Simula
Lumipat ang tingin ko sa bayong na ipinatong ng kapatid ko sa lamesa. Nagtaas siya ng kilay at binalingan ako. Alam ko na kapag ganito. Bumuntong hininga ako at tamad na tumayo. Agad akong nagbihis pagkatapos ay bumaba na.
Binuhat ko ang bayong at nagpaalam na sa kanya. Nakita ko siyang nasa sofa at nanonood ng cartoon.
"Bye, kuya." tamad kong ani.
"Ingat,"
Sumakay ako ng tricycle at nagpadala sa hacienda. Kakatapos ko lang kumain at dahil mabait ang kuya ko, ako ang inutusan niya para magdala ng pagkain kay papa at mama na nagtratrabaho sa lupain ngayon.
Umiihip ang malakas na hangin kaya sinikop ko ang buhok ko habang naglalakad papasok. Malawak na taniman ng mangga ang unang bubungad pagpasok. Napangiti ako habang pinagmamasdan ang bawat dahon na nagtatagpo at ang sinag ng araw na nagiging dahilan para makagawa ng tila mga bituin.
Pagkatapos kong daanan ang taniman nila ng mangga ay ang kubo sa malayo ang una kong tiningnan. Nakakapagtaka na wala ngayong tao roon. Karaniwan kasi kapag ganitong oras na malapit na silang kumain ay naiipon na sila sa kubo para magpahinga.
Dumiretso ako roon at ipinatong ang bayong. Hinanap ko kaagad sila mama at papa pero walang ligaw na tao maski isa. Ang lawak ng lugar, pakiramdam ko tuloy ako lang ang tao sa mundo.
Nasulyapan ko ang mga kabayo sa malayong kwadra. Kapansin-pansin ang puting matangkad na kabayo na nakakulong doon. Ito ang unang beses na nakita ko ang kabayo. Sa tuwing bumibisita ako ay mga itim lang ang nandito.
Tinakbo ko ang distansya ng kwadra at natanaw nang malapitam ang puting kabayo. Pag-aari ba ito ni Mayor? Nakalinya ang bawat kabayo sa bawat kwarto nila at ang dalawang puting kabayo ay nasa dulo.
Gusto kong haplusin ang buhok nito pero natatakot akong baka makawala ang kabayo. Wala pa naman tao ngayon dito. Nasaan kaya sila?
Sa sobrang laki ng lupain ay kailangan pang sumakay ng truck para maikot ang buong lugar. Siguro ay nasa dulo sila malapit sa lawa. Tinatamad akong lakarin iyon kaya bumalik ako sa kubo at tamad na naghintay.
May pumasok na truck mula sa labas. Bumaba roon si Mang Emil at agad na napatingin sa akin. May dala siyang pagkain na galing sa mansyon.
"Ikaw pala, hija. Para kina mama at papa mo ba 'yang pagkain?"
"Opo, Mang Emil." tumayo ako para lapitan siya, "Tutulongan ko na po kayong magbuhat ng pagkain."
Ang truck ay ginagamit nila para dalhin ang pagkain na niluluto ng mga kasama ni mayor sa kanilang bahay. Araw-araw nila 'yon ginagawa kaya talagang may konsiderasyon si mayor sa kanyang mga trabahador.
"Ay, huwag na, hija. Nandito ngayon ang apo ni Mayor kaya ako na. Baka makita ka pa."
Agaran ang pagtingin ko sa buong paligid, "Nandito? Nasaan? Sinong apo, po?"
Maraming apo si Mayor at lahat ay galing Maynila o sa ibang bansa. Bihira lang bumibisita rito dahil mas gusto nila ang buhay doon. Well, hindi ko sila masisisi. Maraming opportunity sa Manila kaysa rito.
Bilang sagot sa sariling tanong, pumasok pa ang isang malaking truck sa lupain at huminto sa gilid namin. Bumukas iyon at bumaba ang isang lalaking matangkad at maputi. Natigilan ako habang pinagmamasdan ito. Sa tindig pa lang niya halatang hindi basta basta.
Kuminang ang kanyang kwintas nang bumaling sa amin. Bumaba ang tingin niya sa akin. Umawang ang labi ko at napakurap kurap. Siya ang unang pumutol ng tinginan namin at binalingan ang kwadra.
Nilapitan siya ni Mang Emil at may sinabi. Tumango ang lalaki at naglakad papalapit sa kwadra. Agad naman na inilabas ni Mang Emil ang puting kabayo na nilapitan ko kanina.
Kung ganoon maaaring kanya iyon? Kaya ba may puting kabayo sa kwadra?
Hinawakan ng lalaki ang tali at inilabas nang tuluyan ang puting kabayo. Matangkad ang lalaki at matangkad din ang kabayo. Kaunting haplos sa buhok nito at may sinabi na naman siya kay Mang Emil. Tumango si Mang Emil at nagmamadaling nagpunta sa kung saan.
Malayo ang kwadra pero kinabahan ako sa kaisipang maiiwan kaming dalawa rito. Naupo ako sa kubo at nagkunwaring inaayos ang mga pagkain na nasa bayong. Ilang sandali pa ay nakarinig ako ng sigaw niya.
Sinakyan niya ang kabayo at agad na hinila ito sa gusto niyang direksyon. Ang daan tungo sa lawa. Umawang ang labi ko habang pinagmamasdan siya.
Anak ba o apo ni Mayor? Hindi, malalaki na ang anak ni Mayor kaya tingin ko ay apo niya ito. Hindi ko pa masyadong kilala ang mga anak ni Mayor kaya hindi ko rin alam kung kanino itong anak.
Puti ang damit nito pero wala siyang takot na baka madumihan siya sa gagawin. Kung sa bagay, pagbaba ko ng tingin sa kabayo ay nakita itong mas malinis pa tingnan kaysa sa akin.
Isang sulyap sa akin bago niya marahang sinipa ang tiyan ng kabayo. Sinundan ko siya ng tingin habang mabilis ang patakbo niya sa kabayo.
"Hoy!"
Naiwan ang tingin ko sa papalayong lalaki. Naupo naman si Nami sa aking tabi.
"Sinong tinitingnan mo?" tanong niya kaya napilitan akong tingnan siya.
"Wala, apo ni Mayor."
Nanlaki ang mata niya, "Apo ni Mayor?! Nasaan? Nakita mo?"
Tipid akong tumango.
"Totoo?! Grabe ang guwapo no'n!" sinundan niya ng tingin ang tinitingnan ko kanina.
Kumunot ang noo ko at inisip ang mukha no'ng lalaki kanina. May matapang siyang ekspresyon, nang balingan niya ako kanina ay parang mayroon akong ginagawang masama at paparusahan niya ako.
Napalunok ako sa naisip at umiling. Lumalamig na ang pagkain. Kailangan ko na yatang hanapin sila mama para makakain na sila. Alas dose na rin, nasaan ba si Mang Emil?
"Balita sa bayan na mag-aaral na raw 'yon dito. Ewan, nabagot na yata sa kabisera." aniya.
"Totoo?"
"Hindi ko pa nakita ang mukha niya, sa painting lang sa mansyon nila. Unang kita ko pa lang parang gusto ko na ngang halikan!" ngumisi siya.
Tumayo ako at inayos ang suot na damit. Susundan ko na lang 'yong lalaki. Tiyak akong nagtitipon sila ngayon sa lawa.
"Saan ka pupunta?" tumayo si Nami nang nakitang aalis ako.
"Tatawagin ko sila mama."
"Huwag na, nandiyan na si Mang Emil."
Sabay kaming napatingin sa tumatakbong Mang Emil. Mabilis siyang lumapit sa truck at nilabas ang mga pagkain doon. Tinulungan namin siya hanggang sa nakita ko sila mama at papa na papalapit sa kubo pati na rin ang mga kasamahan nila.
Lumagpas ang tingin ko sa lalaking kasama nilang nakakabayo na nasa likod. Pinatakbo nito ang kabayo at ibinalik sa kwadra. Bawat galaw ay sobrang tikas.
"Kita mo na? Kakaiba ang kaguwapuhan niya." bulong ni Nami.
Tumango ako. Tama siya.
BINABASA MO ANG
Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #1