Kabanata 37

721 28 19
                                    




Evangeline Aurelia Laverde



MALAMIG ANG simoy ng hangin mula sa kalesang sinasakyan ko. Kasama ko ngayon si Vicentio, na guwapong-guwapo sa suot niyang pulang abrigo. Papunta kami ngayon sa Hacienda Hidalgo, kung saan dadausin ang kaarawan ni Donya Rosario.

"Kung makita siguro ako ni Rosa ngayon, baka hindi niya ako tinigilan buong gabi." Natawa na lang ako bigla sa sinabi niya.

"Kumusta nga pala kayo ni Rosa?" tanong ko.

"Ayon, nabubuhay lamang ang aming pag-iibigan sa pamamagitan ng liham at salita," aniya. "Nais ko nga siyang dalhin dito sa aming bayan, ngunit ayaw naman niyang iwan ang buhay sa San Marquina. Sa katunayan, labis akong nag-aalala para sa kaniya."

Tinapik-tapik ko ang kamay niyang nakapatong sa tuhod. "Magiging maayos din ang lahat," paniniguro ko.

"Salamat, Binibini," nakangiti niyang sambit. "Maiba ang ating usapan, kumusta kayo ni Ginoong Lucero?"

Napaiwas ako ng tingin.

"Aba, Evangeline, huwag mong iwasan ang aking katanungan." Ginamit ni Vicentio ang hintuturo para hawakan ang baba ko, kung saan dahan-dahan niyang iniharap ang mukha ko sa kaniya.

"Wala namang 'kami' para kumustahin mo," depensa ko. "Isa pa, hindi ko naman talaga sinasadyang kitain siya kagabi. Nataon lang na nandoon siya noong..."

"Noong?"

Iwinasiwas ko ang kamay. "Basta. Kung anuman ang meron sa amin ni Lucero ngayon, ayaw ko munang pangunahan. Alam mo na, mahirap hulaan ang isip niya minsan."

"Subalit may nararamdaman ka na para sa kaniya, hindi ba?"

Tumango lang ako bilang sagot. Sa totoo lang, natatakot ako. Natatakot ako sa posibleng maging reaksiyon ni Vicentio, dahil alam ko na matalik niyang kaibigan si Rafael at ayaw kong isipin niya na isinawalang bahala ko ang nararamdaman ng kaniyang kaibigan na ngayon ay hindi namin alam ang kinaroroonan.

"Sa wakas, inamin mo na rin sa iyong sarili ang totoo mong nararamdaman. Hindi naman mapagkakaila na matagal mo nang ninanais ang hambog na iyon."

Iniangat ko ang mukha para tingnan siya. "M-Matagal?"

"Oo, walang duda sa akin na kapwa n'yo itinatago ang nararamdaman para sa isa't isa. Hindi ko lamang masabi iyon nang tahasan kay Paeng, dahil maaaring mali ako, pero ngayong gabi ay napatunayan ko na kailanman ay hindi talaga ako nagkakamali."

"Sus, ang yabang talaga." Inirapan ko siya.

"Malapit na pala tayo," aniya. "Si Lucero? Susunod ba sa atin?"

Tumango ako kahit wala naman akong kasiguraduhan. "Oo raw, kailangan lang daw niya magpahinga sa tinutuluyan niya."

No'ng tumigil ang kalesa, pinasalamatan ni Vicentio ang kutsero na binigyan niya ng ilang pilak.  "Maraming salamat po, Mang Rene. Dadaan ako sa inyo bukas para handugan ng pagkain ang inyong pamilya. Mag-iingat po kayo pauwi."

Nakangiting napatitig ako kay Vicentio habang kumakaway sa papalayong kutsero. Nang lumingon siya sa'kin ay nagkasalubong ang kilay niya. "Bakit ganiyan ka makatitig? Maghunos-dili ka, Evangeline. Hindi ka puwedeng mahulog sa kagaya ko."

Hinampas ko siya sa braso, kaya napahawak siya ro'n. "Asa ka naman! Natutuwa lang ako sa kabaitan mo," wika ko.

"Nagsisisi ka na ba na si Lucero ang inibig mo?" natatawa niyang pang-uusisa.

"Ewan ko sa'yo."

Inialok niya ang braso sa akin na siyang hinawakan ko naman. Nasa bukana pa lang kami ng hacienda ng mga Hidalgo, tanaw ko na ang maliwanag nilang tahanan na hanggang ikatlong palapag. Malawak ang kanilang hardin kung saan makikita sa gitnang bahagi ang isang malaking fountain na may rebulto ng mga anghel. Habang naglalakad kami ni Vicentio sa kanilang hardin, nangingibabaw ang amoy ng sampaguita sa paligid. Kapansin-pansin din ang maraming puno na nagbibigay ng sariwang hangin sa lugar.

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon