Kabanata 23

521 37 5
                                    

Evangeline Aurelia Laverde

HINDI NAMAN na ako nakatanggi sa pagyaya sa akin ni Vicentio. Bukod kasi sa tinulungan niya ako, kailangan ko rin ng kaibigan ngayon.

"Bakit sarado?" Nakapameywang niyang itinanong sa'kin. Nandito kasi kami sa harap ng pansiteria nila Rosa.

Nanliit ang mata ko noong tignan ko siya. "Vicentio, hindi inuman ito. Pansiteria ang lugar na 'to."

Tinignan niya ako sa paraan na parang nang-aasar. "Alam kong pansiteria ito, Binibini, nais ko lang kumain ka bago tayo magpakalango sa alak."

"A, pasensiya naman," napatingin ako sa paligid ng pansiteria, nakapagtataka na sarado ito dahil madalas naman itong bukas. "Wait lang-sandali lang, ha?" sabi ko kay Vicentio saka ako dumungaw sa maliit na uwang sa nakasarang bintana ng lugar.

Noong una, napansin ko lang ang nag-iisang kandila sa loob ng saradong pansiteria, ngunit noong titigan ko ito nang mabuti, nakita ko ang isang babae na nakabaon ang mukha sa braso habang umiiyak sa isang mesa.

"Sino iyon.." mahina kong sambit.

"Sino ang ano?"

"Aray!" naumpog ang ulo ko sa baba ni Vicentio na hindi ko namalayang nasa likuran ko pala at nakikidungaw na rin. Nakakunot ang noo ko noong harapin ko siya. "Ano ba'ng ginagawa mo r'yan?" sita ko.

"Sino ba kasi ang dinudungaw mo roon? Pasilip naman." Hinawakan niya ako sa balikat saka hinawi ang katawan ko paalis ng bintana dahil siya naman ang nakisilip. "Isang babae..at umiiyak siya." Aniya.

Natutop ko ang sariling bibig. "Si Rosa!" sigaw ko.

"Sino si Rosa?" sumandal siya sa bintana at humalukipkip.

"Ako." Kapwa kami nagulantang ni Vicentio dahil lumabas na pala si Rosa. Namumugto ang mga mata niya at mukhang kanina pa siya umiiyak.

Nilapitan ko siya. "Rosa, ano'ng nangyari? Maayos lang ba ang kalagayan ng iyong ama?"

Tumango siya saka pinunasan ang pisngi na may luha. "Maayos lang siya. Sa katunayan, hiniling ko na ipasara muna ang pansiteria dahil kailangan kong magluksa."

Nanlaki ang mata ko. "Magluksa? Sino ang namatay?"

Natawa siya sa paraang malungkot. "Ang puso ko. Namatay iyon mula nang malaman ko ang tungkol kina Rafael at Cristina."

Binigyan ko siya ng makahulugang ngiti. Hindi lang pala ako ang sawi kay Rafael ngayon. Nagulat ako noong niyakap ako ni Rosa nang mahigpit. Hinaplos ko naman siya sa likod para pakalmahin siya kahit papaano. "Gayunpaman, masaya ako na nasa maayos ka na kalagayan. Naulinigan ko ang ginawa sa'yo ni Koronel Lucero." Aniya.

Humiwalay na siya sa pagkakayakap sa'kin. Napatingin siya sa likuran ko. "Sino ang ginoong kasama mo?"

Humakbang palapit sa amin si Vicentio, may nakakalokong ngiti sa kaniyang labi. "Vicentio. Vicentio nga pala, Binibini." Inilahad niya ang kamay kay Rosa at tinanggap naman 'yon ng ikalawa.

"Saan nga pala ang punta ninyong dalawa?" Usisa ni Rosa na nagsalit ang tingin sa amin ni Vicentio.

"Kakain muna sana kami rito bago mag-inuman," prenteng sagot ni Vicentio. Bakas ang pagkagulat sa mata ni Rosa. "Kaso sarado naman pala."

"Inuman ba kamo?" Humalukipkip si Rosa at tumaas ang isang kilay. "Bukas ang pansiteria ko."

Nagkatinginan kami ni Vicentio at kapwa kami napakibit-balikat. Sa huli, niyaya kami ni Rosa na pumasok sa loob ng pansiteria niya, ngunit para sa aming tatlo lang ang lugar na ito ngayon.

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon