Kabanata 12

701 36 4
                                    


Sa nalalapit na pasko, naghahanda na ang klase namin para sa mga gaganaping exchange gift at event. Abala ang school para roon kaya wala kaming masyadong ginagawa. Magkakaroon ng bakasyon pero pagkatapos no'n alam kong pasakit na naman ang kasunod.

Huminga ako ng malalim at umangkas sa puting kabayo. Sumunod si Aaron at inayos na ang sarili sa aking likuran. Ramdam ko ang binti niya sa aking binti. Hindi gaya noon, pinaghiwalay ko na ang binti ko at mas naibabalanse ko ang katawan ko.

"Sunod na aanihin?" tanong niya.

Tumango ako, "Oo, napansin ko kanina habang papasok ako na hinog na ang mga bunga ng mangga sa harap. Hindi ba 'yon isusunod?"

Huminga siya ng malalim, "Kapag natapos na ang pagharvest sa mangga, wala nang gagawin ang ibang trabahador dito."

Marahan niyang pinatakbo ang kabayo. Hindi ko inaalala ang oras kaya hinayaan ko na lang na ganoon. Isa pa... mas mabagal, mas mahabang usapan.

"Alam ko. Tapos na ang trabaho nila sa farm at babalik na lang kapag may itatanim ulit." saad ko.

"Kasama ang mga magulang mo sa mawawalan ng trabaho sa farm."

Tumango ulit ako, "Kinuha lang kasi sila ni Mayor para may tumulong sa pag-harvest. Hindi naman siya matanggihan kaya nandito sila mama. May trabaho rin kasi si papa sa bayan."

"Kung wala na sila, edi hindi ka na rin magdadala ng pagkain dito? Hindi ka na rin pupunta rito?"

Natigilan ako. Ang dahilan ng pagpunta ko rito ay ang paghahatid ng pagkain sa mga magulang ko. Ganoon 'yon, hindi ba? Pero nitong nakaraan napapansin kong nag-iiba. Gusto kong palaging nagpupunta sa lugar na ito. Sa paraisong lugar na ito, para sa kanya.

Pinaawang ko ang labi ko at ilang sandali pa bago sumagot, "Siguro... pupunta pa rin."

Natigilan siya sa marahang pagsipa sa tiyan ng kabayo. Ako na ang sumipa no'n. Bahagya lang dahilan para tumakbo ang kabayo. Tinuruan niya akong mangabayo noong nakaraan kaya may kaunti na akong nalalaman. Sabay na humigpit ang hawak namin sa renda at siya na ang nagpatakbo ng mabilis sa kabayo.

Ang ibang puno ng niyog na nagkalat at ang ibang hindi pamilyar sa akin ang tangi kong nakikita. Hindi na ako natatakot mahulog, sapat na ang braso niya na nakapalibot sa akin upang hindi makaramdam ng kaunting pangamba.

Pakiramdam ko lumalapit ang buong mundo sa akin. Ngumiti ako at mas dinama pa ang hangin na sumasalubong sa amin. Ilang sandali ay tanaw na ang malawak na lawa. Umakyat ang kabayo sa isang berdeng burol at doon sa taas, pinagmasdan namin ang ganda ng anyong tubig.

Parang tanawin na dina-drawing ng mga bata. Ang lawa, ang mga bundok, ang asul na kalangitan, at ang lumilipad na ibon sa itaas. Gumalaw ang kabayo kaya humigpit ang hawak ko sa renda.

"Pwede bang maligo sa lawa?" marahang tanong ko sa taong nasa likod.

"Hmm..." ramdam ko ang pagtango niya, "Malamig lang. Gusto mong subukan?"

"Tsaka na kapag hindi na malamig."

Bahagya siyang tumawa, "Hindi mawawala ang lamig ng tubig sa lawa, Autumn. Kung hindi mo susubukan ngayon, kung ganoon ay kailan?"

"Sa susunod na lang, mukha kasing malalim ang tubig."

"Tuturuan kitang lumangoy." mabilis niyang sinabi.

Ngumuso ako, "Tinuruan mo akong mangabayo, tapos tuturuan mo akong lumangoy. Ano pa ang sunod? Baka mamaya tuturuan mo na rin ako sa mga assignment
ko sa school?"

Bahagya ko siyang binalingan. Tumama ang kanyang ilong sa aking pisngi kaya hindi ko na itinuloy. Sobrang lapit niya na nakakailang pati ang paghinga. Huminga siya ng malalim at halos makiliti ako.

Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon