Kabanata 16

647 39 17
                                    

••••

Rafael Leonel Valiente

SINALUBONG AKO ni Estefan nang marating ko ang kampo ng mga rebelde. Kakahatid ko lang kay Cristina sa kanilang tahanan at naisipan kong magtungo na lang muna rito.

"Paeng!" aniya at saka ako inakbayan. Inalok niya ako ng isang bote ng alak ngunit tumanggi ako. "Napadalaw ka yata,"

"Kumusta kayo rito?" Tanong ko. Pansin ko na halos lahat ay tulog na at nagpapahinga.

"Ayon, dating gawi. Namumuhay sa paraang hindi tama sa mata ng iba," tugon nito. "Ikaw? Naulinigan ko ang balitang umuwi na si Cristina dito sa Pilipinas."

"Malapit na akong magbitiw sa puwesto bilang opisyales sa bayan na 'to," pag-iiba ko ng usapan.

"Dapat matagal mo nang ginawa 'yan," aniya at naupo sa isang putol na puno. "Saan ka nga pala nagtungo? Malalim na ang gabi. Naghanap ka ba ng parokyana o ano?"

Sumandal ako sa punong katabi niya at humalukipkip. "Hinatid ko si Cristina sa kanila," sagot ko. Napailing na lang ako nang maalala ko ang matalim na titig sa'kin ni Don Giovanno no'ng makita niya ako kanina.

"Buti hindi ka pinukpok ng riple ni Giovanno," natatawang usal ni Estefan na napainom sa hawak na alak.

Napangisi ako. "Muntik na."

Naisalaysay sa akin ni Estefan ang tungkol sa kumalat na balitang nagkasakit daw ako at ilang araw na nanatili sa pagamutan. Maging ang panghuhuli ni Lucero kay Evangeline ay nakuwento niya rin.

"Hindi pa rin ako makapaniwala sa ginawa ni Lucero kay Evangeline," pag-amin ko habang nakatingin sa malayo. "Kun'di lang namin narinig ang putok ng baril ay hindi kami magtutungo sa abandonadong kubo na 'yon at marahil ay hindi siya mapapahamak."

"Putok ng baril ba kamo?" usisa ni Estefan na napatingala sa'kin. "Kailan?"

"Kinabukasan matapos mong sugurin si Lucero sa aming tahanan." Sagot ko. "Mga madaling araw nangyari 'yon."

"Malapit ako sa lugar ninyo noong gabing 'yon, Paeng, walang putok ng baril akong narinig."

"Baka sa'yo nagmula."

"Huwag mo akong sisihin." Aniya. "Hindi ko ipapahamak ang sarili ko nang dahil sa inyong magkapatid."

"Magpasalamat ka na lang at hindi ka pinagtutuunan ng pansin ni Lucero. Nakapagtataka na hindi niya pinapahanap ang taong nanakit sa kaniya," napaisip ako bigla. "Nakahanap ka ba ng papeles na magpapatunay na sa pamilya mo ang bayang ito?"

Ibinaba ko ang tingin kay Estefan. Bigla siyang naging balisa. Napailing siya. "Wala. Tanging mga sulat lang ang natagpuan ko sa silid ni Lucero noong araw na 'yon."

Napansin ko na wala ang suot niyang kuwintas na madalas niyang suot at nakasanayang hinahaplos t'wing walang magawa o malalim ang iniisip. "Nasaan ang kuwintas na palagi mong suot? Ang kuwintas kung saan nakaukit ang pangalang 'Leidyana' na siyang ipinagmamalaki mo?" Tanong ko.

Tumayo siya at hinarap ako...ngunit hindi ang mga mata ko. "Kakasabi ko lang, Paeng, nawala ko. Nahulog kung saan, aba't malay ko kung nasaang impyerno na iyon."

Amor Prohibido (Forbidden Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon