Kabanata 9

579 56 29
                                    

Naaalala niyo po ba si Leonardo Valiente mula sa 131 Years? Ang manginginom na ginagawang agahan ang lambanog? Yes po, mga ninuno niya ang bida rito sa nobelang ito. Enjoy reading, everyone!

•••••

Lucero Damario Valiente

HINDI KO maintindihan kung ano'ng nakita ni Rafael sa babaeng iyon para patirahin sa aming tahanan. Hirap ako magtiwala sa mga tao, lalo na sa mga estrangherang basta-basta na lang pumapasok sa buhay namin.

Nasanay ako na kaming dalawa lang ni Rafael sa buhay. At kahit hindi kami magkasundo minsan---sino ba ang niloloko ko? Ni minsan ay hindi kami nagkasundo.

Gayunpaman, araw-araw ko pa ring tinuturuan ang sarili ko na pakisamahan siya. Kahit baliktarin man ang mundo, para kay Ama't Ina, siya pa rin ang kapatid ko.

Anim na taon na rin mula nang mawala ang mga magulang namin dahil lumubog ang sinasakyan nilang barko patungong Maynila. 'Mula noon, ako na ang umatang sa responsibilidad, huwag lang tuluyang mawala ang dignidad at prinsipyo ng aming yumaong magulang.

At si Rafael--si Rafael na walang ginawa kun'di ang magrebelde sa'kin. Kung tutuusin, parehas lang kami ng edad ngunit kung ikukumpara ay tila limang taong gulang ang pag-iisip niya. Hindi kami nagkakasundo sa anumang bagay, hindi kami nagkakaintindihan sa mga desisyon, at higit sa lahat, ni minsan ay hindi niya ako pinakinggan.

Ngunit ganoon na nga siguro si Rafael. Kaya nga siya ang paborito ni Ama ay dahil ganoon siya; masiyahin, magaling makisama, at malaki ang espasyo ng puso kahit sa hindi kilala.

Bata pa man ako ay seryoso na akong tao. Hindi ako 'yong tipong makikisalamuha sa iba at ngingiti-ngiti. Para sa'kin, lahat ay trabaho at kailangan maging disente sa lahat ng oras. Wala akong tiyaga sa romansa, pag-ibig, o kahit na anong kinagigiliwan ng aking kapatid.

Araw ng Linggo ngayon at heto ako ngayon sa himpilan ng sundalo. Kahit nasusulasok na ako sa amoy ng sigarilyo, panay pa rin ang hithit ko rito.

Nilukot ko ang papel na ginuguhitan nang may pumasok na guardia sibil. Hindi ko ipinahalata na nagitla ako sa presensiya niya.

"Wala ka bang pinto sa bahay at hindi ka marunong kumatok?" singhal ko sa kaniya sabay itinapon ang nilukot na papel sa basurahan.

"Paumanhin, Koronel, ngunit tama ka, wala nga kaming pinto sa bahay dahil kurtina lang ang nagsisilbing pinto namin." At may lakas pa siya ng loob maging sarkastiko?

"Ano ang sadya mo rito?" mariin kong itinanong.

"Nasa labas ho at nag-aantay ang Gobernadorcillo." Tugon niya.

"Ano pa'ng hinihintay mo? Papasukin mo. Ahora."

Nagbigay-galang ang tauhan ko at pagka-alis niya ay agad na pumalit si Don Giovanno Bolívar--ang Gobernadorcillo ng bayang ito.

"Magandang tanghali ho," tumindig ako at sumaludo sa kaniya. Pagkatapos, naupo na rin ako.

"Magandang tanghali rin, Hijo." Tugon niya sa akin at naupo sa katapat kong silya. Sinindihan agad niya ang mamahaling pipa na naging dahilan kung bakit halos nabalot ng usok ang aking opisina.

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon