Kabanata 38

726 31 27
                                    





Napabalikwas ako ng bangon at napahawak sa sentido kong pumipintig sa sakit.

Bakit nasa kagubatan ako?

Inalala ko ang mga nangyari. Parang may kung anong tumusok sa dibdib ko nang maalala ko siya. Si Lucero . . .

Naguguluhan, naglakad ako palayo sa gubat hanggang sa marating ko ang isang pamilyar na tulay.  Sa ibaba nito ay may ilog kung saan naririnig ko ang malakas na agos nito. Tanaw na tanaw rin ang matataas na bundok na dumaragdag sa ganda ng lugar.

Napaaray ako nang maapakan ko ang isang bato habang dahan-dahang tumatawid sa tulay. Yumuko ako para tingnan ang aking paa, at saka ko lang na-realize na nakayapak pala ako.

Dinala ako ng mga paa ko sa kagubatan patungo sa talahiban hanggang sa narating ko ang bahagi ng bayan kung saan maraming tao at kabahayan. Nakahilera sila sa lansangan at nagbubulungan na parang may inaasahan silang darating.

Natigilan ako. Bakit nandito ako sa umpisa ng aking panaginip?

Kung totoong naulit nga ang lahat, ito ang tagpo kung saan magkikita kami ni Rafael habang siya'y natutulog sa duyan.

Nagtago ako sa likod ng isang malaking puno at tahimik na sumilip sa mga nangyayari. Napaigtad ako sa gulat nang biglaang magkakasunod na tumunog ang drum at trumpeta. Nagsimulang magpalakpakan ang mga tao, at sa gitna ng daan, may dalawang lalaking sakay ng kabayo ang pumarada. Bumaba sila sa kabayo at sinimulang bumati sa ilang opisyales na naunang dumating.

Si Lucero.

Natutop ko ang bibig habang nakatingin sa kaniya. Mabilis kong pinunasan ang mga luhang kumawala sa mata ko at muling pinag-isipan kung ano na naman ang nangyayari sa akin.

Sa kalagitnaan ng pakikipag-usap niya sa mga opisyales, biglang may hinanap ang mga mata ni Lucero. At gaya noon, alam ko na si Rafael iyon.
Na-estatwa ako nang biglang bumaling ang tingin niya sa'kin, bagay na hindi nangyari noon. Dahan-dahan niya akong nilapitan, at napaupo naman ako sa lupa dulot ng matinding kaba.

Hindi ko na nais makasalamuha ang mabagsik at walang awang bersyon na ito ni Lucero. Alam ko na hindi magiging kaaya-aya ang mga susunod na mangyayari kapag makita niya ako nang mga sandaling ito.

"Bakit nariyan ka, Aurelia?" Walang kurap akong napatingin sa kaniya. "Tumayo ka riyan, mahal ko. Baka isipin nila na pinababayaan kita." Hinawakan niya ang kamay ko at hinila ako patayo.

"M-Mahal mo?" utal kong itinanong. "Anong . . . anong klaseng panaginip ito?"

Tinanggal niya ang dahon na hindi ko namalayang nasa buhok ko. Sumilay ang matamis na ngiti sa labi niya. "Ngayon ka pa nagduda gayong ilang beses na nating napag-usapan ang pagpapakasal."

Itinuro ko kaming dalawa. "Ikaw? Ako? Kasal?"

Umikot ang mata ni Lucero at natawa na lang. Inakbayan niya ako at iginiya patungo sa mahabang mesa kung saan maraming nakahandang pagkain.

Binigyan niya ako ng isang pandesal. "Mabuti pa at kumain ka na muna." Kinuha ko ang pandesal, pero nanatili akong nakatingin sa kaniya, tulala at halos hindi makapagsalita. "Bakit nagtungo ka mag-isa rito? Hindi ba't sinabi ko na ako ang susundo sa'yo pagkatapos ng aming pagpupulong?"

Muli niyang sunuri ang paligid. "Nasaan na naman ba si Rafael? Tila wala na naman siyang balak na dumalo ng pista."

Hinawakan ko nang mahigpit ang hawak kong tinapay at itinapat ito sa'king puso. Wala sa sarili akong nakatingin sa kawalan habang pinapanood ang mga tao sa paligid ko.

"Aurelia."

Anong kahiwagaan ito? Bakit naulit at nagbago ang lahat?

"Evangeline . . . "

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon