasa isipan mo. Noon pa man, nais mo na siyang angkinin ngunit hindi iyon nangyari dahil si Rafael ang kaniyang iniibig..."

Lalo akong nahilo sa mga narinig mula kay Cristina. Kumuyom ang kamay ni Lucero, at nanatili namang tahimik si Rafael.

Tinignan ako ni Cristina. "At ikaw, pilit kong inintindi ang naging ugnayan ninyo ni Leonel, ngunit kahit ano'ng pilit ko, hindi ko pa rin matanggap ang mga nangyari. Palagi kong kinikimkim ang pag-ibig na dapat ay sa akin, palagi akong umaasa na may makakakita sa akin bilang isang babae na karapat-dapat ding mahalin."

Hinimas niya ang tiyan, saka dumako ang balintataw kay Lucero. "Isang kahihiyan man ito kung aminin, ngunit nagkaro'n ako ng pagsinta sa'yo mula noong may mangyari sa atin, kaya naman, labis akong nasaktan noong nagawa mo akong iwan sa simbahan para sa kaniya," idinuro ako ni Cristina at nagitla ako noong sinampal niya ako sa pisngi. "Sobra kang makasarili, Evangeline! Inagaw mo ang lahat ng bagay na maaaring maging sa akin, ipinagdamot mo ang karapatan ko na magmahal dahil ikaw lang ang palagi nilang nakikita!"

Itinulak niya ako hanggang sa bumagsak ang katawan ko sa lupa. Hindi ako bumangon at hindi rin ako nagsalita. Pakiramdam ko, nararapat lang ang ginawa niyang 'yon.

"Magsama-sama kayong lahat! Binigyan n'yo ako ng isang kaarawan na hindi ko malilimutan." Mapait na sinabi ni Cristina. Nilisan na niya ang hardin at naiwan kaming tatlo na hindi maka-imik.

Nakita ko na lang ang isang kamay na nakahalad sa harapan ko. "Ev," kalmado ang boses ni Rafael na hindi ko inaasahan, "tumayo ka riyan."

Ipinilig ko ang ulo ko. Ayaw ko. Hindi ko siya kayang harapin.

Noong hindi ako sumunod, lumuhod siya at lumebel sa akin. "Tumayo ka na, iuuwi na kita." Aniya. "Hindi magandang tignan na nakasalampak sa damuhan ang isang babaeng kagaya mo."

"B-Bakit mo ako tinutulungan? Matapos ang nakita mo...bakit nagagawa mo pa rin akong harapin?"

Inialis niya ang ilang hibla ng buhok ko na nakaharang sa mukha. Hinaplos niya ang magkabilang pisngi ko. "Dahil mahal kita, Evangeline. Kaya kong patawarin at intindihin ang lahat, huwag ka lamang masaktan." Aniya.

Kahit masakit at magulo ang lahat ng nangyari, ang marinig mula kay Rafael na mahal niya ako ay sapat para lumundag ang puso ko.

"Kung gano'n..." hinaplos ko ang dalawa niyang kamay, "ilayo mo ako sa lugar na 'to. Kahit sa'n ka magpunta, sasama ako sa'yo, Rafael."

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon