Kabanata 31

691 43 33
                                    



••••

Evangeline Aurelia Laverde

KAUNTING liwanag pa lang ang sumisilip sa nakasaradong bintana noong magising ako. Bumangon ako at iniayos ang hinigaan kong kama bago lumabas ng silid pambisita.

Dahan-dahan akong bumaba ng hagdan at napahawak na lang ako sa dibdib noong marinig ko ang isang boses.

"Ganiyan ba talaga ang oras ng iyong gising?" bungad ni Lucero na nakaupo sa sofa. Nakadekuwatro pa siya habang tinitignan ang pocket watch. "Sampung minuto bago mag-ala sais. Gising ng isang alta."

Kumunot ang noo ko. "E di sana, ginising mo ako nang mas maaga. O mas maganda, hindi mo na lang ako pinatuloy rito kung talagang naaabala ka sa paggising ko."

"Heto ang ilang salapi upang hindi ka maging palaboy at palamunin ng bayang ito," inilapag niya sa maliit na mesa ang ilang pera at barya. "Maaari ka nang umalis kung iyong ninanais."

Napaka-harsh talaga nitong magsalita kahit kailan.

Lumapit ako sa kaniya at isa-isang pinulot 'yong pera. Kahit labag sa loob ko, kailangan ko ng pera sa panahong ito.

Dumako ang mga mata ko sa isang bote ng alak na nasa tabi niya. "Ang aga naman yata para sa alkohol," komento ko. "Almusal mo?"

"Ang aga naman yata para sa pakikialam mo," buwelta niya. "Talento mo?"

"Bahala ka sa buhay mo. Malaki ka na." Paalis na sana ako nang biglang may maalala ako. "Oo nga pala, nasaan si Cristina?"

"Wala akong interes na alamin ang kinaroroonan ni Cristina." Malamig niyang tugon.

"P-Pero...magkasama kayo rito kagabi at ipapaalala ko lang sa'yo na nagdadalang-tao siya. Ano'ng nangyari?"

Tinungga niya ang alak na hawak. "Nagkaroon kami ng pagtatalo."

Sa ugali pa lang ni Lucero, hindi na ako magugulat kung nagtalo sila.

"Sana inihatid mo man lang siya pauwi, Lucero, alam mo naman na delikado sa bayang ito ngayon. Hindi mo sana pinairal ang pagiging makasarili mo dahil maselan ngayon ang kondisyon ni Cristina."

"Humayo ka na, Evangeline, at hanapin mo si Rafael. Sa kaniya mo ikuwento ang tungkol sa mga kamalasan ko." Aniya habang nakapako lang ang mga mata sa sahig.

Napabuntong-hininga ako. Naupo ako sa sofa, siniguradong may malaking espasyo sa pagitan namin. "Ano ba talaga ang nangyari?" sinikap kong maging kalmado ang tono ko.

Hindi siya sumagot. "Lucero..." pagtawag ko sa kaniya, "kahit ano pa 'yan, makikinig ako. Hindi kita huhusgahan."

Saka lang niya ako nilingon. "Oh por favor, sa'yo pa talaga nagmula ang pahayag na iyan." Binigyan niya ako ng sarkastikong ngiti.

"Puwede bang mag-usap tayo na parang mga disenteng tao kahit ngayon lang, Lucero? Kahit ngayon lang."

Siya naman ang napabuntong-hininga. "Bueno, ano ba talaga ang nais mong malaman nang sa gayon ay mawala ka na sa aking paningin?"

"Kung ano ang nangyari sa inyo ni Cristina at kung bakit parang lugmok na lugmok ka riyan."

Nilaro niya ang pocket watch na hawak, itinuon niya ang pansin doon.

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon