Kabanata 21

506 39 8
                                    


Evangeline Laverde


HABANG NASA gitna ng lansangan, bumuhos ang napakalakas na ulan. Sa kabila ng malakas na pag-ihip na hangin at malabong daan na tatahakin, hindi natinag si Lucero.

Hindi ko mabilang kung ilang minuto naming binaybay ang delikado at maputik na daan. Nang pahintuin niya ang kabayo sa talahiban, hinila niya ako pababa kasama siya.

Gamit ang dalawang kamay, tinulak ko siya sa dibdib. "Nababaliw ka na!" hiyaw ko. Ngayon ko lang naramdaman ang ganitong katinding galit para sa isang tao. "Hindi mo na talaga ako binigyan ng katahimikan sa lugar na ito, ano? Hangga't kaya mo, ginagawa mong impyerno ang buhay ko!!"

"At ano sa tingin mo ang ginagawa mo sa akin? Sa amin?" singhal niya. Napahawi siya sa basang buhok at bahagyang lumapit sa akin. Hinawakan niya nang mahigpit ang braso ko at hinila ako palapit sa kaniya. "Paanong nangyari na tayong tatlo lang ang nakakarinig ng kampana?"

"Hindi ko alam ang isasagot ko sa'yo!"

"Sabihin mo sa akin ang totoo," lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa braso ko, "At ipapangako ko na hinding-hindi na magtatagpo ang mga landas natin."

Napatingin ako sa bahaging 'yon ng katawan ko na hawak niya ngayon. Habang hindi siya nakakakuha ng sagot, lalong humihigpit ang pagkakahawak niya roon.

"N-Nasasaktan ako, Lucero." Hindi ko alam kung narinig niya ang sinabi ko dahil nangingiyak na ako.

Naramdaman ko ang pagluwag ng pagkakahawak niya sa akin, pero ramdam ko pa rin ang init ng palad niya sa pulsuhan ko. Napatingin ako sa kamay niya at sumunod naman ay sa mga mata niya.

"Si Rafael ang dahilan kung bakit ako nandito," usal ko. "Siya at siya lang ang babalikan ko sa lugar na ito."

Humakbang siya nang isang beses palapit sa'kin habang hawak pa rin ako. "Ganiyan na ba karupok ang mga babae ngayon? Nakukuha lang sa isang ngiti, sa isang sulyap, at sa isang halik?"

Namilog ang mga mata ko. Paano niya nalaman ang tungkol sa halik na 'yon?

"At ganiyan ba ang mga lalaki sa panahon na ito? Nanghihina at nadadala nang dahil lang sa presensiya ng isang babae?"

"Kailanman ay hindi ako nanghina o nadala para lang sa isang babae, Evangeline." Binitawan na niya 'yong pulsuhan ko saka, umatras nang bahagya sa'kin. "Kahit sa'yo pa."

"Pakawalan mo na ako, Lucero." Umiling-iling ako at pinunasan ang basang mukha nang dahil sa ulan. "Ayaw kong nalalapit ka sa akin. Ayaw ko sa buong presensiya mo."

"Marahil ay nakuha ka na ni Rafael kaya ganoon na lang ang pagsinta mo sa kaniya."

"Ano'ng—"

"Batid mo ba ang ginagawa ni Rafael sa mga babaeng nakukuha niya? Iniiwan."

"At ano naman sa'yo kung nakuha na niya ako?" panunudyo ko. "Ganoon din naman ang ginawa mo kay Cristina." Alam ko ang pangyayaring iyon dahil bago ko puntahan si Rafael tatlong araw ang makalipas, una kong nakasalamuha si Cristina na inamin ang lahat sa akin.

Sa sinabi kong 'yon, nakita ko ang nag-aalab na galit sa mga mata ni Lucero at hindi ko namalayan na marahas niya akong isinandal sa puno.

"Ulitin mo ang sinabi mo.." paninindak niya sa akin. Ang boses niya'y malalim at mariin. Muling bumalik ang kamay niya sa pulso ko at tiyak ako na namamasa na ang bahaging 'yon ng katawan ko.

Hindi ko nagugustuhan kung gaano siya kalapit sa'kin ngayon. Ramdam ko ang init ng hininga niyang humahaplos sa aking leeg, batid ko ang galit na pinagsasaluhan namin ngayon.

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon