Kabanata 33

375 31 0
                                    




Rafael Leonel Valiente






"Maaari n'yo na kaming iwan," atas ni Nathaniel sa kaniyang dalawang tauhan na nakasunod sa amin. Ramdam na ramdam ko ang pagod sa'king katawan mula nang simulan naming lakbayin ang masukal na kagubatan.

At ngayon, nakatayo kami sa harap ng isang magarbong mansiyon na tila iniwan at ipinaubaya na lang sa nakaraan. Sa kabila kasi ng maringal nitong anyo, kapansin-pansin ang sunog sa ilang bahagi ng tahanang ito. Unang tingin pa lang, tila sumisigaw ang lugar na ito ng kapangyarihan, kayamanan, at isang masalimuot na nakaraan.

Hanggang ikatlong palapag ang mansiyon. Marami na akong nakitang mga tahanan na kagaya nito, ngunit ang isang ito ay namumukod-tangi sa lahat.

"Ano ang lugar na ito?" bungad kong tanong kay Nathaniel. Mula nang dakpin ako, hindi ako nagtangkang kausapin siya.

"Malalaman mo," aniya. Inilabas niya ang malaking susi mula sa bulsa bago ipinasok  iyon sa seradura, dagli namang nagbukas ang pinto.

Nang makapasok kami sa loob, sinimulan nang buksan ni Nathaniel ang ilang kandila at sulo upang magkaroon kami ng tanglaw sa napakadilim na lugar na ito. Samantala, nanatiling nakapako ang mga paa ko sa tapat ng malaking hagdan, tulala at pilit nilulutas ang dahilan kung bakit nandito ako.

Isinara at kinandado niya ang pinto, kaya mas lalo kong naramdaman ang pagkakulong kasama ng estrangherong ito.

"Sundan mo lamang ako," aniya. Nauna siyang umakyat ng hagdan at sumunod naman ako sa kaniya. Rinig na rinig ko ang langitngit ng kahoy sa bawat paghakbang ko, at para bang sa anumang minuto ay guguho ito. Una naming nadaanan ang malaki nilang sala kung saan mayro'ng mga mamahaling muebles, hanggang sa marating namin ang silid-kainan na katumbas ng dalawang silid ang laki.

Bumungad sa akin ang obra ng isang pamilya na katapat ng mahabang hapag-kainan. Magkatabi ang mag-asawa at nasa harap naman nila ang dalawang batang lalaki na halos magka-edad lamang. Hindi ko man kilala ang mga taong ito, mababakas na tanyag at respetado sila.

Habang tumatagal ang pagtitig ko sa obra, napayuko ako noong maramdaman kong muli ang pananakit ng ulo. Gayunpaman, pilit kong inayos ang sarili. Hindi ito ang panahon upang maging mahina.

Naramdaman ko ang presensiya ni Nathaniel sa aking tabi. "Sa mga nagdaang taon, maraming mga kuwento ukol sa pamilyang 'yan ang kumalat sa bayang ito. Sa kabila ng mga kuwentong iyon, walang sinuman ang nakaalam sa totoong nangyari sa kanila." Pagsasalaysay niya.

Nilingon ko siya. "Ano ba ang nangyari sa kanila? At ano naman ang ugnayan ko sa'yo at sa pamilyang ito?" tanong ko.

"Wala ka talagang maalala?" usisa niya. "Bueno, maupo ka." Gamit ang isang punyal, pinutol niya ang taling nakagapos sa aking kamay. Naupo naman ako sa kabisera ng hapag. At bago siya pumwesto sa kabilang bahagi nito, nilapagan niya ako ng isang tasa sa harap ko't sinalinan ito ng tsaa.

Ipinatong niya ang rebolber sa lamesa, bago hinila ang silya at naupo roon. "Sigarilyo?" alok niya, tumanggi naman ako. Sinindihan niya ang tabako at sinimulan nang hithitin ito.

"Sa lahat ng bersyong narinig ko ukol sa pamilyang iyon, isang kuwento ang aking pinakapaborito..."

Hinawakan ko nang mahigpit ang sulok ng lamesa. Hindi ko maunawaan kung bakit nababahala ako sa kung anuman ang mga susunod niyang sasabihin.

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon