Mabilis akong napatayo pagkakita sa bayong na hawak-hawak ng kapatid ko. Nakabihis siya at mabangong-mabango at naglalakad na papalabas ng bahay. Mabilis ko siyang hinabol at kinuha sa kanya ang bayong."Kuya, ako na." inagaw ko sa kamay niya pero mabilis niyang inilayo.
"May date ako kaya ako na ang magdadaan."
"Huh? Mapapagod ka lang. Ako na." kinuha ko ulit 'yon sa kamay niya pero mahigpit ang pagkakahawak niya.
"Akala ko ba ayaw mong nagdadala ng pagkain sa farm? Iniirapan mo ako sa tuwing inuutusan kita tapos ngayon-"
"Ako na lang kasi ang dami mong sinasabi!" hinablot ko na 'yon sa kamay niya at dahil nabigla ay hindi niya agad nahigpitan ang hawak, "Bye, kuya! Ingat sa date mo, ah. I love you!"
"Sandali-"
Malakas kong naibagsak ang pintuan sa kaba na baka mahabol niya ako. Huminga ako ng malalim at tumayo roon para makahanap ng tricycle. Kinapa ko ang bulsa ko at doon lang naalala na wala pala akong dalang pera sa sobrang pagmamadali.
Pagpihit para bumalik sa loob ay napatigil ako nang nakita si kuya na nakahalukipkip at nakasandal sa kanyang motor. Sa itsura niya alam kong alam niya na wala akong pera.
Umangkas siya sa kanyang motor at nagsuot ng helmet tsaka siya tumingin sa akin, "Bilis. Ihahatid muna kita."
"Paano ang girlfriend mo?"
"Naghihintay siya pero sinabi kong ihahatid muna kita. Bilisan mo, Autumn!"
"Ito na." lumapit ako sa kanya.
Binigay niya ang isang helmet. Hindi pa masyadong nakakasakay sa likod ay pinaharurot na niya ang motor. Hinigpitan ko ang hawak sa kanyang balikat para masaktan siya. Siraulo talaga!
Tumigil kami sa harap at agad na akong bumaba, "Ano ba, kuya! Hindi mo ba alam 'yong salitang dahan dahan?"
"Hindi mo ba alam 'yong salitang naghihintay?" balik niya.
"Alam ko naman na naghihintay ang girlfriend mo pero kailangan ba bilisan mo? Paano kung nabangga tayo tapos-"
"Buhay ka pa naman." kinuha niya ang bayong at inabot sa akin, "Lakad na."
"Bahala ka nga!" kinuha ko sa kanya ang bayong at nagsimulang pumasok sa taniman ng mangga.
"Autumn," rinig kong tawag niya.
"Ano?" inis kong baling sa kanya.
Natigilan ako nang nakita ang seryosong itsura niya. Tuluyan ko siyang hinarap at nilapitan.
"Bakit, kuya?" malumanay na ang boses ko ngayon.
"Sumali ako ng competition." aniya.
Napalunok ako, "Anong competition, kuya?"
Tinanong ko 'yon kahit alam ko na ang sagot. Nang hindi siya nagsalita ay tinuloy ko.
"Swimming?"
Tumango siya at bumuntong hininga. Napatango ako, naiintindihan ko siya. Nag-aalala siya ngayon na baka hindi pumayag sila mama sa desisyon niya.
"Kailan naman 'yon?" tanong ko pagkatapos ng ilang minutong pananahimik.
"Next month."
"Ano? Tapos ngayon mo lang sinabi?" suminghap ako, "Kaya ka ba gabi na umuuwi lagi?"
Tumango siya. "Aalis na ako. Pumasok ka na."
Sinundan ko siya ng tingin. Ilang sandali pa akong nanatili na nakatayo bago nagpasyang pumasok ng manggahan. Laman ng isip ko ang sinabi ni kuya kaya hanggang sa kubo ay lutang ako. Tsaka ko lang naalala ang kwadra nang nakarinig ng ingay doon.
Nakatayo si Aaron at abalang sinusuklay ang kanyang puting kabayo. Naroon din si Mang Emil at kinakausap siya. Natigil sa tipid na pagtawa ang apo ni mayor at bumaling sa akin. Bumagsak ang tingin ko sa bayong, kinukuha na ang baunan.
Palagi nga siya gaya ng sinabi niya. Sa lahat ng apo at anak ni mayor, itong lalaking 'to lang ang nakikita kong binibisita ang farm. Siguro nga sa kanya na talaga ipapamana. Siguro naman walang mangyayaring agawan. Maraming lupain si mayor kahit sa ibang lugar kaya tingin ko mabibigyan silang lahat.
Tumango ng isang beses si Aaron kay Mang Emil tsaka siya naglakad papalapit sa kubo. Agad akong naupo sa malayong banda ng posibleng uupuan niya. Akala ko ay sapat 'yon pero naupo talaga ito sa mismong malapit sa akin.
Kalma, Autumn. Baka gusto lang niya ng kausap. Pero si Mang Emil?
"Hindi tayo madalas magkita sa school. Hindi tuloy ako makapagpakilala." ani ko.
"Ikaw ang anak ni Aling Lordel?" tanong niya.
Tumango ako, "Medyo malapit lang ang bahay namin mula rito."
"Nakapunta na ako sa bahay niyo. Kilala ko rin ang kuya mo."
"Paano mo nalaman?" binalingan ko siya.
"Kilala ng kapatid mo ang pinsan ko." tugon niya.
Napatango tango ako at natahimik kaming dalawa. Sinulyapan ko ang malayong banda ng patag na berdeng mga damo. Nagtatago roon ang tanawin ng lawa na palagi niyang tinitingnan. Ano kaya ang mayroon doon?
"Sumali ang kuya mo sa isang swimming competition sa kanilang school?" biglang tanong niya.
Nanlaki ang mata ko sa gulat, "Paano mo nalaman?"
"Narinig ko kayong dalawa kanina. Hindi ko sinasadya, nagkataon lang." aniya.
"Ganoon na nga."
"Nag-aalinlangan siya?" tanong niya ulit.
"Nag-aalala lang siya." saad ko, "Baka kasi hindi pumayag si mama sa gagawin niya."
"Kaya ba hindi niya sinabi? Hindi ba may girlfriend siya?"
Napatingin ako at napatitig sa kanya. Hindi ko alam na ganito karami ang tanong niya. Hindi ko tuloy maiwasang maisip na kilala niya si kuya.
"Narinig ko rin 'yon kanina." dugtong niya marahil dahil sa nakitang ekspresyon ko.
"Matagal na sila ni Katelyn."
"Hindi ba siya pinagsabihan ni... Katelyn?" mabagal na ang pagkakabigkas niya sa pangalan na parang iniisip pa niyang mabuti.
"Tungkol saan? Sa competition?"
Tumango siya.
"Hindi ko alam kay kuya, ngayon lang kasi niya sinabi sa akin na sumali pala siya. Pero siguro naman nag-usap na sila ni Kaye tungkol dito kaya rin siya tumuloy na sumali."
Natigilan ako nang bahagya siyang ngumisi, "Nakaya niyang sabihin sa girlfriend niya pero sa magulang, hindi?"
Napakurap kurap ako, "Ah... hula ko lang naman 'yon. Hindi ko alam kung nag-usap ba sila o nilihim din ni kuya sa girlfriend niya ang tungkol doon."
"Aaron! Aaron!" humahangos na si Mang Emil ang nagpatigil sa usapan namin, "Pinapatawag ka na ni Mayor, hijo. Kailangan mo na raw umuwi."
Tumayo si Aaron at inayos ang itim na damit. Nadumihan 'yon ng kaunti dahil sa kabayo kanina. Tumingin siya sa akin at tipid na ngumiti. Hindi ako ngumiti pabalik. Inaalala ko pa ang sinabi niya kanina.
Tumango sa akin si Mang Emil at hinatid si Aaron habang sumasakay ito sa wrangler na pag-aari nila. Nang nakaalis si Aaron ay binaba na ni Mang Emil ang mga pagkain ng trabahador.
BINABASA MO ANG
Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #1