Kabanata 5

661 48 6
                                    

NAPAKAGANDA NG talon kung saan ako dinala ni Rafael. Parang ito 'yung nakikita ko sa mga pelikula at hindi ako makapaniwalang nasa harapan ko na ito ngayon.

Nakaupo kami sa isang malaking bato na malapit sa may tubig. Sa totoo lang, kanina pa daldal nang daldal si Rafael sa kung ano-anong mga nangyari sa buhay niya. Kesyo napapagod na siya sa mga babaeng nagkakagusto sa kaniya, o 'di kaya'y kapag pinagseselosan siya ng mga nobyo nito.

Ako naman ay tahimik lang. Patango-tango at paminsan lang tumutugon sa bawat binibitawan niyang salita. Ewan, takot lang siguro akong mahusgahan oras na magsalita ako...kahit hindi naman siya totoo.

"Ikaw, Evangeline, ano ang kuwento ng buhay mo?" Nilingon niya 'ko at tinignan nang diretso sa mata. "Sino ka ba talaga?"

Napabuntong-hininga ako. Dapat ko bang sabihin sa kaniya ang mga personal na bagay? Hindi ako sanay mag-open ng mga ganito kung kani-kanino.

"Batid ko na mabigat ang dinadala mo," puna niya bigla. Tumingin na siya sa talon at hindi ko maiwasang mamangha sa hitsura niya kahit side view pa ito. "Bibigat 'yan lalo 'pag kinikimkim mo. At isa pa, binibini, mas madaling magsabi ng sikreto sa taong hindi mo gaanong kilala."

"Gaano? Hindi naman talaga kita kilala."

Bahagya siyang tumungo at inilahad ang kanang kamay. "Rafael Leonel Valiente," aniya. Nahihiya ko namang kinamayan siya. "Tandaan mo ang pangalang iyan."

"Sige na nga," wari napipilitan kong sinabi. "Ulila akong lubos. Kinupkop lang ako ng mga madre nang makita nila ako sa labas ng simbahan sa isang probinsiya. Nang tumuntong ako sa tamang edad, sinikap kong mag-aral nang maiigi para makapagtapos ako ng kolehiyo. Pero wala, hindi sumang-ayon ang tadhana sa'kin."

"Pareho lang pala tayo," si Rafael. "Katulad mo, ulila rin ako."

"E si Lucero? Kaano mo siya?"

"Magkapatid kami ngunit hindi ko naman talaga siya kadugo. Sabi ng mga tinuring kong magulang ay natagpuan lang nila ako sa masukal na kagubatan noong limang taong gulang pa lang ako," pagsasalaysay niya. "Hindi raw ako nagsasalita o ano. Hindi ko rin daw maalala ang mga magulang ko, tanging pangalan ko lang ang nasabi ko sa kanila."

Napako ang tingin ko sa damuhan. Nakaramdam ako ng kaunting awa kay Rafael.

"Ngunit 'wag mo 'kong kaawaan, ha? Lahat ng iyon ay nasa nakaraan na." Sabad niya bigla. "Masayang-masaya na ako ngayon sa buhay ko."

"Kung gano'n, bakit hindi kayo magkasundo ni Lucero?" Usisa ko. "Dahil ba kinupkop ka ng mga magulang niya?"

"Sabihin na lang natin na hindi kami sumasang-ayon sa opinyon ng isa't-isa. Siya ang koronel ng bayang ito at isa naman akong kapitan."

"K-Kapitan? Isa ka ring sundalo?"

"Sa kasamaang palad, oo." Sumimangot siya bigla. "Ngunit hindi ako nakikibahagi sa kanila...hindi ko gusto kung paano nila patakbuhin ang pamahalaan sa bayang ito."

"Bakit hindi ka mag-resign? I mean, magbitiw sa tungkulin?"

"Baka makita ako ng taumbayan bilang isang pabayang namumuno sa kanila," tinignan niya ako at muling sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. "Nais ko sanang maging pintor, binibini. Iyon ang pangarap ko."

Tumayo siya bigla sa bato at tinanaw ang tubig. Napaurong naman ako. Tumalon siya pababa ng bato at hinubad ang suot na sapatos.

"Pagpaumanhin mo ang gagawin ko, binibini, ngunit hindi na ako makatiis."

Napalunok ako nang madiin. "A-Ano?"

Dali-daling sinugod ni Rafael ang tubig at inilubog ang katawan doon. "Mierda! Sobrang lamig!" Bulalas niya. "Ang sarap mabuhay, ano, Evangeline?" Nang tignan niya ako ay napaiwas ako ng tingin dahil bumabakat ang katawan nila mula sa puting pang-itaas nito.

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon