Kabanata 34

456 34 36
                                    





Lucero Damario Valiente


TULUYAN NANG nawala sa katinuan ang gobernadorcillo ng aming bayan. Sinadya ko siya sa kaniyang tahanan, kung saan nadatnan ko siya sa kaniyang opisina na nakasalampak sa sahig. Langong-lango sa alak at halos hindi makausap.

Inagaw ko ang bote ng alak na kaniyang hawak. "Uulitin ko ang aking sinabi. Isang taksil ang pinagkakatiwalaan mo na si Nathaniel, kaya kung mabibigyan mo ako ng impormasyon ukol sa kaniyang pinanggalingan o pagkatao, malaking tulong na iyon upang matunton ko siya."

Ilang segundo bago siya tumindig. Hinarap niya ako. "Kamamatay lamang ng aking anak, hayaan mo na lamang akong magluksa..." malamig nitong saad.

"Don Giovanno, ikaw lamang ang may kakayahan na makasagot ng mga katanungan ko," tugon ko.

"Ano ba ang kinalaman ko kay Nathaniel? Isa lamang siyang indio na nagpakitang gilas sa akin noon sa pagpaplano at taktika pagdating sa labanan. Isa siya sa pinakamatapang na indiong nakilala ko, at tunay na pinagsisisihan ko na humantong ako sa punto na mas ipinagmalaki ko siya kaysa kay Alonzo na siyang napakabuti ng puso. Napakababa ng tingin ko sa aking anak, dahil hindi siya kasing tibay gaya ninyong dalawa ni Nathaniel." Paliwanag niya.

Pilit niyang iniabot ang bote ng alak na hawak ko. Iniwas ko iyon sa kaniya. "Sa sandaling panahon, nakita ko sa inyo ni Nathaniel ang mga katangian na nais kong makita kay Alonzo. Sa kabila ng kabutihan niya bilang isang anak, hindi ko siya tinanggap nang lubusan. Hindi...hindi ko siya iningatan at inalagaan. Isa akong talunan, Ginoong Valiente, kaya marapat ang nadarama kong pagdurusa ngayon. Bumaba na rin ako sa puwesto bilang opisyales ng bayang ito. Batid ko rin ang ginawa mo sa aking unica hija. Wala kang pinagkaiba kay Rafael, Lucero, kaya umalis ka na sa aking paningin. Isa kayong kahihiyan sa bayang ito." Kinuwelyuhan niya ako saka, inambaan ng suntok, ngunit hindi niya iyon natuloy.

"Ipinagkatiwala kita kay Cristina. Dahil kahit alam ko na hindi ka magiging isang mapagmahal na asawa, inakala ko na magiging tapat  ka naman sa kaniya. Panindigan mo ang kalapastanganan mo sa aking anak, at baka sakaling mapatawad pa kita." Aniya.

"Hindi ako ang ama ng dinadala ni Cristina. Maaari mong tanungin ang iyong anak ukol roon." Mariin kong tugon.

Inalog-alog niya ako habang hawak pa rin ako sa kuwelyo. "Sinungaling ka!" bintang nito. "Panindigan mo ang anak ko...bago...bago rin siya mawala sa akin dulot ng kaniyang kapanglawan at pag-iisa." Pagsusumamo niya.

Dahan-dahan niya akong binitawan. Isinandal niya ang sarili sa pader bago muling ibinagsak ang katawan sa sahig.

Itinukod ko ang kanang tuhod sa sahig upang magpantay ang aming mga mata. Ipinatong ko ang kaliwang kamay sa kaniyang balikat. "Nakikiramay ako sa pagkamatay ni Alonzo, Don Giovanno. Tunay ngang isa siyang mabuting tao. At kung iyong ipinagtataka ang aking presensiya, narito ako upang bigyan ng hustisya ang iyong anak."

"Paano mo mabibigyan ng hustisya si Nathaniel?" nanghihina niyang tanong.

"Dahil alam ko kung sino ang kumitil sa kaniyang buhay. Si Nathaniel." Pag-amin ko. "Pinaslang niya rin ang ama ng dinadala ni Cristina, at iyon ay si Estefan, isang tanyag na tulisanes ng bayang ito." Dagdag ko.

Tumulo ang luha sa kaniyang mata. Magkahalong gulat at lungkot ang namayani sa kaniyang balintataw. "Kung gayon, ipagkakatiwala ko sa yaong kamay ang hustisya. Titiyakin ko na mapapawalang-bisa ang ipinataw kong kaparusahan para sa inyo nina Rafael at ng babaeng palagi ninyong kasama. Pero ipangako mo sa akin na gagawin mo ang lahat, makamit lamang ni Alonzo ang katarungan."

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon