Ang pagbubukas ng klase ang pinagtuonan ko ng pansin nitong nakaraan. Nakaipon ako ng pera galing sa pagtratrabaho sa farm kaya iyon ang ginastos ko para pambili ng notebook at gamit na rin sa school.Ngayong pinili ko ang GAS, hiwalay ako kina Nami, Eunice, at Wendy kaya medyo nahihirapan ako. Kailangan ko pa bumili ng uniform para senior high.
Kagagaling ko lang kanina sa school para magsukat ng uniform. Ngayon naman ay pupunta akong rancho para kay kuya. Kailangan ko siyang dalhan ng pagkain dahil 'yon ang sinabi niya kanina.
Pagod na pagod na ako pero hindi ko siya matanggihan. Galing pa ako ng farm bago ako pumuntang school pero kailangan madalhan ko si kuya ng pagkain dahil alam kong pagod iyon sa dami ng hayop sa rancho.
Pagkatapos makapaghanda sa bahay, pumunta akong farm para tingnan si Renz. Nakita ko siyang nagbubuhat ng mani at nilalagay niya sa gilid gilid.
Nilapitan ko siya at napansin kong pawisan siya at pagod na, "Renz."
Tumigil siya sa ginagawa at hinarap ako habang pinupunasan ang pawis niya, "B-bakit, Autumn?"
"Ah... pwede mo ba akong ihatid sa rancho? Kailangan ko kasing ibigay itong pagkain kay kuya. Kapag naglakad ako baka bukas pa ako makarating."
Nagkamot siya sa kanyang ulo, "Mamaya pa dadating ang isang truck, eh."
"Huh? Sinong nagmaneho?" tanong ko.
"Si Aaron. Pumunta siyang rancho at babalik iyon mamaya rito. Sana inagahan mo para sumabay ka na sa kanya."
Kinagat ko ang labi ko at bagsak ang balikat na tumingin sa paligid. Lumayo na ako kay Renz para ipagpatuloy niya na ang ginagawa. Hinanap ko sila mama at papa pero nasa lawa yata sila dahil hindi ko makita.
"Pero may isa pa palang truck."
Biglang nagliwanag ang paligid nang narinig ko ang sinabi ni Renz. Ngumiti ako at bumaling sa kanya.
"Talaga?"
Tumango siya, "Halika, ihahatid na kita. May isa pa palang truck na nakaparada kanina. Ginamit iyon ng isang apo ni Mayor."
Sinundan ko si Renz habang naglalakad na siya. Nagpaalam ako sa nadadaanan naming abala sa tanim na mani. Sinundan ko lang si Renz hanggang sa nakita na namin ang nakaparadang truck.
Ngumiti ako at nagpasalamat na may truck pa rito. Akala ko mapipilitan akong sumakay ng tricycle papuntang rancho. Sumakay si Renz sa truck at pinaandar na 'yon. Sumakay din ako at isinara ang pinto.
Pareho kaming natigilan ni Renz nang natanaw sa harap ang papasok na isa pang truck na puro putik sa harap. Hindi nakalabas kaagad ang truck na sinasakyan namin ni Renz dahil humarang ang truck na 'yon. Pagbaba ng driver ay natigilan ako nang nakitang si Aaron 'yon.
Naglakad siya papalapit sa amin. Hinampas niya ang salamin ng pinto ni Renz kaya binuksan 'yon ni Renz. Dumapo sa akin ang tingin ni Aaron bago kay Renz.
"Saan kayo pupunta?" malamig niyang tanong.
"Sa rancho, Ron. Sabi ni Autumn, ihatid ko siya kung pwede daw." nahihiyang nagkamot si Renz ng kanyang ulo.
Binalingan ako ni Aaron. Sandali siyang tumitig bago muling tumingin kay Renz.
"Ako na ang maghahatid, Renz. Bumalik ka na sa pagbubuhat." utos niya.
"Sigurado ka?" bumaling si Renz sa akin pagkatapos ay bumalik kay Aaron, "Kagagaling mo lang sa rancho. Babalik ka ulit?"
Tumango si Aaron, "Ihahatid ko lang si Autumn."
Tumawa si Renz sa sinabi ni Aaron, "Ako na, Ron. Hindi naman ito sagabal sa trabaho ko. Magpahinga ka na lang sa kubo ako na ang bahala-"
"Ako na, Renz." ulit ni Aaron sa mariing tono.
Suminghap ako at balak na sana silang pigilan pero nagdadalawang isip na tumango si Renz at pilit na tumawa. Bumaba siya ng truck at si Aaron na ang pumalit.
Si Aaron ang naghatid sa akin sa rancho. Tahimik kaming dalawa sa truck. Lubak lubak ang daan kaya hindi ako mapakali. Pakiramdam ko ano mang oras masisira ang gulong ng truck dahil sa daan.
Pagdating sa rancho naabutan ko silang abalang-abala. Ibang-iba ang rancho sa farm. Ang mga baka dito ay malayang nagtatakbuhan kasama ng ibang mga kabayo. Nakita ko ang kabayong sinakyan ko na inilipat nila dito. Mukha naman itong masaya sa bagong tirahan niya.
Mas marami ang kabayo dito kumpara sa kwadra sa farm. Pati kambing at aso ay naglalaro rin ng habulan.
Nakita ko si kuya na pinapaliguan ang isang kabayo. Nakatingin siya sa akin at sa lalaking nasa likod ko. Seryoso si kuya at medyo suplado ang tingin. Inilapag ko ang bayong sa tabi niya.
"Kompleto na 'yan, kuya. Ayos ka lang ba rito?"
"Si Aaron ang nagdala sa'yo rito?" pag-iignora niya sa tanong ko.
Huminga ako ng malalim, "Nagkataon lang na pupunta siya rito kaya sumabay na rin ako."
"Kakagaling niya lang dito, Autumn." kunot noo niyang sinabi.
"Walang ibang truck kaya ako na ang nagdala sa kanya rito. Babalik din kami pagkatapos niyang maihatid sa'yo ang pagkain." paliwanag ni Aaron.
Umigting ang panga ni kuya at hindi na muling nakapagsalita pa. Bumalik kami ni Aaron sa farm at tahimik ulit na dalawa sa byahe. Binasag niya lang ang katahimikan nang tumikhim siya.
"Kailan ka pupuntang school?" bahagya niya akong binalingan.
"Pumunta na ako kanina. Kumuha ng uniform."
"Hindi mo sinabi." aniya.
"Sorry, hindi ko alam na kailangan pa lang sabihin sa'yo ang bagay na 'yon."
Suminghap siya at ngumisi, "Edi sana sinamahan kita kung sinabi mo. Next time sabihin mo."
Tumango ako at ngumuso, "Okay,"
Pagkatapos ng araw na 'yon naging abala ako sa ibang bagay. Hindi na ako tumulong sa farm dahil ilang araw na lang ay pasukan na. Hindi ko na rin masyadong nakikita si Aaron. Tsaka lang kapag naaabutan ko siya sa tuwing nagdadala ako ng pagkain.
Palagi siyang sumasakay ng kabayo kaya iyon ang ginagawa namin kapag naaabutan ko siya sa farm. Minsan ay tinuturuan niya ako ng tamang pagtatanim.
Pagdating ng pasukan, hindi na talaga kami nagkita pa sa farm. Nagkikita kaming dalawa sa school at sapat na ang tinginan namin para sa akin.
"Hoy! Kayo ba ni Aaron?"
Mabilis akong bumaling kay Nami na mala pusa ngayon ang tingin. Natigilan si Eunice at Wendy at hinintay din ang sagot ko. Nabitawan ko ang straw ng softdrinks at napaubo sa gulat.
"Bakit? Anong mayroon, Nami? May napansin ka ba?" pagtatanong ni Wendy.
"Napapansin ko kasi tinginan ni Aaron at Autumn, eh. Parang may something. Ang landi niyong dalawa sa totoo lang." ismid ni Nami.
"Anong sinasabi mo?" pagmamaang-maangan ko.
"Alam ko ang tingin ni Aaron, girl. Parang sinasabi niyang mapapa sa akin ka rin. Parang ganoon!" saad ni Nami na ikinainit ng pisngi ko.
"Talaga, Nami? Ano pang napapansin mo?" puno ng interes ang mata ni Wendy at mas lumapit pa kay Nami.
Umiling iling ako at tumayo na, mabilis kong kinuha ang bag ko, "Papasok na ako sa next subject. Ingat kayong tatlo."
"Sus, taglagas, pumapag-ibig ka na rin pala, girl!" rinig kong sigaw ni Nami.
"Sana all!" segundo ni Wendy.
Gusto ko silang sabunutan pero pinili kong bilisan ang lakad para makaalis na. May quiz kaya may importante pa akong gagawin.
BINABASA MO ANG
Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #1