Kabanata 18

502 33 4
                                    

Kabanata 18

Rafael Leonel Valiente

Bigla na lang naglaho si Evangeline sa harap ko.

Ramdam na ramdam ko pa rin ang mainit niyang labi na dumampi sa'kin, ngunit noong idilat ko ang aking mga mata, tanging malakas na hangin lang ang sumalubong.

Nasaan ka na naman, Evangeline?

Napahawak ako sa labi ko na hinalikan niya. Napakurap ako nang ilang beses no'ng mapagtanto ko na ang mahinhin na si Evangeline ay magagawa ang ganoong kapusukan. Gusto kong ngumiti ngunit hindi ito ang tamang pagkakataon para gawin iyon.

Napalingon ako sa paligid. Gaya ng inaasahan, wala siya.

Noong una ay pinaniniwalaan ko pa na may kinakatagpo siyang nobyo kung kaya't basta-basta na lang siyang nawawala nang walang dahilan. Pero ngayon, unti-unti na 'kong naniniwala na may iba pang dahilan sa likod ng sunod-sunod na pagkawala ni Evangeline.

"Nawa'y mapatawad mo ako," sambit ko sa sarili at sa kaniya dahil sa naisipan kong gawin.

Buong gabi kong hinalughog ang mga gamit niya sa loob ng maliit na dampang ito. Naghanap at naghanap ako ng bagay na maaaring makapagbigay ng kasagutan sa katanungan na bumabagabag sa akin—ano ba talaga ang meron kay Evangeline?

Sa kalagitnaan ng paghahanap ko, gumugulo naman ang isipan ko nang dahil sa halik na iyon. Kaibigan lamang ang turing ko kay Evangeline, ngunit magsisinungaling ako sa sarili ko kung hindi ko aaminin na nagbabago na rin ang turing ko na iyon sa kaniya.

Napailing na lang ako at inisip na kailangan kong ituon ang atensiyon ko sa ginagawa ko. Bawat bagay na ginugulo ko ay ibinabalik ko rin sa ayos. Ayaw ko namang datnan ni Evangeline ang tahanan niya na magulo ang hitsura.

Sa ilang oras kong paghahanap ay bigo ako. Umaasa ako na makakakita ako ng isang talaarawan man lang mula sa kaniya ngunit, wala. Halos lahat ng babaeng nakasalamuha ko ay may itinatagong talaarawan dahil doon nila ibinubuhos ang mga hinanaing nila sa buhay sa pagitan ng mga pahina.

Ngunit pagdating kay Evangeline, tila isa siyang talaarawan na tanging pahina lang ang nakikita subalit walang laman. Walang lihim na ibubunyag at walang kuwento na isisiwalat.

At noong mga sandaling mawawalan na ako ng pag-asa, isang maliit na bagay ang nakita ko sa lapag at yumuko ako para pulutin iyon. Naupo ako sa kama ni Evangeline at sinuri nang maigi ang natagpuan ko.

Isa itong matigas na papel at may nakalagay na mga salita sa wikang Ingles na hindi ko naman maintindihan.

"Isa ba itong sedula?" nagtataka kong itinanong sa sarili habang binabaliktad ang bagay na nakita ko.

Nakalagay ang litrato ni Evangeline sa gitna at sa ibabang parte naman ay ang pangalan niya. Nakapagtataka dahil may kulay ang imahe niya at tila hindi iyon ipinintang obra.

Evangeline Aurelia Laverde

Horizon's Telecommunications

Year 2010

Napahilot na lang ako sa sariling batok. Tanging pangalan lang ni Evangeline ang naiintindihan ko sa mahiwagang bagay na ito. At dahil hindi ko na kaya pang pigilan na alamin ang mga nakasulat dito, tumindig ako at sumilip sa durungawan kung malakas pa rin ba ang ulan. Sa kabutihang palad, tumila na ito.

Naligo ako at nagpalit ng disenteng damit bago umalis. Mabuti na lang at may naiwan akong kaunting damit sa tirahan ni Evangeline. Pagkalabas ko, bigla kong nakita si Mi Amor na kakawag-kawag ang buntot. Binuhat ko siya at pinunasan ng tuyong tuwalya.

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon