Kabanata 30

608 38 28
                                    






Evangeline Aurelia Laverde


"O ito, pampainit ng tiyan." Inilapag ni Samuel sa harapan ko ang isang mug na may lamang mainit na gatas. Matapos ang pangyayari kanina, niyaya niya ako na mag-stay muna sa condo niya.

"Thank you," mahina kong sinabi saka, dahan-dahang tinikman 'yong inumin.

Pumwesto siya sa harap ko at pinagmasdan lang niya ako habang inuubos ang inihanda niyang pagkain. Naikuwento ko na sa kaniya ang lahat ng pangyayari: mula sa paglalakbay ko sa Bayan ng San Marquina hanggang kay Nathaniel na nagpapanggap bilang isang mabuting tao.

"Bakit ganiyan ka makatingin?" pinunasan ko ang gilid ng bibig ko.

"Hindi lang ako makapaniwala na buhay ka pa matapos ng mga kalokohan mo." Tugon niya.

Napabuntong-hininga ako. "Lahat naman siguro tayo, gagawin ang lahat para sa pagmamahal."

"Pero dapat alam mo rin kung kailan ka hihinto," uminom siya sa alak na nasa mesa.

"Ikaw ba, Samuel, nagmahal ka na ba?"

Pagkatanong ko no'n ay umiwas siya ng tingin. Mas lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa bote ng alak.

"Yes," tuwiran niyang sagot. "I met a girl once. In my dreams."

Napakurap ako nang ilang beses. "P-Parang 'yong nangyayari sa akin?" usisa ko. "Teka, hindi mo pa naikukuwento lahat kung bakit may alam ka tungkol sa bayan ng San Marquina."

"Oo, kagaya ng nangyayari sa'yo. At ayaw ko nang balikan o maalala pa ang mga pangyayari sa bayan na 'yon, gusto ko na lang maniwala na hindi totoo ang mga nangyari doon."

"Pero alam mo na totoo ang lahat, Samuel, totoo ang mga taong nakasalamuha natin doon...alam ko na mahirap sagutin para sa'yo 'to, pero ano pa ang nalalaman mo tungkol sa panaginip na 'yon?"

Mas malalim ang isinukli niyang pagbuntong-hininga. "Bago ako mapunta sa bayan na 'yon, naaalala ko na nagpakalasing ako dahil nawalan ako ng trabaho. Lugmok na lugmok ako noon hanggang sa hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako sa gilid ng kalsada..."

Nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Nagising na lang ako na nasa isang gubat. Tinawid ko ang mahabang tulay hanggang sa marating ko ang mga kabahayan. Sumunod no'n, narinig ko ang malalakas na tambol, senyales na may nagaganap na pagdiriwang. Noong una, ayaw ko pang maniwala sa nakikita ko. Na baka nga napunta ako sa makalumang panahon...pero sa t'wing mananaginip ako, palagi akong bumabalik sa bayan na 'yon."

"Kaya pala sinabi mo sa akin na nangyari na sayo ang lahat ng nangyari sa akin.." tugon ko. "At ang ibig sabihin no'n, kilala mo si Rafael?" Tumango siya. "Si Lucero?" tanong ko.

"Kilalang-kilala ko," seryoso niyang saad.

"Kung gano'n, ano ang naging papel mo sa bayang iyon? ano ang mga ginawa mo at paano ang pakikutungo nila sa'yo?"

"Hindi na mahalaga 'yon. Basta ang alam ko, isang araw, hindi na ako nakabalik sa lugar na 'yon. Hindi ko na nalaman pa kung ano na ang nangyari sa mga taong nandoon. Pero sigurado ako sa isang bagay, Evangeline, na isinumpa ang bayang iyon at malapit nang dumating ang katapusan ng San Marquina."

"K-Kung totoo ang sinasabi mo, kailangang may gawin ako." usal ko.

"Hindi naman siguro mahirap intindihin na wala ka nang magagawa para baguhin ang takbo ng kapalaran nila." Seryosong saad ni Samuel. Nang mga sandaling ito, hindi ako nakatugon agad dahil ramdam ko na totoo ang sinasabi niya.

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon