Kabanata 21

605 30 2
                                    


"Autumn!" napatingin ako kaagad kay Levi na kinakawayan ako.

Napangiti ako sa kanya. Naibaba ko ang lapis at humalukipkip. Kasama niya ang kabayo at nagpapahabol siya rito. Natawa ako ng malakas nang nakitang muntik na siyang masipa ng kabayo.

Naiwala ko ang pagrereview dahil naaliw ako sa panonood. Namilog ang labi ko nang tumakbo ng mabilis ang kabayo at hinabol iyon ni Levi. Mabilis siyang umangkas sa kabayo habang tumatakbo ito. Nagawa niyang ibalanse ang katawan niya.

Natatawa siyang umikot ikot sa kubo na kinalalagyan ko. Natatawa ko naman siyang pinagmasdan. Natigilan lang ako nang bumaling sa gilid at nakitang seryoso si Aaron habang pinagmamasdan kami.

Naabutan niya ang pagtawa ko kaya umayos ako ng upo. Mabilis kong inabot ang lapis at pinagpatuloy ang pagdrawing sa illustration board. Ilang sandaling pagkukunwari ay tumigil ako at nag-angat ng tingin sa kanya. Nagpatuloy sa pag-ikot ang kabayo ni Levi habang ako naman ay nakatitig kay Aaron.

Naninibago ako sa kanya ngayon. Nitong mga nakaraang araw, napapansin kong hindi niya na naman ako pinapansin. Pinalagpas ko 'yon dahil exam pero pagkatapos ng exam ay doon ko iyon naalala.

"Aaron, paunahan tayo! Sa lawa, pinsan." sigaw ni Levi habang sayang-saya sa pag-ikot sa kubo.

Tumakbo ang kabayo ni Levi tungo sa direksyon ng lawa. Akala ko hindi susunod si Aaron sa kanya dahil nanatili lang itong nakatingin sa akin pero mabilis kinabig ni Aaron ang isang kabayo at umangkas habang tumatakbo ito. Dahil medyo matagalan siya nangunguna si Levi sa kanya.

Napatayo ako at sinundan sila ng tingin hanggang sa maging tuldok na lang sila sa paningin ko. Hindi ko na maaninag kung sino ang nangunguna sa kanilang dalawa.

Napaupo ako at natulala sa berdeng damo. Paano nga ba nasasabi na gusto mo ang isang tao? Ang totoo ay walang basehan. Maikukumpara iyon sa pangyayaring pinapatanong ka kung ano ang gusto mong prutas. Karamihanng prutas ay matamis pero mayroon at mayroong natatanging prutas para sa'yo, at iyon ang gusto mo.

Maraming lalaki sa mundo, karamihan ay pare-pareho ng ugali pero... kagaya ng prutas, mayroon tayong nagugustuhan na hindi natin alam kung bakit natin gusto.

Na kahit ang mga lalaki sa mundo ay pare-pareho, mayroon at mayroon pa ring natatangi sa paningin natin.

Bakit ko nga ba siya gusto? Ang sagot ay... hindi ko alam.

Bumalik silang dalawa. Nakangisi si Levi pero wala naman emosyon ang kasama niya. Bumaba silang dalawa sa kabayo at nilagay ang mga iyon sa kwadra. Pagkatapos maipasok ang kabayo, naglakad si Aaron at nilagpasan ang kubo.

Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa nakasakay siya sa truck at lumabas ng farm. Kumislap ang mga dahon ng mangga habang tinitingnan ko 'yon. Ang mistulang bituin na 'yon, lumalabas na naman.

Bumuntong hininga ako at sinubukang magdrawing ulit. Paulit ulit ko lang binubura dahil pangit lahat ng kinalalabasan. Naupo si Levi sa harap ko at inagaw kaagad sa akin ang board.

"Akin na 'yan." tamad kong sinabi.

"Ano 'to? Pipino?" aniya.

Umikot ang mata ko, "Upuan kaya 'yan."

"Upuan? Eh, mukhang pipino."

Tumawa siya kaya inis kong hinablot ang illustration. Gusto ko tuloy ihampas iyon sa mukha niya. Binura ko na lang ang drawing ko at gumuhit ng ibang naiisip. Wala akong cell phone kaya inisip ko na lang ang itsura ng ginuguhit ko.

"Ano naman 'yan?" natatawa ulit na singit ni Levi.

"Huwag mong pakialam!" pinandilatan ko siya.

"Sungit mo naman, Miss. Siguro may dalaw ka."

Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon